Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 13, 2020): Luwagan ang lahat ng Usaping Akademiko sa Panahon ng Pandemya’t Sakuna, Idiin ang CHED at Rehimeng Duterte sa kanilang Pagka-inutil!
KIDAWA DAYAWENSPOKESPERSON
KABATAANG MAKABAYAN – DEMOKRATIKO A TIGNAYAN KADAGITI AGTUTUBO ITI KORDILYERA (KM-DATAKO)
CORDILLERA PEOPLE'S DEMOCRATIC FRONT
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
NOVEMBER 13, 2020
Sa loob lamang ng tatlong linggo, nakaranas ang bansa ng sunud-sunod na bagyo na may magkakaibang lakas at intensidad.
Noon pa mang bagyong Quinta, nagsimula nang tumaas ang lebel ng tubig sa ilang parte ng Gitnang Luzon, Lambak Cagayan at Kordilyera. Maliban sa mga nasirang mga bukid at hanapbuhay, lumubog din sa baha ang kanilang mga tirahan. Sinalanta naman at halos mawala sa mapa ang Bikol, Timog Katagalugan at ilang parte ng Bisayas dahil sa Super Typhoon Rolly. Malalawakan at matagal ang blackout sa kanilang mga lugar, habang ang mga residente nama’y kasalukuyang nagsisiksikan sa mga evacuation centers habang pinagkakasya ang kakaunting ayuda.
Walang makain at matitirhan ang karamihan ng mamamayan. Naging dagdag pa ito sa pang-ekonomikong krisis na nararanasan ng mamamayan dahil sa COVID-19. Samantala, ang Timog Katagalugan, maliban pa sa pandemya, ay nakaranas din ng pinsala sa kabuhayan dahil sa pagputok ng Bulkang Taal noong unang bahagi ng taon. Halos hindi pa nakakabangon ang buong Luzon sa bagyo nang sinalanta naman ito ng Ulysses, na siyang nagbuhos ng ulan at baha sa Metro Manila.
Sa Kordilyera, malala rin ang mga natamong pinsala ng mamamayan dahil sa bagyo. Tumaas na rin ang lebel ng tubig sa Ilog Chico, na dumaraan sa Kalinga at bukana ng Bontoc. Samantala, maraming mga garden sa Benguet (partikular sa La Trinidad, Buguias at Atok) ang nasira dahil sa malakas na hangin at malakas na daloy ng tubig. Lubog din sa baha ang mga daan at palayan sa Conner, Apayao at Tabuk, Kalinga na siya sanang pagkukunan ng pagkain para sa mga susunod na buwan. Nasira naman ang tulay ng Achuwaron sa Natonin, Mountain Province habang nasira naman ang mga electrical wires sa kalakhan ng syudad ng Baguio. Sa Ifugao naman, hindi man lang naka-ani ang mga magsasaka ng kanilang tanim na palay at mais dahil walang dumadapong sinag ng araw simula pa noong bagyong Rolly. Nagkaroon naman ng mga landslide sa Atok (Benguet), Tabuk (Kalinga) at Lacub (Abra), kung saan may mga naiulat na namatay sa unang dalawa.
Lubog sa tubig at kalunus-lunos ang mga pagkasira sa buong Pilipinas.
Sa kabila ng ganitong kalagayan ng mga probinsya, ni hindi tumigil sa pagpapapasa ng mga requirements ang mga iskwelahan sa Kordilyera laluna ang mga pampribadong unibersidad. Sa Saint Louis University, ang pinakamalaking eskuwelahan sa buong Hilagang Luzon na may mga estudyante sa iba’t ibang parte ng Pilipinas, may mga ulat na tuloy pa rin ang ilang mga klase habang hindi pa ina-adjust ang pasahan ng mga requirements. Ganito rin ang galaw sa mga mayor na iskwelahan sa buong rehiyon tulad ng University of the Cordilleras, Benguet State University, University of Baguio, University of the Philippines Baguio, at Baguio Central University. Lubog na nga sa baha, lubog pa sa requirements. Paano na ang mga estudyanteng nasalanta ng bagyo, laluna ang mga estudyante sa mga liblib na lugar ng rehiyon? Paano pa kaya ang mga estudyante sa mga lokal na eskwelahan sa mga probinsya ng Kordilyera, tulad ng Mt Province State Polytechnic College, Abra State Institute for Science and Technology, Kalinga State University, Apayao State College at Ifugao State University? Paano ang mga gurong nasalanta ring ng bagyo, at hirap din sa pagtuturo dahil sa pandemya at sakuna?
