Thursday, April 20, 2023

CPP/NPA-Masbate: Kumpiskasyon ng armas sa mga aset-militar, bahagi ng nagpapatuloy na armadong paglaban ng mamamayan sa paghaharing teror ng AFP-PNP-CAFGU sa Masbate

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Apr 15, 2023): Kumpiskasyon ng armas sa mga aset-militar, bahagi ng nagpapatuloy na armadong paglaban ng mamamayan sa paghaharing teror ng AFP-PNP-CAFGU sa Masbate (Arms confiscation of military assets, part of the ongoing armed resistance of the people against the reign of terror of the AFP-PNP-CAFGU in Masbate)
 


Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command) 
New People's Army

April 15, 2023

Matagumpay na kinumpiska ng isang yunit ng Jose Rapsing Command – BHB Masbate ang dala-dalang armas ng ilang mga asset-militar ng 2nd Infantry Battalion – Phil. Army sa bayan ng Milagros. Nakumpiska sa mga kriminal na sina Glenn Masamoc, isang CAFGU, mag-asawang sina Rina Verdida at Larry Quilantang, at isa pang asset na si Ganga Dalanon ang isang armalite rifle. Naganap ang kumpiskasyon noong Abril 14, alas-kwatro ng hapon sa Sityo Pondol sa hangganan ng mga barangay ng San Carlos at Matagbac ng naturang bayan.

Layunin ng naturang aksyong gerilya na patawan ng hakbanging pagtutuwid ang naturang mga asset-militar sa kanilang mga krimen at kataksilan sa masang Masbatenyo, laluna sa mga magsasaka. Aktibo ang naturang mga asset sa malawakang pangangamkam ng lupa sa ilalim ng militaristang Executive Order No. 75 ni Bongbong Marcos. Sa katunayan, kasalukuyan silang kabahagi sa pakana ng militar na palayasin ang mga orihinal na nagbubungkal sa Hacienda Yulo sa bayan ng Milagros at palitan ng mga pekeng benepisyaryo mula sa hanay ng AFP-PNP-CAFGU at kanilang mga tauhan.

Sangkot din ang naturang mga ahenteng militar sa agresibong pang-aatake sa mga mamamayan ng ikalawang distrito ng prubinsya. Sina Masamoc at Dalanon ay responsable sa pagpatay sa sibilyang si Rodante Arizala noong 2022.

Taksil din si Verdida sa kanyang uri matapos magpagamit sa militar bilang pangunahing asset sa kampanyang crackdown laban sa mga lider at kasapi ng progresibo at demokratikong kilusan sa Masbate. Magsilbi itong babala kay Verdida at sa mga tulad niyang ahente na hindi titigil ang BHB-Masbate na igawad ang rebolusyonaryong hustisya sa mga taksil sa masang Masbatenyo.

Higit sa lahat, ang naturang aksyong gerilya ay bahagi ng nagpapatuloy na armadong paglaban ng masa upang panagutin ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga pasistang krimen mula sa malawakang pananakot, sapilitang pagpapasurender, pagsasamantala sa kababaihan, laganap na pagsira sa kabuhayan, pagwasak sa mga organisasyong masa at maramihang pagpatay at masaker sa mga sibilyan. Pagpapanagot din ito sa mga mandarambong tulad ng Filminera, Empark, mga malalaking rantsero’t iba pang lokal na naghaharing-uri sa kanilang pang-aagaw ng lupa, pagdambong sa yamang likas at pamiminsala sa kalikasan ng prubinsya gamit ang terorismong militar.

Bahagi rin ang naturang aksyong gerilya sa pakikiisa ng JRC-BHB Masbate sa Linggo ng Paggunita at Pagpaparangal sa Mga Bayani at Martir ng Sambayanang Pilipino na gugunitain mula ika-17 hanggang ika-24 ng Abril.

Maagap na nabatid ng Hukbo na kasabay ng mga asset na nakasakay sa motorsiklo ang dalawang menor-de-edad at ilang mga sibilyan. Dahil pangunahin para sa NPA ang kapakanan ng mga sibilyan, ikinansela ng Hukbo ang kagyat na pagpataw ng parusang kamatayan at sa halip ay pinahinto na lamang ang mga target upang kumpiskahan ng armas at arestuhin batay sa mga alituntunin ng hukumang bayan.

