Sunday, January 30, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Konsultant ng NDFP na si Pedro Codaste, pinatay pagkatapos dukutin ng AFP

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 30, 2022): Konsultant ng NDFP na si Pedro Codaste, pinatay pagkatapos dukutin ng AFP (NDFP consultant Pedro Codaste, killed after being abducted by the AFP)
 





January 30, 2022

Kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pagdukot, tiyak na pagtortyur, at pagpaslang ng mga elemento ng 4th ID kay Pedro Codaste (Ka Gonyong), konsultant sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Pinatay din ang noo’y kasama niya sa tinitirhang bahay na Pulang mandirigma na si Ka Sandro. Ayon sa PKP, pinaslang sila ng berdugong AFP sa pagitan ng Enero 19 at Enero 25.

Ayon sa mga paunang ulat, si Ka Gonyong ay nakahiwalay sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) simula pa Agosto 2021 para magpagaling mula sa iba’t ibang mga karamdaman at tumutuloy sa isang bahay sa Bukidnon. Sugatan at nagpapagaling din ang kasama niyang si Ka Sandro. Naputol ang komunikasyon kay Ka Gonyong noong Enero 19 kung kailan tinatayang dinukot siya ng mga ahente ng militar.

Pinalalabas ni Brig. Gen Oliver T. Vesliño, tumatayong kumander ng 4th ID, na napaslang sa isang labanan si Ka Gonyong noong Enero 21 sa Barangay Kalabugao, Impasugong, Bukidnon. Ayon sa yunit ng BHB na nakasasaklaw sa lugar, walang naganap na engkwentro sa naturang barangay noong araw na iyon.

Si Ka Gonyong ay higit 70 taong gulang na. Mahusay niyang pinagsilbihan ang rebolusyonaryong kilusan nang higit 50 taon, pagbabahagi ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng PKP. Bahagi siya ng unang mga bats ng Pulang mandirigma na nagpanday ng landas ng armadong pakikibaka sa Northern Mindanao at kabilang sa mga nagtayo ng unang mga yunit ng BHB, dagdag ni Valbuena.

“Ang kanyang buong-buhay na pagsisilbi sa masang manggagawa at magsasaka ay habampanahong magbibigay-inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryong mandirigma para magpursigi sa mahirap na landas ng pakikibaka para ipaglaban ang pambansa at demokratikong adhikain ng sambayanan,” ayon kay Valbuena. Idinagdag rin ng upisyal sa impormasyon na si Ka Gonyong ay isang marubdob na mag-aaral at walang-kapagurang guro ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Si Ka Gonyong ay nakulong nang halos anim na taon mula Disyembre 2010 hanggang August 19, 2016. Pinalaya siya para lumahok sa negosasyong pangkapayapaan sa Oslo, Norway. Noon pang Mayo 2017, nang maging mabuway ang usapang pangkapayapaan, nagkaroon na ng banta sa buhay ni Ka Gonyong matapos ilabas ng AFP Eastern Mindanao Command ang atas na “shoot-to-kill” laban sa kanya.

Si Ka Gonyong ang pinakahuli sa mga biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang at likidasyon ng mga rebolusyonaryo, na lantarang paglabag sa internasyunal na makataong batas. Simula maagang bahagi ng 2020, tinatayang hindi bababa sa 15 mga rebolusyonaryo ang pinaslang ng mga ahente ng rehimeng US-Duterte. Kabilang dito ang pinakahuling mga kaso nang pagpatay kina Jorge Madlos (Ka Oris), tagapagsalita ng BHB, na pinaslang kasama ang kanyang medik sa Bukidnon matapos dukutin noong Oktubre 29, 2021, at kumander ng BHB na si Mendanro Villanueva (Ka Bok), na nadakip nang buhay sa isang armadong engkwentro sa Davao de Oro ngunit idineklarang patay ng AFP noong Enero 6.

https://cpp.ph/angbayan/konsultant-ng-ndfp-na-si-pedro-codaste-pinatay-pagkatapos-dukutin-ng-afp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.