Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 2, 2021): “No vaccine, no entry” patakarang perwisyo sa mamamayan
ANG BAYAN | OCTOBER 02, 2021
Anim na toneladang kamatis ang nabulok noong nakaraang linggo dulot ng pagpatutupad ng lokal na gubyerno ng Ifugao ng patakarang “no vaccine, no entry” sa mga tsekpoynt papasok sa prubinsya. Dahil sa patakaran, hindi makapasok sa prubinsya ang mga mamimili mula sa National Capital Region kaya natengga ang bentang kamatis.
Itinapon o paluging ibinenta na lamang ang nabulok na mga kamatis, sa kapinsalaan ng mga prodyuser nito. Resulta nito, bumagsak ang presyo ng kamatis mula P40 tungong P10 sa Northern Luzon habang sumirit ang presyo nito sa pangunahing mga pamilihan sa Metro Manila.
Ang pagbabawal sa mga di nabakunahan ay laganap sa buong bansa kahit wala itong ligal at medikal na batayan. Sa Metro Manila, may mga barangay na humarang sa mga drayber na nagdedeliber ng pagkain, mga manggagawa at iba pang indibidwal dahil hindi sila nakapagpakita ng katunayang nabakunahan na. Mayroon ding mga ulat na ipinatupad ang katulad na patakaran sa Lapu-lapu City, Masbate at iba pang lugar at binawi na lamang matapos magreklamo ang mga residente.
Ang pagbabawal sa mga di bakunado sa mga lugar at daan sa panahong salat ang suplay ng bakuna at mabagal ang kampanya sa pagpapabakuna ay isang porma ng diskriminasyon sa mga walang akses sa bakuna, hindi pa nakapagpapabakuna o ayaw magpabakuna sa mga dahilan ng relihiyon, moral o pisikal.
Hindi sang-ayon ang World Health Organization, at kahit ang Department of Health, sa mga mungkahing magkaroon ng paghihiwalay sa pagitan ng mga nabakunahan at hindi pa. Kabilang dito ang mungkahi ng negosyanteng si Jose Concepcion III, Presidential Adviser for Entrepreneurship, na magkaroon ng mga “vaccine bubble” sa Metro Manila, kung saan ihihiwalay ang mga bakunado sa di pa nakapagpabakuna sa loob ng mga pagawaan, upisina, mall at iba pang establisimento. Litaw ang diskriminasyon na ito sa mga “promosyon” na nagbibigay ng insentiba at espesyal na pagturing sa mga nabakunahan sa mga mall, restoran at iba pang negosyo.
Mayroon pang isang upisyal ng Department of Interior and Local Government na nagmungkahing “ikwintas” ng lahat ng nabakunhan ang kanilang mga vaccine card, para diumano’y makita agad kung sino ang “mas ligtas” sa mamamayan. Ang hakbang na ito ay paglabag sa karapatan sa pribasiyang medikal, na nagsasaad na ang medikal na kalagayan ng isang indibidwal ay pribado, liban kung boluntaryo niya itong ipahayag.
Ayon sa kinatawan ng WHO sa Pilipinas na si Dr. Rabindra Abeyasinghe, magbibigay lamang ang segregasyon o paghihiwalay ng mga nabakunahan sa di nabakunahan ng “false sense of security” o maling palagay na ligtas na sa impeksyon ang mga nabakunahang indibidwal.
“Nananatiling may risgo ng pagkahawa ang mga nabakunahan na,” aniya. “Kung nahawa ka na, maaari mong mahawa ang iba pa.”
Gayundin, hindi maaaring ilagay sa “bubble” ang Metro Manila habang kulang na kulang at di pantay ang distribusyon ng bakuna sa buong bansa. Milyun-milyon pang mga residente sa mga sakahan sa kanayunan ang hindi naabot ng bakuna.
Tagibang ang distribusyon kahit sa loob ng mga rehiyon kung saan mahigit kalahati ng dumarating na bakuna ay napupunta sa mga syudad habang pinaghahati-hatian ng napakaraming barangay at mas maliliit na lungsod ang natitira. Walang pag-aaral at napakatumal ng testing sa mga lugar na ito kaya walang mapagkatitiwalaang datos ang gubyerno sa lawak at tindi ng pagkalat ng bayrus sa kanayunan.
Noong Setyembre 30, umaabot pa lamang 45.6 milyong Pilipino ang naiulat na nabakuhan ng minimum na isang dosis. Ang 28.2 milyon sa kanila o 62% ay nasa NCR at kalapit nitong rehiyon ng Calabarzon at Central Luzon.
Bagamat nasa 72% na ng mga residente ng NCR ay naturukan ng kumpletong dalawang dosis, wala pa sa 20% ang kalakhan na nabakunahan na mga residente sa maraming rehiyon. Pangalawa sa may pinakamataas na tantos ng buong nabakunahan ang Cordillera Autonomous Region (28.13%), kasunod ang Davao (25.44%), Calabarzon (24.96%) at Central Luzon (22.71%). Pinakamababa ang tantos ng pagbabakuna sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (8.7%), Socksargen (13.9%) at Bicol (13.7%). Ang iba pang rehiyon ay naglalaro sa pagitan ng 15% hanggang 20%.
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. t other corners of the world. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/no-vaccine-no-entry-patakarang-perwisyo-sa-mamamayan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.