Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 21, 2020): Panawagan ng taumbayan: Solusyong medikal, hindi militar
Sa gitna ng ligalig at hirap na idinulot ng lockdown ni Duterte, malinaw na inilatag ng pambansa-demokratikong mga organisasyon ang kagyat na pangangailangan ng mamamayan para harapin ang banta ng epidemya ng Covid-19. Ang listahan ng mga kinakailangang hakbang ay pagbatikos rin sa sa militaristang solusyon ni Duterte sa krisis at pagtaguyod sa kagalingan ng mamamayan.
Kagyat nilang panawagan ang pagsasagawa ng malawakan at libreng pag-eksamen sa maysakit, pagbibigay ng mga paketeng pangkalinisan, pagtitiyak ng sapat na suplay ng malinis na tubig at iba pa. Isinama din nila ang malawakang kampanyang impormasyon hinggil sa Covid-19 sa buong bansa.
Dapat na magkaroon ng tuluy-tuloy at malawakang paglilinis sa mga komunidad lalo na sa mga komunidad ng maralita. Iginiit nila ang regular na pagbibigay ng libreng pagkain, bitamina at iba pang mga gamot.
Dapat ipagbawal ang mga demolisyon at pagpapalayas sa mga maralita, ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Binatikos ng grupo ang isinagawang demolisyon sa Pasay City noong Marso 12, sa araw na idineklara ang lockdown sa National Capital Region. Tinatayang 300 pamilya ang nawalan ng tirahan sa New Era Compound sa Barangay 137, Zone 15, Protacio dulot ng demolisyon.
Sa hanay ng mga manggagawa at kawani ng gubyerno, dapat tiyakin ang pagbibigay ng buong sahod at mga benepisyo. Kinakailangang maging mapagbantay sa malawakang tanggalan, laluna ang napakaraming kontraktwal na manggagawa sa gubyerno, sa tabing ng krisis pangkalusugan. Mahalaga ring mabigyan sila ng sapat na kompensasyon sa panahon ng lockdown. Gayundin, dapat mailatag ang malinaw na plano at pangangasiwa sa mga migranteng Pilipino.
Ayon sa Alliance of Health Workers, dapat tiyakin ang gamit-proteksyon ng duktor, nars at manggagawa sa kalusugan na nasa harapan ng pagresolba sa Covid-19. Dapat silang bigyan ng angkop na hazard pay.
Inilabas ng mga organisasyon ang mga kahingian sa harap ng makupad at inutil na tugon ng rehimen sa krisis pangkalusugan. Ipinakita nila na mayroong ibang paraan ng pagharap na krisis na wasto at mapagmalasakit. Napatunayan na ito sa karanasan sa ibang bansa na hindi nagpatupad ng pasistang mga lockdown, at sa halip ay sumunod sa mga hakbang na iminungkahi ng kanilang mga manggagawa sa kalusugan at mga internasyunal na ahensyang pangkalusugan. Halimbawa nito ang South Korea at Vietnam na kapwa nagsagawa ng malawakang pag-eksamen sa mga pasyente, nagbigay ng komprehensibong suporta at ayuda sa kanilang mamamayan, at nagtiyak ng libreng mga serbisyo medikal sa lahat. Sa mga bansang ito, binuo ang mga tim ng eksperto sa kalusugan para mangasiwa sa kinahaharap na krisis.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2020/03/21/panawagan-ng-taumbayan-solusyong-medikal-hindi-militar/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.