Sunday, December 21, 2014

CPP/NDF-RCTU: Pahayag ng Pakikiisa sa Pagdiriwang ng ika-46 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas

NDF/RCTU propaganda statement posted to the CPP Website (Dec 21): Pahayag ng Pakikiisa sa Pagdiriwang ng ika-46 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (Statement of Solidarity with the Celebration of the 46th Anniversary of the Establishment of the Communist Party of the Philippines)

Logo.rctu
Fortunato Magtanggol
Spokesperson
RCTU Southern Tagalog Chapter
 
 Ang Revolutionary Council of Trade Unions-Southern Tagalog (RCTU-ST), alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ay kaisa ng malawak na masang anakpawis sa pagdiriwang para sa ika-46 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas-Marxismo-Leninismo-Maoismo (PKP-MLM)!

Ang pagkakatatag ng PKP noong Disyembre 26, 1968 ay kapanganakan ng panibagong pag-asa para sa uring manggagawang Pilipino—iniluwal nito ang taliba ng rebolusyon na magsusulong ng pagpapalaya sa mga aping uri sa pamamagitan ng makatarungang digma.
Ipinakilala at inilinaw ng PKP ang makatotohanang solusyon sa daantaong kahirapang ibinunga ng panghihimasok at direktang pagsakop ng mga imperyalistang dayuhan, mula sa mga kastila, hanggang sa pagpasok ng panibagong superpower na imperyalistang Estados Unidos. Gamit ang teoryang Marxismo-Leninismo-Maoismo, naitakda ang wastong linyang pampulitika at organisasyon ng Partido na siyang magwawakas sa kasalukuyang malapyudal at malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino.

Ipinagbubunyi ng hanay ng mga rebolusyonaryong manggagawa sa Timog Katagalugan ang 46 na taong pamumuno ng natatanging proletaryadong partido, ang PKP, sa pinakamatagal na armadong rebolusyon sa kasaysayan ng buong daigdig, sa kabila ng kaliwa’t kanang kontra-rebolusyonaryong dahas at propaganda ng mga imperyalista at mga lokal na naghaharing uri.

Ang PKP ang inspirasyon ng mga rebolusyonaryong manggagawa sa ilalim ng RCTU-ST, sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon, sa pagtataguyod sa interes ng uring manggagawa at lahat ng aping uri, sa paglalantad sa mga anti-mamamayan at anti-manggagawang batas, sa pagsusuri sa mga pampulitika at pang-ekonomiyang usapin, at sa matatag na paglaban sa lahat ng atake ng imperyalistang US at reaksyunaryong gubyerno.

Nananatiling matatag ang PKP hanggang sa kasalukuyan, at tuloy-tuloy na lumalawak at lumalakas, kasabay ng pag-igting ng krisis sa pulitika at ekonomiya ng rehimeng US-Aquino II. Habang nailalantad ang kabulukan ng reaksyunaryong gubyernong walang ibang ginawa kundi magpatupad ng mga neoliberal na polisiya—tulad ng laganap na pagkitil sa hanapbuhay ng mga manggagawa at mamamayan—kapalit ng papalaking tubo sa mga kapitalista; pagkakait sa mga batayang serbisyo sa edukasyon, kalusugan, at pabahay; lantarang pagtalikod sa pananagutan tuwing mayroong mga kalamidad sa bansa; at pagnanakaw ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan; lalupang nagiging malinaw sa sambayanan na wala na silang maaasahan mula kay Aquino, at sa bulok na reaksyunaryong gubyerno nito.

Pinakamataas na pagpupugay ang ibinibigay ng mga manggagawa sa lahat ng martir ng rebolusyong Pilipino, mga kadre at kasapi ng Partido na nagbuhos ng kanilang dugo at pawis para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan! Hindi matatawaran ang iniambag nina Ka Verleen “Bugoy” Trinidad, Diosdado “Ka Fort” Fortuna, at lahat ng mga martir mula sa uring manggagawa at iba pang uri’t sektor na buong pusong niyakap ang mga prinsipyo at patakaran ng Partido, iniwan ang kanilang mga komportableng buhay, at sinuong ang masalimuot ngunit makabuluhang landas ng paglilingkod sa sambayanan.

Sa pag-igting ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, at ibayong pagdilim ng hinaharap ng rehimeng US-Aquino II sa mga susunod na taon, tiyak na mas marami pang manggagawa, magsasaka, at mamamayan ang yayakap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang makauring ideolohiya na nagsisilbi para sa interes ng uring manggagawa at lahat ng aping mamamayan. Sila ay maghuhubog ng kanilang mga sarili bilang mga panibagong kadreng mangunguna sa pagsusulong ng pakikibaka ng mas malawak na masang handa at naglalayong baguhin ang isang bulok na sistema tungo sa isang sistemang panlipunang walang pagsasamantala.

Hindi makakamit ng PKP ang lahat ng tagumpay na tinamo at tatamuhin nito kung wala ang mainit at mahigpit na pagsuporta at pakikiisa ng masang anakpawis sa mga programa at layunin ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kung kaya, kasabay nating ipinagdiriwang ang walang sawang suporta at pakikiisa ng malawak na masa sa mga rebolusyonaryong adhikain ng ating pinakamamahal na partido!

Sa pagkakaisa ng PKP at mamamayan, mailalatag ang mga esensyal na batayan para sa pag-unlad ng buong sambayanan—ang industriyalisasyon sa pambansang antas, pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, ang pagtataguyod ng produksyong magsisilbi sa pangangailangan ng mamamayan at hindi ng iilan, ang pagpapatakbo sa gubyerno bilang gubyerno ng mamamayan, at ang pagwawakas sa paghahari ng mga dayuhang kapitalista, mga lokal na papet nila, at mga panginoong maylupa sa bansa.
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

 Manggagawa, pamunuan ang pambansa-demokratikong rebolusyon! Sumapi sa New People’s Army!

 Ubos-kayang isulong ang digmang bayan tungo sa pagkapatas!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20141221_pahayag-ng-pakikiisa-sa-pagdiriwang-ng-ika-46-anibersaryo-ng-pagkakatatag-ng-partido-komunista-ng-pilipinas

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.