Wednesday, December 1, 2021

CPP/NDF-Cavite: Pulang saludo sa makasaysayan at militanteng pakikibaka ng Kabataang Makabayan sa loob ng 57 taon!

Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Nov 30, 2021): Pulang saludo sa makasaysayan at militanteng pakikibaka ng Kabataang Makabayan sa loob ng 57 taon!
 

NATIONAL DEMOCRATIC FRONT-CAVITE

November 30, 2021

Sa pambihirang mga panahon na dinanas ng mamamayan ng Kabite at sa buong kapuluan, nasaksihan natin ang makasaysayang paglahok sa rebolusyon ng Kabataang Makabayan. Hindi lamang nito pinangunahan ang pakikibaka ng mga kabataan-estudyante bagkus ay nasaksihan natin kung paano matapang na hinarap ng KM ang dakilang hamon na sumandig sa batayang masa. Ibinunga ng mga nagdaang mga kasaysayan ang matibay na pamumuno ng Kabataang Makabayan sa loob ng 57 taong.

Maagang bahagi pa lang ni Duterte sa pagkakaupo bilang Pangulo ay hindi na mabilang ang mga kaso ng surveillance, pandarahas, illegal arrest/detenion, at mga biktima ng mga pampulitikang pamamaslang laluna sa hanay ng mga kabataan. Gayunpaman, malinaw ang oryentasyon nito na paglingkuran ang mamamayan nang walang pag-iimbot.

Malaki ang partisipasyon ng Kabataang Makabayan sa pagsusulong ng pambansa demokratikong aspirasyon. Pinatunayan ng KM ang napakahalagang papel nito sa pagbabago at ang pagpapatuloy ng rebolusyon ni Gat Andres Bonifacio at ng Katipunan na naging inspirasyon ng pagkakatatag nito noong ika-30 Nobyembre 1964. Kaya sa diwa ng mga okasyon ngayong araw, marapat nating balikan ang makasaysayang buhay pakikibaka ni Gat Andres Bonifacio na noong panahon niya ay ‘di hamak na isang kabataang nanguna sa rebolusyon at kalauna’y idineklara bilang ama ng Rebolusyong Pilipino matapos matagumpay na itinaguyod ang Rebolusyong 1896.

Pinulot ng mga sumunod na henerasyon ang rebolusyonaryong tradisyon ni Ka Andres kaya naman naging malaking bahagi ang mga Kabataang nagpatuloy ng rebolusyon sa ilalim ng bandila ng Pulang Mandirigma ng PKP-1930 laban sa Estados Unidos at HUKBALAHAP ng parehas na partido laban sa mga Hapon. Sa parehong pagkakataon, inabot natin ang tagumpay na nag resulta sa pagpapatalsik ng mga imperyalistang mandarambong.

Bagamat nakamit ang mga tagumpay, hindi binitawan ng mga kabataan ang rebolusyonaryong tradisyon ni Ka Andres kaya mahusay na itinayo at nakapagpalawak ang Kabataang Makabayan hanggang ideklera itong iligal na organisasyon. Gayunpaman, itinaas ng KM ang kaniyang antas ng pakikibaka kaya buong puso, prinsipyo, at paninindigan nitong sinoong ang umaalingawngaw na panawagan sa kanayunan at kalunsuran.

Hinaharap natin ngayon muli ang pambihirang pagkakataon kaya tiyak na maasahan natin ang pagwawakas sa delusyonal na Marcos-Arroyo-Duterte sa lahat ng pagkakataon.

Muling pinagpupugayan ng National Democratic Front of the Philippines – Cavite ang mga anak ng bayan na walang pag-iimbot na naglingkod sa mamayan hanggang sa kanilang huling pag hinga. Pinakamataas na pagpupugay kina JUN ERIC “KA JAPZ” PEREY, MARJORIE “KA FORT” MANTO, JAYSON “KA UDYR” PAGALAN, QUEENIE “KA KIRA” DAMARAN, KA SANDER, KA JOBO, KA “RURU” RESURRECION AT KA KNIGHT — mga kabataan at kasapi ng Kabataang Makabayan mula sa lalawigan ng Cavite na ginamit ang kanilang lakas at talino sa walang kapagurang paglilingkod sa sambayanan kasama ang Bagong Hukbong Bayan.

Bigo ang pasistang rehimen ni Duterte na patahimikin ang mga rebolusyonaryong kabataan sa lalawigan at buong bansa. Sa halip, higit pang sumulong ang mga kabataan at buong tapang na niyakap ang hamon upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! Dahil dito, tiyak ang tagumpay!

MABUHAY ANG KABATAANG MAKABAYAN!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
IPAGDIWANG ANG 57 NA TAON NG KABATAANG MAKABAYAN!

https://prwcinfo.wordpress.com/2021/11/30/pulang-saludo-sa-makasaysayan-at-militanteng-pakikibaka-ng-kabataang-makabayan-sa-loob-ng-57-taon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.