Saturday, September 19, 2020

Kalinaw News: 4 na mga dating miyembro ng NPA, nakatanggap ng pangkabuhayan mula sa pamahalaan

Posted to Kalinaw News (Sep 19, 2020): 4 na mga dating miyembro ng NPA, nakatanggap ng pangkabuhayan mula sa pamahalaan

Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela- Ipinagkaloob sa mga dating miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang tulong mula sa pamahalaan para sa kanilang pagbabagong buhay sa pamamagitan ng 50th Infantry Battalion, 5th Infantry Division, Philippine Army sa Barangay Dupag, Tabuk City, Kalinga noong ika-14 ng Setyembre 2020.

Mula sa programang “Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o (PBG)” ng Department of Trade and Industry (DTI) –Kalinga Provincial Office ay naipaabot sa apat na nagbalik-loob sa pamahalaan ang Sari-Sari Store package bilang panimula nilang pangkabuhayan. Maliban dito, nakatanggap din sila ng mga gamit pangsaka at mga Food Processing Equipment.

Sa mensahe ni Aurora Amilig, Tabuk City Information Officer, pinapurihan niya ang programa ng DTI at ang pagsisikap ng mga kasundaluhan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga sumukong rebelde na magbagong buhay.

Pinasalamatan naman ni Captain Rigor N Pamittan, Civil-Military Operations Officer ng 50IB ang DTI sa kanilang patuloy na pagsuporta sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan para sa mga sumukong rebelde. Aniya, sa pamamagitan ng Whole of the Nation Approach, nakaalalay at laging handang tumugon ang 50IB at mga ahensya ng pamahalaan para sa alalayan ang mga sumukong NPA sa kanilang maayos na pagbabalik sa komunidad.

Sa mensahe naman ni BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID, PA, hindi magsasawa ang pamahalaan na tugunan ang mga pangangailangan ng mga nagbalik-loob at magbabalik-loob pang mga miyembro ng rebeldeng NPA. “Tunay ang pagnanais ng pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga sumukong rebelde upang makapagsimula silang mamuhay ng marangal. Patunay dito ang pagtutulungan ng lahat ng ahensya ng pamahalaan upang maipaabot ang mga programa at serbisyo hindi lang sa mga dating rebelde, kundi pati na ang buong pamayanan.”


https://www.kalinawnews.com/4-na-mga-dating-miyembro-ng-npa-nakatanggap-ng-pangkabuhayan-mula-sa-pamahalaan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.