LUNGSOD NG BUTUAN -- Sa patuloy na kampanya ng gobyerno laban sa pangrerecruit ng mga makakaliwang grupo sa mga estudyante sa ibat-ibang unibersidad sa bansa, pinaalalahanan ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon Jr., ang lahat ng sektor na maging alerto at tumulong sa paghadlang ng gawaing ito ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon kay Sec. Esperon, binibigyang-halaga ng administrasyong Duterte ang edukasyon lalo na ang kinabukasan ng mga kabataan. Dahil dito, binibigyan ding prayoridad ni President Rpdrigo Duterte ang mga programa, proyekto at mga oportunidad sa mga kabataan na umunlad.
“Ang pangulo mismo ang nanguna sa pagpapatupad ng libreng tertiary education sa lahat ng state universities. Nais ng pangulo na makapag-aral ang mga kabataan at umunlad,” sabi ni Sec. Esperon.
Nanghihinayang naman ang opisyal sa mga kabataang nalinlang ng mga makakaliwang grupo at hindi na nakapagtapos ng pag-aaral. May mga minor de edad na din ang napabilang sa mga nagbalik-loob sa gobyerno.
“Mayroong karamihan sa kanila ay Grade 3, Grade 5. Kung sana nabigyan lang ng pagkakataon ang mga ito na makapag-aral, naranasan din sana nila ang magandang buhay. Dahil din ditto, mas pinalawak pa natin ang alternative learning systems at mga skills trainings ng Technical Education and Skills Development upang maka-capacitate din sila,” dagdag ni Esperon.
Sinabi rin ng kalihim na mas maunlad na sana ang mga probinsya ng Caraga kung hindi lang dahil sa gulong idinudulot ng CPP-NPA, maging ang pangbibiktima at pag-aabuso nila sa mga Indigenous Peoples at magsasaka.
Kaya naman, mas paiigtingin pa ng Regional Task Force To End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) ang mga inisyatibo at aktibidad kasama ang ibang sektor ng rehiyon para masugpo ang insurhensiya sa barangay level.
Samantala, dapat din daw na maging tapat at seryoso ang mga opisyal sa barangay sa pagtulong sa gobyerno na makamit ang pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad ng bansa.
“Pupuntahan namin yung mga barangay kapitan at opisyales. Napaka-importanteng sila ang kasama natin at nakikita naman na yung mga barangay kapitan natin ay tutulong sa inisyatibong ito,” sabi ni Esperon. (JPG/PIA-Caraga)
https://pia.gov.ph/news/articles/1027523
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.