Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 26, 2021): Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan! Pagbuklurin ang Sambayanan Upang Wakasan ang Rehimeng US-Duterte!
PATRIA LIBRADASPOKESPERSON
REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNIONS (RCTU)
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
AUGUST 26, 2021
Kasalukuyang nalulugmok ang bayan sa walang-kaparis na krisis at napipinto pa itong lumala sa mga susunod na buwan. Higit 1.87 milyong Pilipino na ang nagkakasakit. Higit 127,000 ang aktibong kaso at hindi bababa sa 32,000 na ang namamatay dahil sa pandemyang COVID-19. Sa kabila ng ipinataw nitong militaristang lockdown ay naitala ang pagpalo ng mga bagong kaso ng COVID-19 na umaabot na sa 18,000 kada araw.
Sa gitna ng pinakamalalang krisis sa kalusugan ay patuloy rin ang pagdausdos ng ekonomya. Paparami nang paparami ang nawawalan ng trabaho at nagugutom habang tumitindi naman ang pasistang paniniil sa karapatan ng mamamayan. Walang ibang dapat sisihin ang mamamayan kundi si Duterte mismo.
Mahigit isang taon na ang lumilipas ay wala pa ring nagbabago sa pagtugon ng rehimeng US-Duterte sa pandemyang COVID-19. Malinaw na wala pa ring komprehensibo at siyentipikong tugon ang rehimen sa krisis. Nanatiling batbat ng kapalpakan, korapsyon at pagpapakatuta sa mga among imperyalista ang tugon sa pandemya.
Habang tumitindi ang krisis ay nagiging mas malinaw sa manggagawang Pilipino na kailangang pagpapatalsik sa papet, pahirap, korap, at pasistang rehimen. Kailangang magpunyagi at ilusad ang papalawak at papalalim na pakikibaka ng masang anakpawis para sa kanilang karapatan at kagalingan. Ilantad at biguin ang papatinding pasistang atake at patuloy na pagpapakatuta ng rehimen sa imperyalismo. Ang natatanging solusyon sa papatinding krisis ay ang pagtahak sa landas ng Demokratikong Rebolusyong Bayan upang ibagsak ang bulok na malakolonyal at malapyudal na lipunan.
Patuloy na Pagkabulok ng Sistemang Pangkalusugan dahil sa Papet na Rehimen
Sa halip na komprehensibong palakasin ang sistemang pangkalusugan ay pinili ng rehimen na sumunod sa dikta ng mga imperyalistang amo nito. Sa simula’t sapul ay wala ibang ginawa ang papet na rehimeng Duterte kundi umasa na lamang sa mga bakuna mula sa ibang bansa. Dahil dito ay sumambulat at lalong sumahol ang mga matatagal nang problema ng sistemang pangkalusugan.
Matatandaang itinago ang tunay na presyo ng mga bakuna gamit ang mga non-disclosure agreements sa pagitan ng rehimen at mga kumpanyang pharmaceutical. Kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ng mamamayan kung magkano ba talaga ang tunay na presyo ng mga ito. Higit P82.5 Bilyon mula sa pambansang badyet pambili ng mga bakuna at hindi naman bababa sa P58.5 Bilyon ang inutang para dito. Tiyak na ginagamit rin ni Duterte at kanyang mga kasapakat ang pondong pambili ng bakuna upang mandambong at magkamal ng yaman.
Sa kabila ng pagpapakatuta ni Duterte ay nanatiling lubhang kulang ang suplay at mabagal ang pagbabakuna sa mamamayan. Nitong Agosto 16 ay nasa 13 milyong Pilipino pa lang ang nababakunahan. Kung mananatiling ganito kabagal ang pagbabakuna ay aabutin pa ng 2023 bago maabot ang sinasabing herd immunity sa Pilipinas.
Ang kriminal na kapabayaan at pagabandona ng estado sa sistemang pangkalusugan ang mga pangunahaing salik kung bakit bigo ang paghahanda sa posibilidad ng panibagong surge sa bansa. Bigo itong palakasin ang kapasidad na masagawa ng genome sequencing upang mabilis na matukoy ang banta ng mabilis na pagkalat ng Delta Variant.
