Monday, October 2, 2023

CPP/NPA-Masbate: Dala ng 2nd IBPA at 96th IBPA ang pasakit na hatid ng rehimeng US-Marcos Jr sa mga Masbatenyo

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Oct 1, 2023): Dala ng 2nd IBPA at 96th IBPA ang pasakit na hatid ng rehimeng US-Marcos Jr sa mga Masbatenyo (The 2nd IBPA and 96th IBPA carry the pain brought by the US-Marcos Jr regime to the Masbatenyos)
 


Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

October 01, 2023

Nagpakana ng panibagong pekeng labanan ang 2nd Infantry Battalion-Phil. Army matapos walang habas na magpaputok nang walang pagtatangi sa hangganan ng Barangay Maanahao, Matubinao, Liong sa bayan ng Cataingan at Barangay Mabini sa bayan ng Palanas nito lamang Setyembre 29, 2023, 4:50 ng umaga. Walang yunit ng NPA sa pinangyarihan ng insidente.

Nagdulot ng malawakang takot at panganib ang naturang indiscriminate firing sa mga komunidad, laluna sa mga estudyante at guro. Napwersang magkansela ng klase ang mga paaralan sa mga barangay ng Liong, Mabini, Maanahao, Matubinao at maging sa Osmeña.

Malayo sa fake news na ipinapalaganap ng militar, tumagal lamang ng humigit-kumulang dalawang minuto ang mga pagpapaputok. Malamang na ni-recycle ang mga armas at paraphernalia na umano’y nasamsam ng kaaway sa pekeng engkwentro.

Ito na ang pangatlong palabas ng militar na engkwentro mula ikatlong linggo ng Setyembre. Bago nito, pinatay ng mga elemento ng 2nd IBPA ang mag-asawang magsasakang sina Jover at Aimee Villegas sa bayan ng Placer noong Setyemnre 21.

Wala nang naniniwala sa mga pakanang drama ng militar, laluna ng worst battalion na 2nd IBPA. Sa halip, nagngangalit ang mga komunidad na kagyat na naapektuhan ng indiscriminate firing. Sa katunayan, ilang mga upisyal ng barangay ang inireklamo ang naturang pagpapaputok ng militar.

Sa kabila nito, ipinagpapatuloy ng militar ang pagpapakana ng mga pekeng labanan upang maghasik ng teror at gulo sa mga Masbatenyo.

Tiyak na bahagi ang naturang pagpapaputok sa pakanang ipailalim ang Masbate sa “Comelec control”. Hinahabol ni Gov. Antonio T. Kho at ng mga militar ang pagdeklara sa Masbate bilang election hotspot upang maipuwesto ang kanilang mga tauhan sa mga pusisyong pambarangay. Kahiya-hiya kung maniwala ang COMELEC sa napakalinaw na gawa-gawang senaryo ng militar.

Ang mga pekeng engkwentro ay bahagi rin ng mga modus ng militar upang makapagdambong ng kurakot. Mas maraming gulo at sibilyang napapatay, mas maraming pabuya at kikbak. Tiyak na milyun-milyon na ang ibinulsa ni 2nd IBPA commanding officer Col. Orlando Ramos at mas matataas pa niyang upisyal sa mga pekeng surender, pekeng imbentaryo ng kagamitang militar at pekeng mga labanan.

Ang pagbibigay gantimpala sa 2nd IBPA ng kanilang commander-in-chief na si Bongbong Marcos Jr. ay basbas ng mas matinding pang-aatake sa mga Masbatenyo.

Nananawagan ang Jose Rapsing Command – Bagong Hukbong Bayan Masbate sa mga Masbatenyo na ilabas ang galit at patuloy na ilantad at kundenahin ang terorismo ng AFP-PNP-CAFGU sa prubinsya. Dapat suportahan ang mga pagsisikap ng komunidad na isiwalat ang mga abusong militar sa kanilang lugar.

Hinihikayat din ng BHB – Masbate sa ilang mga kagawad ng midya na higit pang maging mapanuri sa mga ilinalabas na balita ng militar. Hindi dapat sila pumayag na maging loro at daluyan ng kasinungalingan ng kaaway.

Sa huli, patunay lamang ang desperasyong ito ng militar ng kanilang kabiguang durugin ang rebolusyonaryong armadong kilusan sa Masbate. Sa halip, pinapaypayan lang nila ang nagniningas na kapasyahan ng mga Masbatenyo na humawak ng armas at lumahok sa makatarungang digmang bayan.#

https://philippinerevolution.nu/statements/dala-ng-2nd-ibpa-at-96th-ibpa-ang-pasakit-na-hatid-ng-rehimeng-us-marcos-jr-sa-mga-masbatenyo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.