Saturday, January 29, 2022

CPP/NDF-MAKIBAKA-ST: Pahayag ng MAKIBAKA-Timog Katagalugan sa ika-53 anibersaryo ng PKP

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 28, 2022): Pahayag ng MAKIBAKA-Timog Katagalugan sa ika-53 anibersaryo ng PKP



Veronica Makabayan
Spokesperson
Makabayang Kilusang ng Bagong Kababaihan-Southern Tagalog
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

January 28, 2022

Maalab at mapulang pagbati ang ipinapaabot ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan sa Timog Katagalugan (MAKIBAKA TK) sa ika-53 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!

Pinakamataas na pinagpupugayan at dinadakila ng malawak na hanay ng kababaihan ang mga martir ng rebolusyong Pilipino sa Timog Katagalugan – kina Charity “Ka Rise” Diño, Lowel “Ka Bernie” Riza Mendoza, Cristina “Ka Billy” Estocado, Cristopher “Ka Omar” Buton, Cherry “Ka Edson” Velasco at Felimon “Ka Nick” Carabido, Queenie “Ka Kira” Daraman, at sa iba pang bayani ng sambayanan. Ang kanilang pagsisilbi sa pambansa-demokratikong rebolusyon ay ang pagsulong para sa pagwawakas ng diskriminasyon at karahasan sa lahat ng kasarian.

Sa kasalukuyang rehimen, masahol ang trato ni Duterte sa babae. Imbis na wakasan niya ang sistemang pang-aabuso at pagsasamantala ay nangunguna pa siya sa pagpapalaganap nito sa pamamagitan ng pambabastos, pagmumura at pagdidiskriminasyon niya sa mga kababaihan sa harap mismo ng madla. Maliban sa pang-aapi at pagsasamantalang nakabatay sa kanilang uri, ang kababaihan ay nakararanas ng dagdag sekswal na pang-aabuso dahil sa busabos na katayuan nila batay sa kasarian. Hindi rin nawakasan ni Duterte ang patuloy na pagtaas ng kaso ng sekswal na karahasan sa mga kakabaihan lalo nitong pandemya, sa mga kasong rape na naitala nangunguna rito ang kanyang mga tutang AFP-PNP.

Hindi na natuto ang Rehimeng Duterte sa ilang taong niyang nasayang sa pagtatalikod sa usapang pangkapayapaan at paglulunsad ng mga bogus na kontra-insureksyong programa, tulad ng Executive Order 70 (EO 70), na kailanman hindi tumugon sa kagyat na pangangailangan ng masa at sa ugat ng umiiral na digmaan sa bayan. Patuloy pa ni Duterte binubusog ang NTF-ELCAC at AFP-PNP gamit ang pondo ng bayan, at higit pa sa lahat nagsanhi ito sa napakaraming pagpatay, ilegal na pagkulong, at iba pang paglabag sa karapatang pantao nung nakaraang taon.

Bagama’t maraming naibuhos na luha at luksa, patuloy padin ang pagbangon at walang humpay sa pagharap ng hamon ang kilusan ng kababaihan sa taong 2021. Sa umiigting kalagayan nararanasan sa rehiyon-TK at ang pagsusugpo ng pyudal at patriyarkal na kultura sa iba’t ibang larangan, ito ang nag-uudyok pa lalo sa mga kababaihan at LGBTQ+ na humulagpos sakanilang mga kadena sa pamamagitan ng pagsanib sa armadong pakikibaka sa kanayunan para ipagpunyagi ang sosyalistang pagbabago. Maliban sa dumaraming militanteng nakikibaka, ang mga biktima ng abuso ay matapang nang tumitindig para ilantad ang dumi at baho ng Rehimeng Duterte, numero unong nagpapalaganap ng karahasan sa kababaihan.

Gayunpaman, tuloy padin ang paghamon sa mga kababaihan at LGBTQ+ ng Timog Katagalugan, ang walang kapaguran na pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa hanay ng mayoryang masang api at pinagsasamantalahan dahil sa kanilang uri at kasarian. Higit sa lahat, ang pagpapanday sa sarili upang tumanggap pa ng mas mabibigat na responsibilidad at tahakin ang mas mataas na antas ng pag-aambag – tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Kahit anong panunupil ang gawin ng pasistang estado’t militar, hindi nila kalianman mapapatay ang tiyak na katotohanang mapapabagsak ng masang anakpawis, sa patnubay ng Partido, ang bulok na sistemang pilit pinapangalagaan ni Duterte at mga naghaharing-uri. Ang naging sandigan ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan sa Timog Katagalugan ay ang mapagpasyang pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa proletaryong rebolusyon at ang ubos-kayang pakikibaka ng sambayanan upang ibagsak ang Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukrata Kapitalismo at para sa hangaring sosyalismo!

MABUHAY ANG IKA-53 ANIBERSARYO NG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG NATIONAL DEMOCRATIC PRONT OF THE PHILIPPINES!

https://cpp.ph/statements/pahayag-ng-makibaka-timog-katagalugan-sa-ika-53-anibersaryo-ng-pkp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.