Sa kabila ng walang-humpay na panawagan ng mamamayan at napakataas na positivity rate na 26.1% ay wala pa ring inunlad ang mga contact tracing at mass testing. Nitong Agosto 23 ay nasa 42,596 lamang ang bilang ng mga indibidwal na natest – lubhang malayo sa target ng DOH na 90,000 na testing capacity. Ayon mismo sa datos ng DOH, nasa 17 milyon pa lang ang indibidwal na natest mula sa higit 100 milyong Pilipino. Malinaw na pabalat-bunga lamang ang tugon ng rehimen dito.
Sa kabila ng pandemya at malaking pangangailangan na palakasin ang sistemang pangkalusugan ay nanatili itong mahina, naghihingalo, at lubhang kulang sa pondo. Liban pa sa sobrang-pagsandig sa mga bakuna, matatandaan na malaking parte ng pondo ng estado ay inilaan sa pambayad ng lumulobong utang panlabas, Build-Build-Build, at pasismo. Ang inilaang P19 bilyon para sa NTF-ELCAC at ang P48.5 milyon na pinambili ng bagong armas mula sa Estados Unidos ay nagsisilbing panandang-bato sa prayoridad ng rehimeng US-Duterte sa gitna ng pandemya.
Pandarambong, Kahirapan, at Kagutuman sa Gitna ng Pasistang Lockdown
Walang ibang idinulot ang militaristang lockdown kundi ang mas papatinding kahirapan at kagutuman sa hanay ng mamamayan. Matatandaan na umabot sa 4.14 na milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho nitong Abril 2021 nang huling ipasailalim sa militaristikong lockdown ang NCR. Walang duda na ganito rin ang mangyayari ngayon.
Sa kabila nito ay nanatiling bingi ang rehimen sa panawagan ng mamamayan sa ayudang sapat. Patuloy nitong binabarat ang mamamayan. Malinaw na hindi sapat ang P1000-4000 na ayudang ipinangangalandakan ng rehimen. Lubhang maliit din ang bilang ng mga benepisyaryo nito. Ginagamit pa nito ang mga mapanlinlang na ‘quarantine classifications’ upang hindi na makaiwas sa responsibilidad nito sa mamamayan.
Walang ring ginawa ang rehimen upang tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa sa buong panahon ng pandemya. Nasangkalan ang kanilang seguridad sa trabaho at lubhang sumahol at naging mas mapanganib ang kalagayan ng paggawa sa mga pabrika dahil sa banta ng sakit. Basta na lamang silang isinalang sa panganib at kawalang-siguraduhan.
Parami nang paramin ang mga manggagawang nagkakasakit at nalalagay sa bingit dahil sa kriminal na kapabayaan ni Duterte. Itinulak sila ng rehimen na bumalik sa trabaho maski walang kahit ano mang pananggagalang sa banta ng COVID-19. Para sa rehimen: ang mahalaga ay bumalik sa trabaho ang mga manggagawa kundi ay babagsak ang ekonomya – bahala na kung magkasakit at mamamatay man ang libo-libong manggagawa.
Malinaw na walang malasakit ang rehimen sa ordinaryong manggagawa. Kaya naman wala rin itong naging papel sa paggarantiya ng kanilang kaligtasan. Ang mga benepisyong natatamasa ng manggagawa na nagpapagaan sa kanilang kalagayan ngayon ay produkto ng kanilang pakikibaka para sa karapatan.
Habang walang kaparis ang paghihirap ng sambayanan ay nagpapakabundat naman si Duterte at kanyang mga alipores. Pinuna ng Commision on Audit (COA) ang kalakhan ng mga ahensya ng gobyerno ukol sa mga kahinahinala nitong mga transakyon at hindi paggastos ng pondo para sa mamamayan.
Hindi bababa sa P101.33 Bilyong pondo ng DOH ang dinambong ng rehimen. Kasama rito ang P67.3 bilyon na dapat sanang ginamit para sa pagtugon sa pandemya pati na rin ang 11.9 Bilyong nakalaan para sa hazard pay ng mga health workers na hindi nito binigay. Dagdag rin dito ang P95 milyong halaga ng gamot na nasira at hindi na napakinabangan ng mamamayan dahil sa kapabayaan ng rehimen. Kasama rin ang DOLE sa mga ahensyang pinuna ng COA. Higit P22 Milyong ayuda ang hindi nito pinamigay sa mga manggagawa at OFWs na nawalan ng trabaho ngayong pandemya. Dagdag pa riyan ang hindi maipaliwanag na P50 Milyon. Sa gitna ng mga panawaganang panagutin ang mga korap na opisyal ay nagawa pang ipagtanggol ni Duterte ang kanyang mga kasapakat.
