WELGA ANG BANTA ng mga nars at manggagawang pangkalusugan sa University of Santo Tomas Hospital (USTH) sa Manila City laban sa di-makataong kalagayan sa paggawa sa loob ng ospital.
Daing ng mga nars, dahil kulang sa empleyado ang ospital ay napipilitan silang gumugol ng mas mahabang oras sa paggawa. Dahil dito ay apektado ang kalidad ng kanilang serbisyo. Anila, mayorya sa kanila ay nagtatrabaho ng hanggang 12 oras kada araw.
Sa kasalukuyan may 965 na empleyado ang ospital kung saan 579 ay miyembro ng unyon. Noong Pebrero 11, mayorya ng mga kasapi ng unyon ay bumoto pabor sa welga. Naghain sila ng notice of strike sa Department of Labor and Employment (DOLE) matapos bigong magkasundo ang unyon at administrasyon.
Inihayag din ng unyon na nagpapatupad ng kontraktwalisasyon ang USTH. Pinagbabayad din ang mga katatanggap pa lamang na empleyado ng training fee na nagkakahalaga ng P5,000-P7,000.
Samantala, isang prayer vigil naman ang idinaos ng mga manggagawa ng Organization of Zagu Workers (ORGANIZA) noong Pebrero 19 sa harap ng upisina ng Zagu Food Corporation upang tutulan ang pangwawasak nito sa kanilang unyon at kontra-manggagawang mga patakaran ng kumpanya. Kamakailan ay naghain ng notice of strike ang ORGANIZA sa National Conciliation and Mediation Board.
Sa Baguio City, nalantad ang malaking kakulangan ng mga inspektor ng DOLE para tiyakin na tumutupad ang mga kumpanya sa pagtiyak ng kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa. Sa may 20,000 negosyo sa syudad, mayroon lamang 16 na mga labor inspektor, na siya ring nakatalaga sa buong rehiyon. Sa buong bansa, 800 na inspektor lamang ang mayroon para sa mahigit 900,000 negosyo.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
https://www.philippinerevolution.info/2019/03/07/mga-nars-luma%c2%adban-sa-di-maka%c2%adta%c2%adong-ka%c2%adla%c2%adga%c2%adyan-sa-pagga%c2%adwa/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.