Monday, January 13, 2014

CPP/NDF-ST: Labanan ang tumitinding militarisasyon sa Palawan! SOMO at SOPO ng rehimeng Aquino, kasinungalingan!

Propaganda statement posted to the CPP Website (Jan 13): Labanan ang tumitinding militarisasyon sa Palawan! SOMO at SOPO ng rehimeng Aquino, kasinungalingan! (Combat the growing militarization in Palawan! SOMO and SOPO Aquino regime, lies!)

Logo.ndfp
Patnubay De Guia
Spokesperson
NDFP Southern Tagalog Chapter
 
Mariing kinukundina ng National Democratic Front-Southern Tagalog (NDF-ST) ang patuloy na militarisasyon sa Isla ng Palawan. Isang panlilinlang ang idineklara ng rehimeng Aquino na Suspension of Military Operations (SOMO) at Suspension of Police Operations (SOPO) mula Disyembre 20, 2013 hanggang Enero 15, 2014. Tuluy-tuloy ang mga inilulunsad na operasyong militar ng Philippine Marines sa bayan ng San Vicente, Palawan na nagdulot ng matinding takot at paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan sa mga lokal na pamayanan.
Masaklaw at pursigidong mga operasyong militar ang inilunsad ng Philippine Marines sa magkatabing barangay ng Caruray at Port Barton mula Disyembre 20 hanggang Disyembre 31, sa kabila ng idineklarang SOMO/SOPO. Sinaklaw ng operasyon ang mga sityo ng Pinsawan at Barongbong na sakop ng Bgy. Port Barton at So. Decala at So. Little Karamay na sakop ng Bgy. Caruray. Sunud-sunod ang pagpapalipad ng chopper sa mga kagubatan at pagpapatrulya ng bangkang de-motor sa paligid ng mga isla na saklaw ng operasyong militar.
Simula pa noong huling linggo ng Nobyembre 2013, bago ideklara ang SOMO/SOPO, marami nang nagaganap na mga operasyong militar ang mga pwersa ng AFP at PNP sa mga komunidad ng San Vicente. Tinatayang aabot sa 300 elemento ng Marines ang ibinuhos ng WesCom sa lugar. Ngayon lamang naganap ang tuluy-tuloy, malakihan at masinsing operasyong militar na umaabot sa laking batalyon ang konsentradong ibinuhos sa isang maliit na erya ng isla. Di matatawaran ang idinulot nitong kaguluhan sa normal na daloy ng pamumuhay ng mga mamamayan sa mga lokal na komunidad.
Kasinungalingan ang ipinapangalandakang SOMO/SOPO ng AFP at PNP. Sa tabing ng civic actions at medical missions, tahasang pinasok at ginalugad ng mersenaryong tropa ng AFP at PNP ang maliliit na mga isla at kagubatan ng Palawan. Kinasabwat ng Marines ang mga lokal na upisyal upang pagmukhaing lehitimo ang kanilang panghihimasok sa mga komunidad. Sapilitang nagpatupad ang militar ng curfew sa New Site at Old Site na saklaw ng Bgy. Caruray. Naharap sa intimidasyon, imbestigasyon at pananakot ang mamamayan sa mga komunidad kung saan may presensya ng militar.
Sa likod ng maskara ng rehimeng Aquino na tagapagtaguyod ng kapayapaan, patuloy ang militarisasyon nito sa mga lokal na pamayanan ng Timog Katagalugan. Isang kabalintunaan ang paghahambog at retorika ng AFP at PNP na panig ito sa pagprotekta sa karapatang pantao habang sa aktwal patuloy nitong inilulunsad ang mas pinaigting na kampanyang supresyon ng reaksyunaryong gubyerno sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Binihisan ang Oplan Bayanihan ng mga palamuti at kolorete upang pagmukhain itong makatao subalit umaalingasaw pa rin ang baho ng mga kakambal nitong operasyong pangkombat at say-ops na tahasang lumalabag sa karapatang pantao at pumipinsala sa kabuhayan ng mamamayan.
Nananawagan ang NDF-ST sa mamamayan ng Palawan at Timog Katagalugan na mahigpit na magkaisa. Tutulan at labanan ang mga isinasagawang operasyong militar sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Ang patuloy na militarisasyon ay tanda na desperado na ang rehimeng Aquino na supilin ang lumalakas na pulang kapangyarihan sa kanayunan. Nakatakdang mabigo ang anumang kontra-rebolusyonaryong pakana ng reaksyunaryong gubyerno sa harap ng marubdob na paghahangad ng mamamayan na wakasan ang daantaong dinaranas na pang-aapi at pagsasamantala. Tanging sa pagdaluyong lamang ng rebolusyonaryong pakikibaka makakamit ang tunay na kapayapaang nakabatay sa katarungan at hustisyang panlipunan.

http://www.philippinerevolution.net/statements/20140113_labanan-ang-tumitinding-militarisasyon-sa-palawan-somo-at-sopo-ng-rehimeng-aquino-kasinungalingan

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.