Thursday, August 29, 2024

CPP/PIO/CPP Southern Tagalog RC: Sa pambansang araw ng mga bayani,Itanghal sina Ka Hadjie, Concha at mga Martir ng isla ng Panay: Mga dakilang bayani, pinuno at mandirigma ng rebolusyon!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 28, 2024): Sa pambansang araw ng mga bayani//Itanghal sina Ka Hadjie, Concha at mga Martir ng isla ng Panay: Mga dakilang bayani, pinuno at mandirigma ng rebolusyon! (On the national day of heroes, Ka Hadjie, Concha and the Martyrs of the island of Panay: Great heroes, leaders and fighters of the revolution!)
 


Public Information Office
CPP Southern Tagalog Regional Committee
Communist Party of the Philippines

August 28, 2024

“Hindi kailanman namamatay ang mga rebolusyonaryo, nananatili silang buhay sa pamamagitan ng kanilang mga rebolusyonaryong tagapagmana. Itransporma natin ang ating pagluluksa sa rebolusyonaryong katapangan.”
– Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng PKP

Nakikiisa ang Communist Party of the Philippines sa Southern Tagalog (CPP-ST) sa pagpupugay at pagdakila sa mahal na mga kasamang nabuwal sa isla ng Panay ngayong Agosto. Sina Vicente Hinojales (Ka Hadjie/Ka Emil), Maria Concepcion Araneta-Bocala (Ka Concha), Aurelio B. Bosque (Ka Zarco/Baijan/Rio), Jose Jerry Tacaisan (Ka Miller/Bronze), Bemjamin Cortel (Ka Amor/Ruby/Mamang), Romulo Iturriaga Gangoso (Ka Reagan/Biboy/Pedik), Jielmor Gauranoc (Ka Doc/Tango/Baron), Juvylene Silverio (Ka Kaykay/Purang), Armando Savariz (Ka Nene/Kulot), Rewilmar Torrato (Ka Minerva/Mara/Moray) at John Paul Capio (Ka Ronron) ay napaslang sa serye ng mga labanan mula Agosto 5, 7, 8, 15 sa Calinog at Lambunao, Iloilo at nitong Agosto 24 sa Valderrama, Antique. Kabilang sila sa mga dakilang martir ng sambayanang Pilipinong nakadambana sa puso ng bawat aping mamamayang buong-buhay, lakas at determinasyon nilang pinagsilbihan. Iniaalay natin sa kanila at lahat ng rebolusyonaryong martir ang Agosto 26 na Pambansang Araw ng mga Bayani. Hinding-hindi sila mamamatay sa alaala ng mamamayan ng Panay at buong bansa, at sa kasaysayan ng dakilang rebolusyong Pilipino para sa pambansang kalayaan, demokrasya, at sosyalismo.

Natatanging pagkilala ang iginagawad ng mga rebolusyonaryo sa ST kay Ka Hadjie, kagawad ng Komite Sentral ng CPP at Kalihim ng komiteng rehiyon ng Partido sa Panay at kay Ka Concha, na kapanalig ni Ka Hadjie at ng komiteng rehiyon ng Partido sa Panay sa pamumuno at pagdidirehe ng rebolusyon sa isla. Sa kanilang pamumuno, sumulong ang komprehensibong rebolusyonaryong gawain sa buong isla at niyakap at sinuportahan ito ng mamamayan.

Kasabay nito, mariing kinukundena ng PKP-TK ang brutal na pagpaslang at mga serye ng paglabag ng 3rd Infantry Division (3rd ID) ng Philippine Army-AFP sa pandaigdigang makataong batas at karapatang tao ng mga pwersang nakikidigma. Ang limang martir ng Aglonok noong Agosto 8 na sina Ka Reagan, Ka Nene, Ka Zarco, Ka Kaykay at Ka Doc ay buhay na nadakip ng mga militar matapos ang isang engkwentro at ipinailalim sa matinding tortyur bago pinatay sa halip na ikulong at itrato bilang mga bihag ng digma. May mga palatandaan ng matinding pambubugbog, mga saksak at harapang mga tama ng baril ang kanilang mga katawan at nakagapos pa ang mga paa ng isa sa mga biktima nang matanggap ng pamilya ang kanyang bangkay. Pinahirapan, sinindak at pinigilan din ng mga pasistang pwersa ang pamilya at mga grupong tumulong sa kanila na kunin ang labi ng kapamilya nilang martir. Kung tutuusin, aminado ang mga militar sa kanilang mga paglabag sapagkat iniulat na mayroon silang mga inalok ng bayad kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso.

Notoryus ang 3rd ID at mga yunit nito sa isla ng Panay (12th, 82nd at 61st IB) at PNP sa ilalim ng Area Police Command Visayas sa mga paglabag sa batas ng digma. Matatandaang nitong Pebrero 28, naglunsad sila ng aerial bombing drive sa mga barangay ng Torocadan, Dongoc at Langca sa San Joaquin, Iloilo. Tampok ang pang-iistraping, pagpapaputok ng rocket mula sa mga helicopter at artillery shelling mula sa mga howitzer. Labag ito sa batas ng proportionality sa digma kung saan ipinantatapat ng mersenaryong tropa sa mga dekahoy na kubo at tent ng mga yunit ng New People’s Army ang 500 libras ng bomba galing sa howitzer at eroplanong pandigma. Humantong ito sa pagkamatay ng tatlong Pulang mandirigma. Samantala, sa lakas ng impak at dami ng mga pinakawalang bomba, damay pati ang mga kalapit na komunidad ng mga sibilyan na lansakang paglabag din sa pandaigdigang makataong batas. Liban pa rito, malaking abala sa mga residente ang ginawang pagtitipon sa kanila at pagbabawal na magtrabaho sa bukid.

