Monday, October 2, 2023

CPP/NPA-Southern Tagalog ROC: NPA, tunay na Hukbo at tagapaglingkod ng mamamayan///Pagpupugay sa punitibong aksyon ng NPA Mindoro sa quarry operation sa Bongabong!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Sep 25, 2023): NPA, tunay na Hukbo at tagapaglingkod ng mamamayan///Pagpupugay sa punitibong aksyon ng NPA Mindoro sa quarry operation sa Bongabong! (NPA, true Army and servant of the people /// Tribute to the punitive action of NPA Mindoro in the quarry operation in Bongabong!)
 


Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

September 25, 2023

Nagdiriwang ang mamamayan ng Mindoro sa matagumpay na punitibong aksyon ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro laban sa quarrying contractor na Paolo Construction, pagmamay-ari ni Bongabong Mayor Elgin Malaluan, noong Setyembre 20, bandang 3:30 ng hapon. Sinira ng mga Pulang mandirigma ang isang bulldozer. Ipinaliwanag din nila sa ilang manggagawa ang mapaminsalang epekto ng quarrying at iba pang porma ng pagmimina. Nag-oopereyt ang nasabing kumpanya sa kahabaan ng Ilog ng Bongabong, Oriental Mindoro.

Nagbubunyi ang mga Mindoreño sa matagumpay na aksyong militar dahil tinututulan nito ang nasabing proyekto. Ang quarrying o pagmimina ng armour rocks, gravel at buhangin ay nagdudulot ng matitinding pagbaha at pagguho ng lupa. Lalo pang mapaminsala ang epekto nito sa tuwing hinahagupit ang bansa ng mga bagyo o malalakas na pag-ulan. Matatandaang sa simula pa lamang ng taon na kahit sa mahaba at malakas na pag-ulan lamang, naiulat ang mga pagguho ng lupa at pagbaha sa Palawan at Mindoro. Tampok dito ang mga lugar na pinaglulunsaran ng mga operasyong mina kagaya ng Brooke’s Point sa Palawan at Naujan, Bongabong at iba pa sa Oriental Mindoro.

Ang punitibong aksyon ng NPA Mindoro ay tugon sa malaon nang kahilingan ng mamamayan na itigil na ang malawakang pagmimina sa isla. Kinasusuklaman ng mga Mindoreño ang pagpapahintulot ng lokal na yunit ng gubyerno sa Oriental Mindoro sa pagmimina ng armour rocks sa ilalim ng Provincial Ordinance 145-2022 noong nakaraang taon. Bukod pa rito, nagsasagawa pa ng mga proyektong dredging ang mga kumpanya kasabwat ang ilang mga lokal na pulitiko sa mga ilog ng Mindoro.

Paulit-ulit na pinatutunayan ng rebolusyonaryong kilusan na ito ang maaasahan ng bayan sa pagtatanggol sa lupa at pangangalaga sa kalikasan laban sa mapaminsalang proyektong pagmimina ng mga dayuhang kumpanya at lokal na reaksyon. Noong 2018, nagsagawa ng hakbang pamamarusa ang Narciso Antazo-Aramil Command-NPA Rizal laban sa kumpanyang Monte Rock na nagsasagawa ng quarry sa probinsya. Naglunsad din ng hakbang pamamarusa laban sa mga kumpanya ng minahan ang mga yunit ng NPA sa Palawan, Quezon, Batangas at iba pang bahagi ng bansa.

Taliwas ito sa reaksyunaryong hukbong AFP-PNP at mga paramilitar na silbing bantay ng mga mapaminsalang proyekto sa bansa. Ito rin ang kasangkapan ng mga burukratang kapitalista at burgesya kumprador sa panunupil ng mamamayang nakikibaka para sa lupa, kabuhayan at iba pang demokratikong karapatan.

Kahit sa gitna ng matinding anti-komunistang gera ng estado, makakaasa ang mamamayan sa patuloy na pagtataguyod ng NPA at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa kanilang kapakanan. Patuloy nitong bibigwasan ang teroristang AFP-PNP at maggagawad ng hakbang pamamarusa sa mga kumpanya ng mga lokal na naghaharing-uri na pumipinsala sa buhay at ari-arian ng mamamayan at kalikasan.

https://philippinerevolution.nu/statements/pagpupugay-sa-punitibong-aksyon-ng-npa-mindoro-sa-quarry-operation-sa-bongabong/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.