Saturday, December 11, 2021

CPP/NPA-ST: Sa armadong rebolusyon, tiyak na maipagtatanggol ang karapatang pantao at makakamit ang tunay na katarungan

Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Dec 11, 2021): Sa armadong rebolusyon, tiyak na maipagtatanggol ang karapatang pantao at makakamit ang tunay na katarungan



ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG

December 11, 2021

Ano pa ba ang masusulingan ng mamamayan kung ang ipinantatapat sa kanilang mga lehitimong panawagan at pakikibaka ay baril, howitzer, killer drones at libu-libong mersenaryong tropang gumagamit ng mga ito? Paano nila mapapanagot ang rehimeng Duterte sa kanyang mga krimen sa bayan at sangkatauhan kung ang reaksyunaryong batas ang mismong ginagamit niya para umiral ang kultura ng impyunidad at patuloy na lapastanganin ang karapatan ng mamamayan?

Sa paglulunsad ng armadong rebolusyon, tiyak na maipagtatanggol at maipaglalaban ng mamamayan ang kanilang mga batayang karapatan. Ang dahas at terorismo ng rehimeng Duterte, sa pamamagitan ng AFP-PNP, ay esensyal upang mapanatili ang kanyang pasistang-paghahari. Ito ang instrumentong ginamit ni Duterte upang mamayagpag ang kanyang gera kontra-droga at itanghal ang sarili bilang numero-unong druglord sa bansa. Ang kanyang gera kontra-droga at mamamatay-taong kalikasan ay nagresulta sa pagkakapaslang ng 30,000 hanggang 35,000 biktima na pawang mga maralita, maliit na drug user-pusher at mga inosenteng sibilyan na nahagip lamang ng mga drug operations ng PNP at PDEA. Ito rin ang batayan ng nakasampang kaso sa International Criminal Court laban kay Duterte.

Sa ilalim ng paghahari ni Duterte, inilunsad ang gera laban sa droga, laban sa rebolusyonaryong kilusan at kontra terorismo na tigmak sa dugo. Nagresulta ito sa paparami at karumal-dumal na mga krimen at mga lansakang paglabag sa karapatang pantao.

Sa Southern Tagalog, tampok sa taong ito ang karumal-dumal na Bloody Sunday na kumitil sa buhay ng siyam na aktibista at lider-masa sa pamamaraang SEMPO noong Marso 7, habang iligal namang inaresto at ikinulong ang ibang lider-masa. Matapos ang Bloody Sunday, walang-awang pinaslang naman ng mga ahente ng reaksyunaryong estado ang lider-unyon na si Dandy Miguel. Pinagbabaril si Miguel habang lulan ng kanyang motorsiklo galing trabaho noong Marso 28.

Minasaker noong madaling araw ng Mayo 21 ang mga aktibista na sina Lowel Riza Mendoza, Christine Estocado at Cristopher Buton sa Brgy. Macabling, Sta. Rosa, Laguna sa reyd na inilunsad ng pinagsamang pwersa ng AFP-PNP. Noong Hulyo 29 naman, pinaslang ng 203rd Brigade at PNP Mimaropa si Salvador “Baduy” Dela Cruz sa Magsaysay, Occidental Mindoro. Si Badoy ay kilalang lider-katutubo sa kanilang lugar at matagal nang pinararatangang tagasuporta ng NPA bago siya paslangin.

Alang-alang naman sa matatanggap na pabuya, iligal na inaresto ng AFP-PNP ang isang nagngangalang Ernesto Panganiban sa Brgy. Lisap, Bongabong Oriental Mindoro. Pinalalabas ng mga pasista na isang mataas na upisyal ng CPP-NPA sa rehiyon si Panganiban na mariin namang pinabulaanan ng CPP-ST.

Bago ito, iligal na inaresto sina Maria Teresa Dioquino, Marlon Torres, Benny Hilamon, at Nolan Ramos o tinawag na Romblon 4, mga mangingisdang dinakip sa Romblon nang masalanta ng bagyo noong Hunyo. Patuloy silang nakapiit at nakararanas ng tortyur sa bilangguan. Dinakip naman ng pinagsanib na 50 pwersa ng PNP-CALABARZON at 2nd Infantry Division ng Philippine Army (IDPA) sina Erlindo Baez, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan-Batangas at Wilfredo Capareño, coordinator ng Anakpawis-Batangas noong Oktubre 6 sa So Sentro, Brgy. Manggalang Uno, Sariaya, Quezon. Sinampahan sila ng mga gawa-gawang kaso at patuloy na binibinbin.

Ilan lamang ito sa mga kaso ng tumitinding paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon. Samantala, nagpapatuloy pa rin ang walang-humpay na mga focused military operations (FMO) na naghahasik ng teror sa pamamagitan ng paggamit ng bata-batalyong tropa ng militar na sumasaklaw ng ilang magkakaratig na bayan at tumatagal ng ilang buwan. Inilulunsad din ang walang habas na pamumutok mula sa mga sasakyang panghimpapawid at mga pambobombang sumasalanta sa mga pamayanan at kabuhayan ng mga sibilyan sa kanayunan ng rehiyon. Sa kabilang banda, ang retooled community support program operations (RCSPO) ay walang ibang layunin kundi ang pananakot at panlilinlang sa mamamayan. Ibinunga ng mga ito ang maramihang kaso ng sapilitang pagpapasuko sa mga inosenteng sibilyan. Ito rin ang dahilan ng pagdami pa ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa kanayunan na bumibiktima sa mga magsasaka, pambansang minorya at maralita.

Sa ganitong kalagayan ng karapatang pantao sa rehiyon at sa bansa sa ilalim ng tiraniko at pasistang rehimeng Duterte, marapat lamang at nasa katwiran ang inilulunsad na digmang bayan ng rebolusyonaryong kilusan at CPP-NPA-NDF. Batayang karapatan ng mamamayan ang mag-aklas laban sa isang gubyernong hindi nagsisilbi sa kanilang interes. Karapatan nilang magtayo ng sarili nilang gubyernong tunay na magpapahalaga sa kanilang kapakanan at kagalingan. At ito mismo ang nasa kaibuturan ng pakikibaka ng mamamayan–ang igiit ang karapatan ng mamamayan para sa kabuhayan at isang makatarungang lipunan.

Sa pamamagitan ng mga inilulunsad na taktikal na opensiba ng NPA, patuloy na binibigwasan ang mersenaryong AFP-PNP na kasangkapan ni Duterte sa kanyang talamak na krimen at atrosidad laban sa mamamayan. Pinapatawan ng rebolusyonaryong hustisya ang mga maysala at may utang na dugo sa mamamayan upang pagbayarin at papanagutin sa kanilang mga krimen. Ngayon ay hindi panahon upang maging kimi ang mamamayan kundi panahon ito ng mas maigting na pakikipaglaban. Sa okasyon ng International Human Rights Day, hinahamon ng Melito Glor Command-NPA ST ang sambayanang Pilipino na tanganan ang armas na kanilang gagamitin para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kamtin ang kanilang mga mithiin at adhikain sa pamamagitan ng makatarungang armadong pakikibaka. ###

https://prwcinfo.wordpress.com/2021/12/11/sa-armadong-rebolusyon-tiyak-na-maipagtatanggol-ang-karapatang-pantao-at-makakamit-ang-tunay-na-katarungan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.