Sunday, February 18, 2024

CPP/NPA-Rizal: Isiwalat ang katotohanan ng terorismo ng 80th IBPA sa Rizal!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 15, 2024): Isiwalat ang katotohanan ng terorismo ng 80th IBPA sa Rizal! (Reveal the truth of the terrorism of the 80th IBPA in Rizal!)
 


Macario 'Ka Karyo' Liwanag
Spokesperson
NPA-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command)
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

February 15, 2024

Mariing kinukundena ng NAAC-NPA-Rizal ang mga kasinungalingan ng 80th IBPA. Pilit pa rin nitong pinagtatakpan ang katotohanan sa naganap na labanan sa Sityo Balagbag, Barangay San Isidro, Rodriguez noong Enero 31, 2024, pati ang mga krimen nila sa mamamayang Rizaleño.

Sa pinakahuling pahayag ng pasistang tropang pinamumunuan ni Lt. Col. Mark Anthony U. Ruby, pilit na itinanggi at tinawag pang kathang-isip ang pagkakasawi ng kanilang kasundaluhan sa naganap na labanan. Nakita mismo ng mga Pulang Mandirigma ang tinamaan at hindi na bumangong katawan ng kanilang kasama at mismong mga sibilyan ang nakakita na may mga inilabas na bangkay ng mga sundalo matapos ang labanan.

Walang ni katiting na respeto man lamang ang pamunuan ng 80th IBPA sa kanyang kasundaluhan at sa mga pamilya ng mga ito para ilitaw ang mga pangalan ng mga nasawi sa kanilang hanay. Mas pipiliin nito na pangalagaan at linisin ang nabubulok nitong reputasyon kaysa ipauna ang kapakanan ng kanyang mga sundalo.

Pambabaluktot din sa katotohanan ang binubuladas ng 80th IBPA hinggil sa pagsasara ng ilang mga resort matapos ang labanan dahil diumano sa takot at pangamaba sa mga NPA. Subalit sa katunayan ay sila mismo ang nagpasara ng ilang mga resort. Dagdag pa may rekord na ang mga berdugo noong nakaraang taon na pagbawalan ang lahat ng mga turista na umahon sa Balagbag at ipasara ang mga resort.

Makapal ang mukha ng 80th IBPA na itanggi ang mga karumal-dumal at walang-tigil nilang krimen sa mamamayang Rizaleño. Sa unang hati pa lamang ng 2023 ay sunod-sunod na tahasang karahasan at akto ng terorismo ang ginawa nito sa Rizal.

Matapos ang labanan noong Abril 1, 2023 sa Sityo Kislatan, Barangay Mascap, Rodriguez, Rizal, kumalat ang balitang nagbanta ng pambobomba ang nasabing yunit sa ilang mga barangay ng Rizal. Ang totoo’y hindi ito nanatiling banta, sadyang pinasabugan nito ng mortar ang bahagi ng Payaran habang pinagbabaril naman ang isang lalaking residente ng sityo na nagsusuga lamang ng kaniyang kalabaw.

Dahil din sa pagmomortar na ito, inatake sa puso hanggang mamatay ang isang edad 70 na babae dahil sa takot nang sumabog ang mortar ng 80th IBPA. May matinding trauma ito mula sa martial law na nanumbalik sa kanyang alaala dahil sa nasaksihan niyang pambobomba. Ang ilan naman ay inaabot na ang mapraning sa lahat ng pagpapasabog na kanilang naririnig dahil sa presensya ng militar.

Pinagbantaan din ang isang kapamilya ng diumanong NPA na kapag hindi sinabi kung nasaan ang mga NPA ay dadalhan sila ng warrant of arrest. Marami sa Sityo Malasya at Uyungan ng Barangay Puray, Rodriguez ay hindi na umuuwi sa kanilang mga tahanan dahil sa takot sa mga militar at hindi sila tinatantanan sa pagtatanong at panghaharas. Iilan na lamang ang mga tao roon at napilitan silang lumipat sa Sityo Amusin na malapit sa kampo para hindi na sila puntahan lagi ng mga militar kahit pa nasa Malasya ang kanilang mga taniman.

Matapos ang pambobomba, dumagsa ang militar sa mga barangay ng Mascap, Puray at San Rafael at pwersahang pinalikas ang 250 pamilya. Mahigpit ding kinontrol ang paggalaw ng mga residente, kung kaya’t naobliga silang patagong pumunta sa kanilang bukid para mag-ani ng kanilang tanim. Mistula silang magnanakaw sa sarili nilang taniman dahil sa paghihigpit ng militar.

Bukod pa rito, ginawa ng garison ng 80th IBPA ang paparaming mga sityo sa Rizal tulad ng Sityo San Josef, San Ysiro at Sityo Kaysacat sa Barangay San Jose sa Antipolo City; Sityo Kabuhuan at Sityo Ilas ng Barangay Puray; Sityo Dambana ng Barangay Mascap at Sityo Balagbag ng Barangay San Isidro sa Rodriguez. Halos 2 taong nanatili ang kaaangat lang na tropa sa bahayan sa Sityo San Josef. Habang halos 1 taon na ang nasa Sityo San Ysiro at Sityo Ilas.

Nakakabulahaw din sa mga residente ang ingay na dulot ng awayan ng mga sundalong nagiinuman sa gabi sa Barangay Mascap at Barangay Puray.

Ito ang malaon nang nagdudulot ng pangamba at takot sa hanay ng mamamayan, na maganap muli ang pagbabarilan ng mga ito tulad ng nangyari noong 2012 dahil sa pagkalango ng mga ito sa alak. Kung tutuusin ay labag sa Geneva Conventions at Protocol II ang kanilang pagkakampo malapit sa sibilyang populasyon.

Malinaw kung sino ang tunay na naghahasik ng terorismo sa Rizal. Naghuhugas-kamay lang ang 80th IBPA dahil desperado itong pagtakpan ang mga kasalanan nito sa mamamayan. Sa katunayan, hindi rin naman malalaman ng NPA ang mga kasong ito kung hindi galing sa pagdudulog ng masa ng kaapihang nararanasan nila sa kamay ng 80th IBPA. Anupaman ang sabihin ng pasistang tropang ito ay alam ng mamamayan ang totoong mga kaganapan sa kanilang mga baryo.

Dapat tuloy-tuloy na ilantad ang paghuhugas-kamay ng 80th IBPA. Dapat silang panagutin sa mahabang listahan ng mga krimen nila sa mga Rizaleño. Nag-uumapaw ang dahilan para palayasin ng mamamayan ang pasistang 80th IBPA mula sa kanilang mga baryo.

https://philippinerevolution.nu/statements/isiwalat-ang-katotohanan-ng-terorismo-ng-80th-ibpa-sa-rizal/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.