Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 7, 2020): Malawakang kasalatan sa pagkain, nagbabadya
Nagbabadya ang malawakang kasalatan sa pagkain sa National Capital Region at buong bansa. Marami na sa mga magsasaka at komersyante ang nalulugi dulot ng mga restriksyong ipinataw ng militaristang lockdown ng rehimeng Duterte. Marami na ang nagsabing mapipilitan silang tumigil ng produksyon. Tiyak na lalupang hihirap ang kalagayan ng mamamayan sa harap ng pahayag ng rehimen na palalawigin pa nang hanggang Abril 30 ang lockdown.
Kulang na kulang na ang mga produktong agrikultural na nakapapasok sa National Capital Region mula nang ipataw ang lockdown. Walang dahilang hinaharang sa mga tsekpoynt ang mga trak na nagdadala ng gulay at karne. Taliwas ito sa deklarasyon ng rehimen na hindi haharangin ang mga sasakyang nagdadala ng kinakailangang pagkain at kargamento.
Sa unang mga linggo, tone-toneladang gulay ang naiulat na itinapon na lamang ng mga magsasaka o hindi kaya’y ipinakain sa mga hayop. May ulat din na maraming magsasaka ang natulak na ibenta ang kanilang produkto sa napakababang halaga. Halimbawa nito ang petsay na ibinibenta na lamang nang P3/kilo gayong nasa P60/kilo ito sa nakaraan.
Pinakalugi ang mga magsasaka ng Benguet at Mountain Province, ang mga prubinsyang pangunahing nagsusuplay ng gulay sa Metro Manila. Dati na silang nagdurusa sa napakababang presyo ng pagbili ng kanilang mga produkto. Ngayon, itinigil na ng maraming negosyante ang pagbili dahil hindi nila maihatid sa mga palengke ang mga ito. Malaking bahagi na ng kanilang ani ang natambak at hindi naibenta. Maliit na bahagi lamang nito ang kinakayang bilhin ng mga lokal na gubyerno.
Apektado rin sa lockdown ang mga negosyante sa pagmamanukan (poultry) sa Central Luzon at Calabarzon na pinagmumulan nang halos kalahati ng kabuuang suplay ng manok at itlog sa buong bansa. Hindi rin nila maibyahe at maibenta ang kanilang mga produkto. Dahil natatambak ang mga ito, artipisyal na tumataas ang suplay sa nasabing mga rehiyon na dahilan ng pagbaba ng presyo ng kanilang mga produkto.
Ayon sa mga negosyante, bumagsak tungong P30-P50/kilo ang presyo ng manok na mas mababa pa sa tinatayang P70/kilong gastos nila sa produksyon. Sa kabilang banda, tumaas naman ang presyo nito sa mga pamilihan sa Metro Manila bunsod ng limitadong suplay. Sa pinakahuling ulat, umabot na sa P160/kilo ang abereyds na presyo nito sa Metro Manila, mas mataas nang P30 sa itinakdang presyo na P130/kilo. Daing din ng mga negosyante na nabubulok na lamang ang mga itlog ng manok dahil hindi sila makabenta.
Dagdag pa rito, mahigit 800 container van na naglalaman ng inangkat na mga gulay, prutas, karne at suplay medikal ang nakatambak lamang at hindi mailabas sa mga pantalan ng Maynila.
Samantala, nagbanta ang multinasyunal sa mga export-processing zone na ilipat ang kanilang mga operasyon sa ibang bansa kung hindi sila papayagang magbukas at mag-opereyt. Hinihikayat nila ang rehimen na pahintulutan ang limitidong operasyon ng kanilang mga pabrika. Gayunpaman, wala silang inialok na pondo o ipinahayag na mga hakbang pangkaligtasan at nararapat na kumpensasyon para sa smga manggagawa. Bahagi ng lockdown ang pagtigil sa operasyon ng kalakhan ng mga pagawaan sa mga engklabo.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2020/04/07/malawakang-kasalatan-sa-pagkain-nagbabadya/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.