Wednesday, October 6, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Pekeng engkwentro, pantabing ng 94th IB sa sariling kaswalti

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 6, 2021): Pekeng engkwentro, pantabing ng 94th IB sa sariling kaswalti


ANG BAYAN | OCTOBER 06, 2021

Para itago ang pagkatalo ng sariling yunit matapos atakehin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), nagpakana ang 94th IB ng isang pekeng engkwentro sa Sityo Lanap, Barangay Buenavista, Himamaylan City noong Oktubre 1 ng hapon. Iniulat ng militar na nakakumpiska ito ng kagamitan ng BHB sa naturang engkwentro.

“Walang katotohanan,” ito ang saad ni Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng BHB-South Central Negros (Mount Cansermon Command) sa isang pahayag noong Oktubre 4. Ang totoo, apat na elemento ng 94th IB ang nasugatan matapos ang armadong aksyon ng hukbong bayan sa nakahiwalay na pwersa ng 94th IB sa Sitio Kubay-Anahaw, Barangay Carabalan sa parehong syudad umaga ng Oktubre 1.

Sampung minuto ang itinagal ng palitan ng putok at gumamit ang hukbong bayan ng command detonated explosive, dagdag ni Magbuelas. “Ligtas na nakaatras sa paborableng tereyn ang yunit ng hukbo,” ayon sa kanya.

“Tatlong linggo nang nanghahalihaw sa kabundukan ng Himamaylan ang mga sundalo,” sabi ni Magbuelas. “Ginagwardyahan nila ang konstruksyon ng daan na magbubukas sa lugar sa mapanirang pagmimina.”

Bago nito, isang sundalo ng 62nd IB ang napaslang sa operasyong isnayp ng BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) sa detatsment ng militar sa Barangay Budlasan, Canlaon City noong Setyembre 22.

Ayon sa tagapagsalita ng yunit ng BHB na si Ka JB Regalado, tandang-tanda pa ng taumbaryo ang maramihan at sabayang pagpaslang ng 62nd IB sa mga sibilyan sa naturang lugar noong Marso 2019. Dagdag pa niya na bahagi ng pagbibigay-hustisya ang armadong aksyon.

Ipinatupad din noong Oktubre 1 ng yunit ng BHB ang pasya ng hukumang bayan na parusang kamatayan kay Alvino Ejida, isang espiya at tauhan sa paniktik at operasyong kombat ng AFP sa Barangay Gihub, bayan ng La Libertad. Nakumpiska sa kaya ang dalawang maiiksing armas, mga magasin at ilang bala.

Inilahad ng BHB na si Ejida ay isang notoryus na kriminal na sangkot sa ilang kaso ng panggagahasa, pagnanakaw, pang-aagaw ng lupa at pagpaslang sa mga sibilyang residente kabilang sina Rolan Fabellaran, Rolan Paculanang at Mansio Cañete.

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. t other corners of the world. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cpp.ph/angbayan/pekeng-engkwentro-pantabing-ng-94th-ib-sa-sariling-kaswalti/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.