Lubhang nakakagalit na sa gitna ng kagutuman at kahirapang kinakaharap ng mamamayang Pilipino ay walang habas ang pandarambong sa kaban ng bayan. Imbes na ilaan ang lahat ng rekurso ng estado upang tugunan ang pangangailangan ng sambayanan sa panahon ng pandemya, kagutuman, at disempleyo ay mas pinili pa nitong unahin ang korapsyon, pamumulitika, at kontra-mamamayan nitong giyera.
Tumitinding Neoliberalismo sa Panahon ng Pandemya
Nanatili ang pagpapakatuta ng rehimen. Ibinebenta nito ang soberanya at patrimonya ng bayan kapalit ng pabor at tubo mula sa mga amo nitong imperyalista. Higit pa, sinasamantala nito ang krisis upang ilusot ang mga batas na nagpapatindi sa neoliberal na atake sa mamamayan at tintiyak ang papalaking tubo ng mga komprador at multinasyunal na korporasyon.
Ang pagkakapasa ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (Create) Bill ay isa lamang halimbawa nito. Pinapatindi nito ang paghuthot ng yaman sa bansa habang pinapabayaan ang maliliit na negosyante. Layon ng Create na papababain ang buwis ng malalaking korporasyon sa 25% mula sa dating 30%. Pinapayagan rin nito ang National Economic Development Authority (NEDA) na magpataw ng tax exemptions sa malalaking kumpanya. Maaring umabot ng 17 taon na walang buwis ang mga empresang pangexport ng malalaking kumprador sa ilalim ng nasabing batas. Lubhang dadali para sa mga mga multinasyunal na korporasyon at mga malalaking burgesya kumprador na magkamal ng bilyon-bilyong kita.
Kaakibat ng pagkamal ng kita ng malalaking korporasyon ang muling pagpasa ng hirap sa ordinaryong mamamayan. Tandaan na 75% ng kita ng estado ay mula sa buwis na sinisingil sa mga malalaking korporasyon. Dahil sa mga tax exemption na binibigay ng Create ay tiyak na magkukumahog ang rehimen ng pagkukunan ng nawala nitong kita. Ireresolba nya ito sa pamamagitan ng ng mas mataas na mga buwis sa mga konsyumer – isa na namang pasakit sa gitna ng pandemya.
Walang niloloko ang rehimen sa mga hungkag nitong pangako na babangon na ang ekonomya. Nanatiling walang sariling industriya ang bayan at wala rin namang ginagawang pamumuhunan para pasikarin ang produksyon at pagkonsumo. Dahil hindi nagbago ang palpak, papet, at pasistang tugon sa pandemya ay hindi malayong mauulit lang ang karanasan ng 2020 at tiyak na sasambulat ang isang mas malala pang krisis.
Panandalian at mapanlinlang ang sinasabing 11.8% na pagtaas ng GDP ng bansa nitong pangalawang kwarto ng taon. Walang halaga ang sukatang ito sa ordinaryong Pilipino dahil hindi naman nila ito nararamdaman sa kanilang araw-araw na buhay – wala pa ring ayuda, mahal pa rin ang presyo ng mga bilihin, lubhang mababa ang sahod, malaganap ang kawalan ng trabaho.
Sa loob ng mga susunod na buwan ay mas lalo pang titindi ang krisis. Paglaon ay darami ang bilang ng walang hanapbuhay, malulugi at magsasara ang maliliit na negosyo, at titindi ang pagsasamantala sa mga manggagawa.
Matinding Pasismo at Atake sa Kilusang Paggawa
Walang humpay ang pakikibaka ng masang manggagawa sa gitna ng pandemya, tumitinding krisis pang-ekonomya, at mga atakeng neoliberal. Habang patuloy na ginigiit ang pagsasabatas ng pambansang minimum na sahod at tinututulan ang iba’t ibang porma ng kontraktwalisasyon ay ipinaglaban din ng kilusang paggawa ang ayuda para sa mga manggagawa at ang pagtititiyak ng ligtas na kalagayan sa paggawaan.
