Thursday, July 2, 2020

CPP/NPA-Quezon: “Anti-Terrorism Bill”: Libingan ng demokrasya at karapatan ng mamamayan — NPA-Quezon

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 2, 2020): “Anti-Terrorism Bill”: Libingan ng demokrasya at karapatan ng mamamayan — NPA-Quezon

CLEO DEL MUNDO
SPOKESPERSON
NPA-QUEZON
APOLONIO MENDOZA COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
JULY 02, 2020



Mariing kinukondena ng rebolusyunaryong kilusan sa Quezon ang kontra-mamamayan at mapanganib na batas na Senate Bill 10830 o “Anti-Terrorism Bill of 2020”. Magdudulot ito ng walang kaparis na pagsupil at paglabag sa mga karapatang tao sa kanayunan at kalunsuran ng lalawigan at saan man panig ng bansa.

Walang binago sa inihapag at inamyendahang batas na Human Security Act – mabangis na instrumento ito ng rehimen laban sa mga sibilyan na tumutuligsa sa palpak na palakad ng gubyerno bilang bahagi ng kanilang demokratikong karapatan – imbes na tunay na tapusin ang terorismo sa bansa na gawa rin mismo ng nakaluklok na gubyerno

Kapag naisabatas, magiging ligal ang pag-aresto ng walang warrant, mahahabang detensyon kahit wala pang kaso ang inaresto, red-tagging, sarbeylans at extrajudicial killing.

Sa lalawigan, wala pa man ang anti-terrorism law ay mahigit isang taon nang umiiral ang kagaya nito dahil sa paglabag sa karapatang tao dulot ng Joint Campaign Plan Kapanatagan ng sundalo at pulis. Ang mga focused military operations at kunwaring community service program ang pamamaraan ng pasistang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police para durugin ang CPP-NPA na itinuturing nilang teroristang organisasyon. Subalit sibilyang populasyon ang naging biktima nila.

Kahit sa panahon ng lockdown at community quarantine dulot ng pandemyang Covid-19, hindi nahinto ang operasyong militar sa kanayunan ng Quezon. Sa halip na ituon ng gubyernong Duterte ang lahat ng makinarya ng kanyang pamahalaan sa pagsugpo sa sakit pinalala lamang nito ang kalagayan ng mamamayan.

Ang inaasahang solusyong medikal laban sa nakamamatay na sakit ay itinuon sa militaristang lockdown sa anyo ng general at enhanced community quarantine na walang anumang siyentipikong batayan at pinangunahan ng sundalo at pulis, at hindi ng mga ekspertong medikal at siyentista.

Noong Mayo, sa mga bayan ng Lopez at Catanauan, nagkakailang insidente ang naitala ng di makataong pamamarusa sa mga residenteng itinuring na lumabag sa lockdown at physical distancing habang ang mga sundalo at pulis na nag-ooperasyon ay walang pangingiming nag-iinuman, nagsasabong, nagsusugal at ni hindi man lamang naka-face mask.

Sa unang linggo ng Hunyo, anim na residente mula sa Barangay Mabini ng Lopez at Barangay Malabahay ng Macalelon ang iligal na inaresto at arbitraryong ikinulong sa kampo militar dahil pinagsuspetsahang kasapi ng rebolusyunaryong kilusan.

Kamakailan lamang ay lantaran ang ginawang surveillance at intimidasyon sa kamag-anak ni Joseph “Ka Ken” delos Santos, kumander ng AMC-NPA. Noong Marso 8, 2018, biktima na ang nanay ni Ka Ken ng pamamaril ng mga elemento ng militar na ikinamatay nito.

Lubhang nakakapangamba para sa sibilyang populasyon ang napipintong pagsasabatas ng Anti-Terror Bill. Siguradong wala itong sasantuhin sa hanay ng mamamayan sa layuning puksain ang di-matalo-talong CPP-NPA. Sinumang tutuligsa sa nakapusisyong pamahalaan, at yaong may kaugnayan sa rebolusyunaryong kilusan, tuwiran man o pinaghihinalaan pa lamang – ang tiyak na target ng panukalang batas.

Ang tungkulin ngayon ng sambayanan ay labanan para hadlangan ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Bill. Nananawagan din kami sa mga kongresista at iba pang lingkod-bayan na totoong kumikilala sa karapatang tao na irehistro ang kanilang pagtutol sa Anti-Terrorism Bill. Hindi pa huli para ipamukha sa rehimeng US-Duterte ang pagiging anti-mamamayan at palsipikado ng naturang panukalang batas.#

https://cpp.ph/statement/anti-terrorism-bill-libingan-ng-demokrasya-at-karapatan-ng-mamamayan-npa-quezon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.