Tuesday, March 21, 2017

CPP/NPA-Camarines Sur: Update at Correction sa Ulat ng Taktikal na Opensiba Laban sa 22nd IB noong Marso 18

New People's Army propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 20): Update at Correction sa Ulat ng Taktikal na Opensiba Laban sa 22nd IB noong Marso 18
Michael Robredo, Spokesperson
NPA-Camarines Sur (Norben Gruta Command)

20 March 2017
Press Release

Sa taktikal na opensibang isinagawa ng isang tim ng Norben Gruta Command (NGC) ng NPA West Camarines Sur, isang (1) elemento ng 22nd IB, 9th ID ang napaslang, si CAFGU-CAA Norbert Sabariza. Sugatan naman ang dalawa pang kasabay nitong CAFGU-CAA na sina Roland dela Torre at Jhenrick Neo. Tinambangan ng NGC ang tatlong elemento ng CAFGU na naka-motorsiklo, habang dumadaan ang mga ito sa highway.

Ang opensibang ito ay aksyon laban sa panghihimasok ng Philippine Army sa mga sonang gerilya at sa patuloy na pamamasista nito sa pagpapatupad ng all-out-war sa ilalim ng huwad na Oplan Kapayapaan ng rehimeng Duterte. Sa pamamagitan ng Oplang ito, target ng mga teroristang aksyon ng 9th ID ang mga inosenteng sibilyan; noong nakaraang Marso 5, sinunog ng mga ito ang isang bahay sa kalapit na bayang Sipocot upang maghasik ng takot sa mga residente. Bahagi ang CAFGU sa pagpapatupad ng mapagkunwaring Oplan na ito, sa pamamagitan ng pangongolekta ng mga datos at pagkontrol sa mga residente.

Tinutugunan din ng opensibang ito ang mga reklamo ng mga residente laban sa 22nd IB. Ayon sa mga residente at imbestigasyon ng NGC, sangkot ang mga CAFGU sa pagpapalaganap ng droga sa lugar, paglalason ng isda sa ilog, at pagnanakaw ng livestock (kambing, baboy at manok) at pananim ng masa. Inireklamo rin ng mga residente ang pagtatayo ng detatsment nito sa Barangay Casay, Lupi, Camarines Sur na malapit lang sa mga kabahayan at panghaharang ng mga lasing na CAFGU sa mga dumadaang sibilyan. Tinatakot at hinaharangan din ng mga ito ang mga residenteng nais dumalo sa rali para maghain ng mga lehitimong kahilingan.

Humingi naman ng paumanhin ang Norben Gruta Command sa mag-asawang sina Rey at Versabi Barrientos na taga-Barangay Casay. Habang isinasagawa ang operasyon laban sa mga sinabing elemento ng CAFGU, biglang nag-overtake sa sasakyan ng mga CAFGU ang mag-asawang Barrientos na nakasakay ng motorsiklo, dahilan ng pagka-daplis kay Rey sa binti at pagkaroon ng gasgas ni Versabi nang matumba ang motor. Binigyan na ng NGC ng karampatang tulong medikal at pinansyal ang dalawa.

https://www.philippinerevolution.info/statements/20170320-update-at-correction-sa-ulat-ng-taktikal-na-opensiba-laban-sa-22nd-ib-noong-marso-18

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.