PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
Lalo lamang nag-aalab ang damdamin at determinasyon ng taumbayan na labanan ang konstruksyon ng New Centennial Water Source—Kaliwa Dam Project sa harap ng banta ni Duterte na kanyang gagamitin ang dahas ng estado para lamang maituloy ang proyekto nang walang sagabal at pagkabalam mula sa mga pagtututol at protesta ng taumbayan.
Tiyak na madadagdagan pa ang mga pwersang panseguridad ng AFP-PNP at mga operasyong militar na nagaganap na sa lugar na pagtatayuan ng Kaliwa Dam upang linlangin, takutin at supilin ang anumang pagtutol ng mamamayan. Sa gayon, madadagdagan din ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mga magsasaka at mga katutubong Dumagat at Remontado.
Higit na kailangan ngayon ang mga punitibong aksyon ng New People’s Army (NPA) upang papanagutin si Duterte sa kanyang hayagang paggamit ng kamay na bakal ng estado at pagbabalewala sa lehitimo at makatarungang kahilingan ng mga katutubong Dumagat at Remontado at ng mga grupong tutol sa proyekto.
Makatuwiran lamang para sa New People’s Army (NPA) sa lugar na higit na patindihin ang kanilang mga aksyong pamamarusa laban sa proyektong Kaliwa Dam para ipagtanggol ang kapakanan ng mga apektadong katutubong Dumagat at Remontado, protektahan ang kalikasan at alisin ang pangamba ng libu-libong residente sa mga bayan ng Real, Infanta at Nakar sa Quezon at Tanay sa Rizal sa nakaambang panganib sa kanilang buhay at ari-arian na maaaring idulot ng Kaliwa Dam at sa gayon maiwasang maulit ang sinapit nilang trahedya nuong 2004 dahil sa bagyong Winnie kung saan libong bilang ang mga namatay mula sa bayan ng Real, Infanta at Nakar bunga ng rumaragasang tubig at putik mula sa kabundukan ng Sierra Madre na pinalala ng pinakawalang tubig mula sa Umiray Dam. Ang bangungot na hatid ng bagyong Winnie ay nananariwa sa kanilang alaala dahil sa banta na maaaring mauulit ito dahil naman sa Kaliwa Dam Project.
Hungkag at isang malaking kalokohan ang pinagsasabi ni Duterte na ang New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project ay para sa kagalingan at kapakanan ng higit na nakararaming mamamayan na nangangailangan ng suplay ng tubig. Hindi para sa kabutihan at pangangailangan ng nakakaraming mamamayan ng Metro Manila ang tunay na nasa likod ng kagustuhan niya na maitayo ang Kaliwa Dam sukdulang isakripisyo niya ang kapakanan ng mga katutubong Dumagat at Remontado at balewalain ang malakas na pagtutol ng taumbayan sa proyekto. Tanging mga malalaking burgesya komprador na binigyan ng gubyerno ng konsesyon sa paghahatid ng suplay ng tubig sa bawat kabahayan sa Metro Manila ang pangunahing makikinabang sa proyektong Kaliwa Dam sa anyo ng kita mula sa mataas na singil sa tubig na papasanin din naman ng taumbayan. Ang dapat na batayang serbisyong publiko tulad ng sa tubig ay isinapribado ng gubyerno imbis na ito’y kanyang balikatin. Pera ng taumbayan ang ipambabayad sa inutang na pondo sa pagtatayo ng Kaliwa Dam. Pero ang pakinabang ay hindi sa taumbayan mapupunta kundi sa malalaking burgesya komprador pa rin.
Ang nagaganap na krisis sa tubig sa kalakhang Maynila at ilang bahagi ng lalawigan ng Rizal ay dulot ng kapabayaan ng gubyerno, pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo at kasakiman ng mga konsesyunaryo sa tubig na siyang ginagawa ngayong dahilan para bigyang katwiran ang pagtutulak sa Kaliwa Dam Project na diumano’y siyang tanging paraan na nakikita ng gubyerno na lulutas sa krisis sa tubig na nararanasan ng mga mamamayan sa kalakhang Maynila at bahagi ng Rizal. Kaya kahit batbat ito ng anomalya tulad ng pinalobong halaga ng proyekto, mayroong makaisang panig na kundisyon sa pautang pabor sa bansang China at pagkakaroon ng probisyon na sakaling hindi nakabayad ang Pilipinas sa kanyang mga utang sa bansang China, maaring kunin ng gubyernong China ang mga ari-arian ng bansa tulad ng isang tipak ng teritoryo bilang kabayaran, masugid pa ring itinulak ni Duterte ang proyekto. Nasa unahan ng Build Build Build Program ng pasistang rehimeng US-Duterte ang Kaliwa Dam Project bilang pagtugon sa maraming kasunduang pinasok ng rehimeng Duterte sa imperyalistang China na siyang nagpapautang para pondohan ang proyektong pang imprastraktura ng kanyang administrasyon.
Dapat patuloy na makibaka ang taumbayan upang tutulan ang proyektong Kaliwa Dam. Hindi tayo dapat matakot at masindak sa mga banta ni Duterte na kanyang iwawasiwas ang dahas ng estado para ituloy at protektahan ang proyekto.
Sa kabilang banda, nararapat at makatarungan lamang para sa mga katutubong Dumagat at Remontado at mga masugid na tagapagtanggol ng kalikasan na sumapi sa NPA at maglunsad ng armadong pakikibaka. Higit na mabibigyan ng lakas ang mga gagawing paglaban sa proyektong Kaliwa Dam sa pamamagitan ng malawak na armadong paglaban ng mga Dumagat para sa kanilang lupang ninuno, sariling pagpapasya at maaliwalas na kinabukasan.###
https://cpp.ph/statement/patuloy-na-makibaka-laban-sa-anti-mamamayang-kaliwa-dam-project-sa-gitna-ng-pananakot-at-pandarahas-ni-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.