Thursday, June 22, 2023

CPP/Ang Bayan: Pamilya sa Negros, minasaker ng 94th IB

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 21, 2023): Pamilya sa Negros, minasaker ng 94th IB (Family in Negros, massacred by the 94th IB)





June 21, 2023

Minasaker ng mga sundalo ng 94h IB ang isang pamilya, kabilang ang dalawang bata, noong Hunyo 14 ng gabi sa Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental. Pinagbabaril ng mga sundalo habang tulog ang mag-iinang sina Emilda Fausto, 50 taong gulang, at kanyang dalawang anak na sina Raben Fausto, 11, at Ben Fausto, 15. Natagpuan namang patay sa labas ng kanilang bahay si Roly Fausto, 52, ama ng pamilya.

Ang pamilya ay aktibong mga kasapi ng Baklayan, Bito, Cabagal Farmers Association (BABICAFA), samahang magsasaka sa naturang barangay.

Bago pa man ang masaker, paulit-ulit nang ginigipit ng mga sundalo ang pamilya dahil sa paratang na sumusuporta sila sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ang mga insidenteng ito ay iniulat nila sa mga organisasyon ng karapatang-tao.

Kabi-kabila ang pagkundena at panawagan para sa hustisya sa pagpatay sa pamilya Fausto. Naglunsad ng mga pagkilos ang iba’t ibang grupo sa harap ng Commission on Human Rights sa Quezon City at sa AFP Visayas Command Headquarters sa Cebu City para ipanawagan ang pagpapanagot sa militar. Binatikos nila ang lantarang pagsisinungaling at pambabaluktot sa kwento ng AFP kaugnay sa masaker.

Liban sa kanila, apat na iba pang sibilyan ang walang-awang pinaslang ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Negros, Masbate at Albay.

Noong Hunyo 13, napatay ng 62nd IB sa walang-patumanggang pamamaril sina Benjie Ebarle at Roweno Anubong sa Barangay Macagahay, Moises Padilla. Naganap ang insidente matapos maka-engkwentro ang isang yunit ng hukbong bayan sa kalapit na sityo.

Napatay din sa walang-patumanggang pamamaril ng AFP ang 17-anyos na si Carling Belan noong Hunyo 16 sa Sityo Manaybanay, Barangay Calabad, Dimasalang, Masbate. Nasugatan sa naturang pamamaril si Panoy Pepito. Dinakip ang tatlo pang sibilyan na sina Wengweng Hagnaya, Damang Tumangan at Edlang Tumangan sa parehong insidente.

Samantala, iniulat kamakailan ang pagpatay ng 9th ID sa magsasakang si Zaldy Cañaveral, 40, na binaril ng mga sundalo noong Mayo 24. Si Cañaveral ay nasa kanyang maisan sa Barangay Busac, Ligao City, Albay nang pag-initan at barilin siya ng mga sundalo.

Pag-aresto. Iligal na inaresto ng mga pulis si Danilo Acayin, taga-Barangay Puray, Rodriguez, Rizal noong Hunyo 5, ala-1 ng hapon sa kasong pagpatay nang walang ipinakitang mandamyento de aresto. Kasalukuyan siyang nakakulong sa Antipolo City.

Noong Hunyo 16, inaresto ng 62nd IB ang manggagawa sa konstruksyon na si Aldren Valbueno sa Sityo Manta-uyan, Barangay Macagahay, Moises Padilla, Negros Occidental. Pinalabas ng mga pulis na mayroong nakumpiskang kalibre .45 pistola at bag ng militar sa kanya. Pinararatangan siyang kasapi ng hukbong bayan.

Inaresto ng mga pulis noong Hunyo 19 ang apat na magsasaka ng Sityo Caorasan, Barangay San Agustin, Pili, Camarines Sur sa gawa-gawang mga kaso. Ang mga inaresto ay lumalaban sa proyektong Naga Airport Development sa prubinsya.

Kabilang sa mga inaresto si Artemio Sanchez, dating lider ng Damayan nin Paraoma sa Camarines Sur (DAMPA) at myembro ng panrehiyong konseho ng Kilusang Magbubukid ng Bicol.

Pamamaril. Nagpaulan ng bala ang mga sundalo ng 62nd IB sa Sityo Uyangan, Brgy Budlasan, Canlaon City bandang alas-11:00 ng gabi noong Hunyo 15. Nagdulot ito ng troma at takot sa mga residente.

Pananakit. Sa Masbate, binugbog at ninakawan ng mga sundalo si Nono Sayson at apat pang magsasaka noong Hunyo 1-5 sa Barangay Buenasuerte sa Palanas, Barangay Guindawhan sa Pio V. Corpus at Barangay Mabini sa San Fernando.

[Ang Bayan ("The People") is the official publication of the Communist Party of the Philippines, guided by Marxism-Leninism-Maoism. It is published by the Central Committee. AB comes out fortnightly every 7th and 21st of each month. The original Pilipino edition is translated into English, Bisaya, Waray, Hiligaynon and Iloco.]

https://philippinerevolution.nu/2023/06/21/pamilya-sa-negros-minasaker-ng-94th-ib/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.