Imbes na tugunan ang wastong panawagan ng manggagawang Pilipino ay papatinding pasismo ang sinagot ng rehimen sa pangunguna ng NTF-ELCAC at mga berdugo nito. Walang humpay ang isinagawa nitong red-tagging at psyops sa mga unyon, pederasyon, at lider manggagawa.
Ang pinakahuling insidente nito ay ang ginawang panggigipit sa mga manggagawa ng Nexperia sa pangunguna ng NTF-ELCAC. Simula Marso ay walang humpay ang kampanya ng intimidasyon sa mga manggagawa. Makailang-ulit pinupuntahan ang mga lider-unyon sa kanilang mga bahay at pilit na pinapasama sa barangay upang magbuo ng ‘kasunduan’ sa pagitan ng AFP at NTF-ELCAC.
Hindi pa ito ang sukdulan ng pasistang atake sa mga manggagawa. Kahit may pandemya ay walang tigil ang pinaghuhuli at pagsampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga lider manggagawa. Ganito ang nangyari sa tinaguriang HR Day 7 noong Disyembre ng nakaraang taon.
Ang pinakamasahol na atake ay ang traydor at walang-awang pamamaslang sa mga lider manggagawa. Matatandaan na noong Marso 28 ay pinaslang si Ka Dandy Miguel, isang mahusay na lider-unyon at tagapagtaguyod ng karapatan ng manggawa. Naganap ito wala pang isang buwan matapos ang madugong serye ng raid na isinagawa sa PNP sa Timog Katagalugan na tinaguriang Bloody Sunday kung saan hindi bababa sa 9 aktibista ang pinaslang kasama na si Ka Manny Asuncion ng Cavite.
Tigreng papel ang rehimeng US-Duterte. Ang tumitinding pasismo nito ay hindi signo ng lakas kundi senyales ng kahinaan at takot sa uring manggagawa. Desperado ang rehimen na manatili sa kapangyarihan. Alam nitong hindi nito kayang lokohin ang mga manggagawa gamit ang mga hungkag nitong pangako. Habang tumitindi ang pampulitikang krisis ay mas lalong tumitindi ang pagsandig nito sa karahasan at pasismo.
Buuin ang Pagkakaisa ng Mamamayan, Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan
Ang kasalukuyang krisis at ang nagbabadyang pagsahol nito ay bunga ng mala-kolonyal at mala-pyudal na sistema. Ito ang nagluwal ng malawakang pagdurusa, disempleyo, at kahirapan ng milyun-milyong Pilipino. Bilang pangunahing tagapagtaguyod ng bulok na sistema, bigo ang rehimeng US-Duterte na epektibong pamahalaanan ang krisis sa kalusugan at ekonomya.
Halos dalawang taon na ang lumilipas ay wala pa ring iniunlad ang ang kapasidad sa pagharap sa banta ng COVID-19 dulot ng palpak, papet at pasistang tugon nito sa pandemya. Nilulustay nito ang pera ng sambayanan sa gerang walang kapararakan, dinarambong ang kaban ng bayan, at nagpapasa ng mga neoliberal na patakarang lalong nagpapahirap sa mamamayan.
Hindi maaring manahimik ang mamamayan sa harap ng papatinding krisis. Kailangang kumilos at magkaisa ang sambayanang Pilipino upang ang wakasan ang rehimeng US-Duterte at papanagutin sa para sa papet, palpak, korap at pasistang tugon nito sa pandemya!
Isulong, suportahan, at pagbuklurin, ang lahat ng pangekonomikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Dapat buuin at pagbigkisin ng rebolusyonaryong kilusan ng mga manggagawa ang pinakamalawak na pagkakaisa at isulong ang mga demokratikong interes ng mamamayan. Makiisa at gabayan ang inisyatiba ng masa sa pagharap sa kasalukuyang krisis – mula sa iba’t ibang porma ng damayan, pagtatayo ng mga samahang masa sa pinakamaraming lugar tungo sa pagpapanday ng kanilang kamulatan at militansya hanggang kanilang yakapin ang kawastuhan ng pambansa-demokratikong rebolusyon at kawastuhan ng Demokratikong Rebolusyong Bayan.
https://cpp.ph/statements/isulong-ang-demokratikong-rebolusyong-bayan-pagbuklurin-ang-sambayanan-upang-wakasan-ang-rehimeng-us-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.