Tuesday, March 21, 2017

CPP/fAng Bayan: Mga sibilyang komunidad, binomba ng AFP

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 21): Mga sibilyang komunidad, binomba ng AFP (Civilian communities bombed by the AFP)

Sunud-sunod na mga pambobomba sa mga komunidad sa kanayunan ang isinagawa ng mga tropa ng AFP. Ito ay matapos iutos ni Duterte na patagin ang mga bundok bilang tugon sa mga opensiba ng BHB.

Pinipinsala ng mga pambobombang ito ang mga kabuhayan ng mamamayan, hindi lamang sa tuwirang paninira, kundi gayundin sa dislokasyon ng mga residente mula sa kanilang mga komunidad.

Abra. Matapos ang magkasunod na matatagumpay na taktikal na opensiba ng BHB-Abra sa Malibcong, naglunsad ang Philippine Air Force (PAF) ng pambobomba gamit ang mga eroplanong FA-50 sa mga kabundukan ng Bangilo at Mataragan District noong Marso 16.

Nag-umpisa ang pambobomba nang alas-8 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon, kung saan umabot sa kabuuang 14 na beses naghulog ng mga bomba ang mga eroplano ng PAF. Nagresulta ito sa malawakang pagkasunog ng kabundukan, mga palayan at pastuhan ng mga baka, at nagdulot ng takot sa mamamayan. Apektado ang di bababa sa 56 pamilya, kabilang na ang 200 bata.

Kasabay nito, inakusahan din ng 24th IB at PNP-Cordillera ang mga empleyado at upisyal ng lokal na pamahalaan ng Malibcong, gayundin ang mga progresibong organisasyon, na mga myembro ng BHB para gipitin sila. Nanghalughog din ang mga sundalo sa ari-arian ng mga sibilyan, at pinaigting ang checkpoint sa mga daanan.

Nitong Marso 18, iligal na inaresto ng mga sundalo sina Joshua Gumatay at Antonio Ambalneg Jr., kapwa myembro ng Kabataan Partylist. Ipinailalim sila sa interogasyon sa loob ng halos apat na oras bago ipasa sa DSWD at meyor ng Malibcong.

Maguindanao. Lumikas ang may 1000 pamilya sa Datu Salibo, Maguindanao dulot ng mga pambobomba ng AFP sa komunidad ng mga Moro mula Marso 13 hanggang Marso 16.

Ayon sa organisasyong Suara Bangsamoro, maliban sa mga bombang ihinulog ng mga eroplanong FA-50, kinanyon din ng mga MG-520 attack helicopter at 105mm howitzer ang komunidad ng Brgy. Andavit, kung saan 300 pamilya ang nagsilikas.

Pagsapit ng alas-5:30 ng umaga, pinasok na ng may 600 sundalo lulan ng mga tangke at trak ang lugar. Ayon sa 6th ID, binomba umano nila ang Brgy. Andavit upang itaboy ang mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. Dahil sa militarisasyon, napilitan na ring magbakwet ang mga residente sa mga karatig-barangay ng Tee at Gawang.

Compostela Valley. Sapilitan ding lumikas noong Marso 11 ang mahigit 75 pamilya sa Brgy. Cabuyoan, Mabini, Compostela Valley dahil sa pambobomba ng mga helikopter matapos ang labanan sa pagitan ng BHB at 46th IB.

Ayon sa mga residente, hindi bababa sa 10 bomba ang ihinulog ng mga helikopter sa kanilang mga komunidad. Gumamit din ng mga masinggan ang mga helikopter sa mga pag-atake. Dulot nito, lumikas patungo sa Cabuyoan Elementary School ang mga residente mula sa mga sityo ng Magpalusong, Post 2 at Patawon.

Inireklamo rin ng mga residente ang pagnanakaw ng mga sundalo ng kanilang mga pagkain at paninda.

Bago nito, noong Pebrero 12 ay kinanyon rin ng 60th IB ang Brgy. Bullocan sa bayan ng Laak matapos ang misengkwentro sa pagitan ng mga sundalo. Itinulak nito ang mahigit 300 pamilya na lisanin ang kanilang mga komunidad. Gayundin, noong Pebrero 22, mahigit isang oras na inatake mula sa himpapawid ang Brgy. Fatima sa Paquibato District sa Davao City na nagdulot ng matinding ligalig sa mga residente.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170321-mga-sibilyang-komunidad-binomba-ng-afp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.