Monday, March 23, 2020

CPP/Ang Bayan: Perwisyong dulot ng Luzon lockdown sa masang anakpawis

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 21, 2020): Perwisyong dulot ng Luzon lockdown sa masang anakpawis




Pasan ng mga manggagawa at malamanggagawa ang mabigat na perwisyong dulot ng isang buwan na lockdown na ipinataw ni Rodrigo Duterte sa buong Luzon noong Marso 17. Ipinagbawal ni Duterte ang lahat ng moda ng pampublikong transportasyon at inobliga ang mga manggagawa na “manatili sa bahay,” isang hakbang na pumigil sa kanilang magtrabaho nang walang sapat na kompensasyon.

Unang tinamaan sa naturang restriksyon ang mga drayber at opereytor, kasunod ang mga manggagawa na kalakha’y mga nakasandig sa pampublikong transportasyon. Sa kagyat, apektado nito ang tinatayang tatlong milyong manggagawa na nagtatrabaho sa Metro Manila pero umuuwi sa karatig nitong mga prubinsya.

Pinakaapektado ang mga manggagawang pangkalusugan na obligadong pumasok pero walang masakyan patungo sa mga ospital at klinika. Hirap ding makapunta sa palengke ang mga residente para makabili ng mga batayang pangangailangan. Inamin mismo ng mga upisyal ng lokal na gubyerno na hindi sapat ang kanilang mga rekurso at sasakyan para tugunan ang pangangailangan ng mga residente ng kani-kanilang bayan, laluna yaong may mga espesyal na kunsiderasyon tulad ng mga matatanda at nangangailangan ng medikal na tulong.

Dahil sa kakulangang ito, marami sa mga manggagawa ang nawawalan ng kita at nanganganib na masisante sa kanilang mga trabaho. Marami nang manggagawa ang dumaraing na wala nang makain ang kani-kanilang mga pamilya, lalupa’t kalakhan sa kanila’y umaasa lang sa kakarampot na arawang sahod.

Pantapal na mga hakbangin

Para pahupain ang galit ng mamamayan, nagpapakana ang rehimen ng pantapal na mga hakbangin gaya ng pamimigay ng napakaliit na ayuda, at paglikha ng limitado at pansamantalang mga trabaho.

Ipinagmamalaki ng rehimen ang programa nitong Covid-19 Adjustment Measures Program (CAMP) na maglalaan umano ng ₱1.3 bilyong ayudang pinansyal para sa mga manggagawang regular na hindi makapagtrabaho dulot ng lockdown. Magbibigay umano ito ng ₱5,000 kada manggagawa para sa isang buwan (o ₱161 kada araw) bilang kompensasyon.

Napakaliit at hindi sasapat ang halagang ito para buhayin ang apektadong mga pamilya sa Luzon. Kung hahatiin ang nabanggit na kabuuang badyet sa halaga ng buwanang ayuda, lumilitaw na 260,000 lamang na manggagawa, sa maksimum, ang maaaring makinibang sa pondo. Ang bilang ng mga makikinabang ay hindi pa aabot sa isang porsyento ng 26 milyong manggagawa sa Luzon, o wala pa sa limang porsyento ng 5.8 milyong manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Kakaunti na nga ang makikinabang, kapos pa ang ayuda kada manggagawa nang 73% sa tinatayang ₱597 kada araw na kinakailangang badyet ng isang pamilya para sa sapat at masustansyang pagkain. Ang taya na ito ay batay sa pamantayang itinakda mismo ng reaksyunaryong estado noong Mayo 2019. Tiyak na mas mataas pa ito ngayon dulot ng implasyon.

Naglaan din ang rehimen ng ₱180 milyon para sa programa nitong Tulong Pangkabuhayan sa Displaced/Underprivileged Workers (TUPAD) na magbibigay umano ng pansamantalang trabaho sa mga malaproletaryado bilang mga manggagawang pangkalusugan. Napakaliit ng badyet na ito lalupa’t sa NCR pa lamang ay milyun-milyon na ang walang pormal na hanapbuhay. Sasapat lamang ang badyet na ito para makapag-empleyo nang hindi tataas sa 16,000.

Samantala, plano rin ng rehimen na mangutang ng daan-daang milyong piso mula sa mga dayuhang institusyong pampinansya para punan ang lumalaking gastos nito sa pagpigil ng pagkalat ng Covid-19 sa bansa. Noong Marso 13, inaprubahan na ng Asian Development Bank ang aplikasyon ng rehimen para sa $3-milyong utang (₱150 milyon sa palitang $1=P50). Nagsumite rin ng aplikasyon ang rehimen para makabahagi sa $12-bilyong pondo na ilalaan ng World Bank bilang pautang para sa mahihirap na bansa na natamaan ng pandemya. Notoryus ang dalawang institusyon na ito sa pagsamantala sa mga sakuna para magkamal ng tubo sa pamamagitan ng pagpatong ng interes sa mga pautang.

Artipisyal na “kasalatan”

Ang lockdown, na sa esensya’y isang malawakan na sosyo-ekonomikong blokeyo, ay kagyat na lumikha ng artipisyal na “shortage” (o kasalatan sa suplay) na higit pang nagpasirit sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ramdam ito sa Metro Manila dahil sa pagka-ipit sa mga tsekpoynt at limitadong galaw ng mga trak na nagdadala ng batayang mga produktong pagkain, gaya ng gulay, mula sa mga prubinsya. Ito ay sa kabila ng deklarasyon ni Duterte na hindi saklaw ng lockdown ang mga magsasaka at mga drayber na nagdadala ng kanilang mga produkto tungong mga sentrong urban. Nagresulta ito sa pagdoble sa presyo ng gulay sa mga pamilihan sa NCR.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/03/21/perwisyong-dulot-ng-luzon-lockdown-sa-masang-anakpawis/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.