Dahil sa kasalukuyang estado ng buong bansa, nararapat lamang na magpanawagan ang lahat ng mga kabataan-estudyante at mga guro ng pagluluwag ng lahat ng usaping pang-akademiko. Maaaring magtagal ito pansamantala, o mas pangmatagalan depende sa kakayahan ng mga estudyante at guro na makasabay sa agos ng gawain sa eskwelahan. Sa panahon ng pagluluwag, nararapat lamang na ipanawagan ang pagpapaliban ng lahat ng mga pasahan at hindi pagtatakda ng mga gawain sa panahon ng sakuna.
Sa mga balangay ng Kabataang Makabayan – DATAKO, maaaring ilapat ang ating panawagan sa konkretong kalagayan ng mga eskwelahang kinikilusan at gumawa ng karampatang partikularidad. Magandang maliban sa mga estudyante, magandang mag-organisa at isama rin sa ating panawagan ang mga guro at mga magulang para sa isang nagkakaisang prente para sa usaping edukasyon, pandemya at sakuna. Itaas at ikabit lagi ang ating mga kampanya sa edukasyon sa anti-pasista, anti-imperyalista at anti-pyudal nating pakikibaka.
Nararapat lang din na idiin ang Commission on Higher Education at ang rehimeng Duterte dahil sa kanilang pagkainutil. Mula pa lang noong unang bahagi ng pandemya, wala nang naipamalas ang CHED (sa ilalim ng rehimeng Duterte) ni hindi magawa ang kaniyang mandato. Sa kasalukuyan, binibigyang laya ng CHED ang mga pampribadong unibersidad patungkol sa pasukan at pagpapasa ng mga requirements. Ni walang ginawang tulong ang CHED sa panahon na nangangailangan ang mga estudyante dahil sa pandemya hanggang ngayong bagyong Ulysses. Samantala, wala man lang magandang nabanggit ang pangulo (ni kahit magandang pangako) sa sektor ng edukasyon–pagpapatunay na walang pakialam ang pangulo sa kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa bansa.
Isabay din dito ang mga panawagan para sa pagpapababa ng badyet sa militar at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict dahil mas kailangan ng mas mataas na badyet sa edukasyon, kalusugan at pang-kalamidad. Hindi nakakatulong ang badyet ng militar at NTF-ELCAC sa kasalukuyang danas ng mamamayan, bagkus ay lalo lang nitong nilalayo ang mamamayan sa mga tulong na dapat nilang matamasa.
Tuwing panahon ng krisis, lalo lamang lumalabas ang kawalang interes ng estado na pagsilbihan ang mamamayan. Nararapat lamang na idiin ang rehimeng Duterte sa kanilang kriminal na pagpapabaya.
Sa huli’t huli, wala talagang maaasahan sa ganitong klase ng sistema. Ang pagpapalaya lamang ng sambayanan ang makakasagot sa pagtatapos ng kahirapan. Tanging sa demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba at pinamumunuan ng uring proletaryado lamang ang ating pag-asa! ###
https://cpp.ph/statements/luwagan-ang-lahat-ng-usaping-akademiko-sa-panahon-ng-pandemyat-sakuna-idiin-ang-ched-at-rehimeng-duterte-sa-kanilang-pagka-inutil/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.