Monday, September 14, 2020

Tagalog News: Miyembro ng NPA sa Palawan, sumuko

From the Philippine Information Agency (Sep 14, 2020): Tagalog News: Miyembro ng NPA sa Palawan, sumuko (By Orlan C. Jabagat)


Si Ka Daryl (naka-tshirt ng puti sa gitna), ang pinakabagong miyembro ng New People's Army (NPA) sa Palawan na nagbalik-loob sa pamahalaan kamakailan. Iprenesenta ito sa media ng PTF-ELCAC noong Setyembre 10 sa kampo ng Philippine Marines, 3rd Marine Brigade sa lungsod ng Puerto Princesa. (Larawan ni Orlan C. Jabagat)
PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 14 (PIA) -- Isa na namang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Palawan ang nagbalik-loob sa pamahalaan kamakalawa.

Ito ang iniulat ni Philippine Marines, 3rd Marine Brigade Commander, Brigadier General Nestor Herico sa pagpupulong ng Provincial task Force-Ending Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa ilalim ng Peace, Law Enforcement and Development Support (PLEDS) Cluster kahapon ng hapon.

Matapos ang pagpupulong ay iprenesenta rin sa mga mamamahayag sa Palawan ang sumukong miyembro ng NPA sa pamamagitan ng isang press conference.

Ayon sa paliwanag ni BGen. Herico, ang nasabing rebelde ay kilala sa alyas na Ka Glean, Ka Kid, Ka Megan at Ka Daryl, na isang lokal na residente ng Coron, Palawan. Isa itong mandirigma at tumatayong medical officer ng NPA sa Southern Palawan. Kasama ito sa mga rebeldeng nakatakas sa naganap na operasyon ng militar noong Setyembre 3 sa Bgy. Mainit, Brooke’s Point, Palawan kung saan namatay ang lima sa kasamahan nito.

Ayon kay Ka Daryl, bago pa man naganap ang nasabing engkwento ay matagal na nitong planong sumuko sa gobyerno dahil sa hirap at gutom na dinaranas nito sa pamumundok. Taliwas aniya ito sa pangako ng NPA noong siya ay ni-recruit ng mga ito.

“Yong sinabi nila sa akin na malulupit ang mga sundalo, hindi po pala ito totoo dahil napatunayan ko ngayong nandito na ako sa kanila, kahit kurot man lang po, hindi ko naranasan. Hindi naman po masama talaga ang gobyerno na sinasabi nila na masama”, pahayag pa ni Ka Daryl.

Matapos itong maipresenta sa media ay gumawa naman ng paraan ang 3rd Marine Brigade na makausap ni Ka Daryl ang ina nito online sa pamamagitan ng zoom application kung saan ay hindi nito napigilang umiyak nang nakita ang ina sa video.

Sa pagpupulong ng PLEDS kahapon, sinabi naman ni Provincial Social Welfare and Development (PSWD) officer Abigail AblaƱa na ia-assess pa nila ang kaso ni Ka Daryl upang malaman kung anong tulong ang maaaring maibigay dito ng pamahalaang panlalawigan.

Tiniyak naman ng PTF-ELCAC na magkakaroon ng bagong-buhay si Ka Daryl at maging law-abiding citizen ng lalawigan sa kanyang pagbabalik-loob sa pamahalaan.

Sa press conference ay ipinakita naman sa mga mamamayahag ang mga narekober na kagamitan ng mga NPA sa naganap na engkwentro tulad ng laptops, cellphones, mga baril at bala, mga dokumento, uniporme at marami pang iba. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

https://pia.gov.ph/news/articles/1053038

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.