Habang kinukumpiskahan ng armas, nanlaban si Dalanon at Masamoc dahilan upang mabilis na depensahan ng Hukbo ang mga sibilyan, laluna ang isang bata upang makatungo sila sa ligtas na kalagayan. Sang-ayon sa mga tuntunin ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa pagsisiyasat, pag-usig at pag-aresto sa mga ahente ng kaaway, kinailangang gumamit ang Hukbo ng pinahihintulutang dahas para sa kaligtasan ng lahat, laluna ng mga sibilyang ginawang cover ng mga naturang asset.

Napatay si Dalanon habang sugatan sina Quilantang at Masamoc. Nasa mabuting kalagayan ang isang bata habang ang isang binata ay nagalusan matapos kasuklam-suklam na tangkaing ipahamak nina Dalanon at Masamoc.

Sa mahigpit na pagtalima ng NPA sa disiplinang bakal sa naturang taktikal na opensiba, lalong nauunawaan ng publiko na likas sa digmang bayang pinangungunahan ng rebolusyonaryong kilusan ang pagsaalang-alang sa kapakanan at interes ng mamamayan sa lahat ng sandali.

Una, likas na makatao ang rebolusyonaryong digma dahil nakasalig ito sa paglahok at pagkilos ng buong sambayanan upang ibagsak ang mapagsamantala at mapang-aping sistemang pinaghaharian ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo.

Pangalawa, makatarungan ang armadong paglaban ng mamamayan, laluna ng mga Masbatenyo. Sa Masbate, libu-libong ektarya ang nabawi ng mga magsasaka sa mga panginoong maylupang rantsero at ilampung lokal na Pulang gubyerno ang kanilang naitayo dahil sa kanilang armadong pakikibaka kasama ang Bagong Hukbong Bayan.

Ikatlo, at higit sa lahat, higit pa sa internasyunal na makataong batas ang prinsipyong isinasabuhay ng NPA dahil nasa ilalim ito ng absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Samakatuwid, nasa kaluluwa ng Bagong Hukbong Bayan ang pulitika ng pagrerebolusyon ng Pilipino habang nasa puso nito ang buhay-at-kamatayang paglilingkod sa sambayanan.

Walang saysay anumang misimpormasyon at paninirang ipapalabas ng AFP-PNP-CAFGU at ng kanilang punong kumander na si Bongbong Marcos lalupa’t nagiging mas malinaw ang pagkakaiba ng rebolusyonaryong NPA at teroristang AFP-PNP-CAFGU. Habang patuloy ang NPA sa pagtatanggol sa masa laban sa terorismong militar, malawakan ngayong kinasusuklaman ng publiko ang PNP sa nalantad na toneladang shabu na balak ipuslit ng ilan nilang mataas na upisyal. Mariin ding binabatikos si Marcos at ang AFP sa asal-aliping pagpapahintulot sa US na idawit ang Pilipinas sa tumitinding armadong tensyon ng US at kapwa imperyalistang Tsina.

Kaugnay nito, kinikilala ng JRC-BHB Masbate ang taktikal na impormasyong ibinibigay ng mga kaibigan mula sa ilang elemento ng AFP-PNP-CAFGU sa mga taktikal na opensibang ilinunsad ng Hukbo kamakailan. Sa naganap na pagpasabog sa CAFGU-Army detachment sa Manlut-od, ilang mga CAFGU na nasusuklam sa kanilang mga upisyal na militar ang nagbigay ng ilang intel na nagamit ng BHB. Ang ilang intel kila Verdida ay mula sa ilang nauugnayan sa PNP-Masbate na galit dahil sa mas mataas na kikbak na tinatanggap ng Army mula sa Filminera.

Patuloy na magpupunyagi ang Jose Rapsing Command at ang mamamayang Masbatenyo na isulong ang ilang dekadang armadong paglabang humugis sa kasaysayan ng prubinsya. Bawat tagumpay ay ambag sa pagpapanumbalik-sigla ng kilusan at pakikibakang masang Masbatenyo, pagkakamit ng hustisya, paglaban sa rehimeng Marcos-Duterte at pagsusulong ng digmang bayan tungo sa mas mataas na antas.#

https://philippinerevolution.nu/statements/kumpiskasyon-ng-armas-sa-mga-aset-militar-bahagi-ng-nagpapatuloy-na-armadong-paglaban-ng-mamamayan-sa-paghaharing-teror-ng-afp-pnp-cafgu-sa-masbate/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.