Ang 3rd ID din, partikular ang 61st IB, ang salarin sa pagpaslang sa dalawang Pulang mandirigmang sina Jenny (Ka Hope) at John Eric Talibo (Ka Blue) noong Agosto 2023 sa Southern Panay.

Ang mga yunit na ito rin ang sangkot sa walang-humpay na focused military operations sa 10-23 barangay sa Calinog, Iloilo at Tapaz, Capiz mula pa 2023 para bigyang daan ang operasyong paghuhukay (drilling) ng Pan-ay mega dam project. Tutok ng mga operasyong ito ang mga komunidad ng Tumandok na tumututol sa proyekto. Mas maaga pa, sangkot din ang mga pasistang pwersang ito sa pagmasaker sa siyam na lider-Tumandok noong Disyembre 30, 2020 sa parehong mga bayan.

Ang kriminal at madugong rekord ng 3rd ID ay alinsunod sa atas ng dating tiranikong presidente ng GRP na si Duterte na ipinagpapatuloy ngayon ni Marcos Jr. na “walang bubuhaying NPA” at “collateral damage ang mga sibilyan”. Sa gitna ng paglalako sa Pilipinas sa mga dayuhang mandarambong at paghahanda sa pinasisiklab ng US na digma laban sa China, naghahabol ngayon ang rehimeng US-Marcos II na “linisin” ang buong bansa sa paglaban ng CPP-NPA. Kasabwat ang lokal na gubyerno ng mga probinsya sa isla ng Panay, naghahabol si Maj. Gen. Sison ng 3rd ID na ideklara ang Stable Internal Peace and Security (SIPS) sa buong isla ng Panay.

Pare-parehong mangmang sina Duterte, Marcos Jr., mga lider ng AFP at amo nitong imperyalistang US sa pag-aakalang madudurog nila ang rebolusyonaryong kilusan sa Panay at buong bansa. Nakalimutan nila ang malalim na tradisyon ng rebolusyonaryong paglaban sa isla—mula sa pag-aalsa ni Tapar sa panahon ng kolonyalistang Español hanggang kay Coronacion Chiva (Waling-waling)—at buong kapuluan. Ang magiting na tradisyong ito ay ipinagpapatuloy ng kasalukuyang henerasyon ng mamamayan ng Panay at buong bansa sa pamamagitan ng NPA. Patuloy na lumalaglab ang paglaban sa iba’t ibang tipo ng pang-aapi’t pagsasamantalang ipinapataw ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Ang armadong pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa pamumuno ng proletaryong Partido Komunista ay tumatanaw nang mas malayo sa pagbabagsak sa bulok at tutang estado—hinahangad din nitong itayo ang pundasyon ng isang sosyalistang hinaharap upang tiyakin ang isang tunay na malaya, demokratiko, masagana at makatarungang lipunan. Para sa katuparan ng dakilang adhikaing ito, handa ang bawat kasapi ng NPA na magsakripisyo at ialay ang kanilang kaisa-isang buhay.

Ang katatagan at kawalang-tinag ng bawat rebolusyonaryo sa gitna ng brutal at pasistang pamamaraan ng AFP at reaksyunaryong gubyerno ng US sa kumpas ng US ang nagbibigay-inspirasyon sa mamamayang makibaka. Tulad nina Ka Hadjie, Concha at iba pang martir ng Panay, determinado ang buong rebolusyonaryong pwersa sa ST na ipagtanggol ang mamamayan, isulong ang kanilang interes at ipagtagumpay ang rebolusyon, gaanuman kalupit ang kaharap na kaaway.

Itinakda na ng kasaysayan ang di-mapipigilang pagbangon at paglago ng rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng tunay na Communist Party na ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa lahat ng dako ng Pilipinas at daigdig hangga’t sadlak sa kahirapan, pagkabusabos at karahasan ang sambayanan. Palaging may pupuno sa mga pusisyong nababakante ng bawat kadre at pinunong nabubuwal, palaging may mga mandirigmang dadampot sa sandata ng kapwa mandirigmang nasasawi, at higit sa lahat, mas maraming bagong dugo at henerasyon ng mga rebolusyonaryo ang susuong sa mahirap na landas ng pakikibaka at mag-aalay ng buhay, lakas at talino para sa dakilang misyong palayain ang bayan at daigdig sa kuko ng imperyalismo at lahat ng reaksyon!

Mabuhay ang alaala ng mga Bayani at Martir ng Agosto sa Panay!
Mabuhay ang alaala ng lahat ng mga bayani at martir ng rebolusyong Pilipino!
Mabuhay ang NPA!
Mabuhay ang NDFP!
Mabuhay ang CPP!
Isulong hanggang sa tagumpay ang rebolusyong Pilipino!

https://philippinerevolution.nu/statements/itanghal-sina-ka-hadjie-concha-at-mga-martir-ng-isla-ng-panay-mga-dakilang-bayani-pinuno-at-mandirigma-ng-rebolusyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.