Tuesday, March 21, 2017

CPP?Ang Bayan: 29 armas nasamsam//Matatagumpay na opensiba, nagsagutan

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 21):  29 armas nasamsam//Matatagumpay na opensiba, nagsagutan (29 firearms seized. victorious offensives reported)

NAGSAGUTAN NOONG nakaraang linggo ang limang matagumpay na taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa magkabilang dulo ng kapuluan. Mga reyd at ambus ang inihataw ng BHB sa mga yunit ng pulis at elemento ng CAFGU sa Northern Luzon, Bikol at Southern Mindanao.

Noong Marso 18, alas 8:30 ng umaga sa Barangay Cawayan, Ragay, Camarines Sur, matagumpay na tinambangan ng isang tim ng BHB-West Camarines Sur (Norben Gruta Command o NGC) ang mga elemento ng CAFGU sa ilalim ng 22nd IB ng 9th ID. Napatay si Norbert Sabariza, habang sugatan naman sina Jerick Neo at Olan dela Torre.

Ayon sa mga residente at sa imbestigasyon ng NGC, sangkot ang nasabing mga CAFGU sa pagpapalaganap ng droga sa lugar, paglalason ng isda sa ilog, at pagnanakaw ng mga kambing, baboy, manok at pananim ng masa. Inireklamo rin ng mga residente ang pagtatayo ng detatsment nito sa Barangay Casay, Lupi, Camarines Sur na malapit lamang sa kabahayan at panghaharang ng mga lasing na CAFGU sa mga dumaraang sibilyan. Humihingi ng paumanhin ang NGC sa mag-asawang sina Rey at Besabe Barrientos na taga-Barangay Casay, na nasugatan nang tumapat ang sinasakyan nilang motorsiklo sa sasakyan ng CAFGU sa panahon ng putukan.

Samantala, walang putok na nireyd ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Southern Mindanao Region (Mt. Apo Subregional Command) ang pinagtataguan ng armas ng isang pulis sa Brgy. Mateo, Kidapawan City noong Marso 15, bandang ala-1 ng hapon. Labinlimang armas ang nakuha mula rito.

Nasamsam mula kay Reynaldo V. Dinampo, isang iskalawag na ahente ng PNP-CIDG Region 12, ang apat na ripleng Bushmaster M4, dalawang M14, isang Ultimax light machine gun, dalawang M203 grenade launcher, isang shotgun, isang KG9 sub-machine gun, at apat na kalibre .45 pistola, na bahagi ng kanyang ibinebentang iligal na armas para sa mga matataas na upisyal ng PNP-CIDG sa rehiyon. Nakumpiska rin ang sari-saring bala at magasin at iba pang kagamitang militar. Ang mapangahas na operasyong disarma ay isinagawa malapit sa punong kampo ng 39th IB, at ilang minuto lamang mula sa himpilan ng pulis sa lunsod.

Nagpahayag si Rigoberto F. Sanchez, tagapagsalita ng BHBSouthern Mindanao, na sa proteksyon ng mersenaryong iskalawag na mga pulis, tinatrapik nina Dinampo at network nito ang mga armas sa mga pribadong goons ng mga warlord, malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa, at mga para-militar sa North Cotabato, Far South Mindanao, Central Mindanao at ilang bahagi ng Davao. Ipinag-diriwang ng mamamayan sa North Cotabato ang ginawa ng Pulang hukbo na operasyong pagdisarma bilang angkop at makatarungang hakbang laban sa pasistang PNP na namaril sa libong nagpuprotestang Lumad at magsasaka noong Abril 1, 2016 sa tinatawag na ngayong masaker sa Kidapawan.

Sa kabilang dulo naman ng bansa, matagumpay na nireyd ng isang yunit ng BHB-Abra (Agustin Begnalen Command Procopio Tauro Front o ABC-PTF) ang munisipal na istasyon ng pulis sa Malibcong, Abra alas-7:30 ng gabi ng Marso 12. Nasamsam dito ang 10 armas na kinabibilangan ng anim na ripleng M16, isang M203, dalawang pistolang 9mm, isang kalibre .45 pistola, dalawang rifle grenade, isang granada at daan-daang bala ng M16, M14, M203 at mga pistola. Nabihag sa labanan ang deputadong hepe ng pulis na si SPO4 Romeo Tubera at sina PO3 Richard Dauz at PO2 Leomar Tuscano pero agad na ipinasa sa mamamayan ng Poblacion Malibcong, kasama ang personal na mga kagamitan at pera bago ligtas na umatras ang mga mandirigma. Hindi nakapanlaban ang mga lasing na pulis.

Pasado alas-10 ng umaga kinabukasan, Marso 13, tinambangan ng isa pang yunit ng ABC-PTF ang komboy ng reimporsment ng Provincial Public Safety Company (PPSC) na pinamumunuan mismo ng hepe ng pulis sa prubinsya na si PNP-Abra Provincial Director PSSupt. Alexander Tagum. Lima ang naitalang sugatan sa nasabing ambus na kinabibilangan nina PO2 Jessie Trinidad, PO2 Marlon dela Paz, PO1 Gerome Baldos, PO1 Kennon Sanggoy at PO1 Von Harold Layao.

Bago nito, alas 7:10 ng umaga noong Marso 8, tinambangan ng isang tim ng Mt. Apo Subregional Operations Command ang isang yunit ng PPSC ng PNP na nag-operasyon sa Barangay Sibayan, Bansalan, Davao del Sur. Ang yunit ng PPSC-PNP ay rumesponde nang maglunsad ng operasyong pamamarusa ang BHB kay Marlon Lomantas, isang ahenteng intelligence ng 39th IB na bantog ding nagnenegosyo sa iligal na droga sa lugar na iyon. Matapos ang 10 minutong pagpapalitan ng putok ay nasamsam ang dalawang M16 at dalawang pistolang 9mm Glock.

Ang magkakatugon na reyd at ambus laban sa mga tropang pang-operasyon ng pulis ay pagtalima sa atas ng pambansang kumand ng BHB na maglunsad ng mga taktikal na opensiba upang biguin ang todo-gera ng rehimeng Duterte. Ayon kay Ka Diego Wadagan, tagapagsalita ng Agustin Begnalen Command, ang PNP ay mahigpit na kinakasangkapan sa kampanyang kontra-insurhensya at nagsasagawa ng mga operasyong saywar, paniniktik at operasyong pangkombat laban sa mamamayan at buong rebolusyonaryong kilusan. Pagtugon ang aksyong ito sa hinaing ng mga residente na biktima ng mga abusadong pulis na pasimuno ng ipinagbabawal na droga, paglalasing, pagsusugal at brutalidad, at sa pagpapatupad ng Oplan-Tokhang kung saan libu-libong mahihirap na pamilya ang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang.

Si PSSupt. Alexander Tagum na tumalilis sa komboy na tinambangan ang siyang nagbigay ng direktang kumand sa pulisya na pagbabarilin ang mga nagpuprotestang magsasaka sa Kidapawan bago siya ilipat sa Abra.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170321-29-armas-nasamsamnmatatagumpay-na-opensiba-nagsagutan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.