Tuesday, April 7, 2020

CPP/NPA-Quezon: Patuloy na paglabag ng AFP sa sariling ceasefire — kontra-solusyon sa paglutas ng Covid-19 crisis — NPA-Quezon

NPA-Quezon propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 7, 2020): Patuloy na paglabag ng AFP sa sariling ceasefire — kontra-solusyon sa paglutas ng Covid-19 crisis — NPA-Quezon

CLEO DEL MUNDO
SPOKESPERSON
NPA-QUEZON
APOLONIO MENDOZA COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
APRIL 07, 2020



Kailangang mariing kondenahin, ilantad at labanan ang hindi tumitigil na operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines sa lalawigan ng Quezon. Hindi lamang ito paglabag sa sarili nilang deklarasyon ng ceasefire kundi tuwirang pananabotahe rin ito sa ginagawang pagsisikap ng buong sambayanang Pilipino na lutasin ang pandemya ng Covid-19.

Pagkatapos ng dalawang magkasunod na labanan sa pagitan ng NPA at tropa ng 59th IBPA at 85th IBPA noong Marso 31 at Abril 1 sa mga bayan ng Gumaca at San Narciso, walang-kahihiyang sinabi ni BGen Norwyn Romeo P. Tolentino, hepe ng 201st Bde, na umatake sila dahil sa sumbong na may presensya ng NPA sa lugar.

Ang totoo — matagal nang naglulunsad ng operasyong tugis ang 85th at 59th IBPA sa mga yunit ng NPA at residenteng magsasaka na pinaghihinalaan nilang suporter ng rebolusyunaryong kilusan — bago pa man at kahit nakapagdeklara na ang AFP ng unilateral ceasefire.

Sa tabing ng lockdown at community quarantine, lalong pinaigting ng AFP ang kanilang operasyong militar hanggang sa mga interyor na bahagi ng kanayunan na saklaw ng pulang purok ng New People’s Army. Malinaw na ito ay probokasyon at tahasang pagpapakita na hindi sila tapat sa kanilang ceasefire.

Sa halip na ibuhos ng AFP ang kanilang pondo, lakas-tauhan at pagsisikap sa lehitimong aksyong pantulong para lutasin ang krisis ng Covid-19, ginamit pa nila itong palusot para sa kanilang kontra-rebolusyunaryong digma.

Isang linggo bago ang lockdown at communitry quarantine, muling inutos sa AFP ng punong pasistang si Digong Duterte ang pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang kanyang panunungkulan sa 2022. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na nananalasa ang pasistang sundalo sa kanayunan at hindi sila maaring tumigil kahit may ceasefire dahil sa bagong kalendaryo ng pasistang rehimen sa paglipol sa rebolusyon — at hindi dahil sa pagtugon ng buhong na AFP sa krisis ng Covid-19.

Sa kasalukuyan, ang sumusunod ang listahan ng lugar na patuloy na inaatake ng 85th at 59th IBPA:
1. Gumaca — Bgy Cawayan, Bgy Bungahan at mga katabing barangay nito
2. Macalelon — Bgy Vista Hermosa, Padre Herrera, Malabahay, Lahing
3. Lopez — Bgy San Francisco B, Sto. Niño, Cogorin Ilaya, San Rafael
4. Catanauan — Bgy San Vicente Kanluran at Silangan, Doongan Ilaya at Ibaba, Suha, Santa Maria
5. General Luna — Malaya, Magsaysay, Lavides, Recto
6. Mga bayan sa Bondoc Peninsula — Mulanay, San Narciso, San Francisco at San Andres

Nananawagan ang AMC-NPA sa lahat ng kanyang yunit gerilya na patuloy na sumunod sa deklarasyong unilateral ceasefire ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas hanggang 1159PM ng April 15. Kasabay nito, itaas ang alerto at ipagtanggol ang sarili at ang rebolusyunaryong base sa anumang probokasyon at pataksil na pag-atake ng pasistang militar.

Marapat na gawin ng rebolusyunaryong kilusan ang kanyang papel sa pagharap at paglutas sa pandemya ng Covid-19.#

https://cpp.ph/statement/patuloy-na-paglabag-ng-afp-sa-sariling-ceasefire-kontra-solusyon-sa-paglutas-ng-covid-19-crisis-npa-quezon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.