Sunday, March 7, 2021

CPP/NDF-ST: Pananagutan ni Duterte sa EJK, pilit pinagtatakpan ng ulat ng GRP sa UNHRC

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 2, 2021): Pananagutan ni Duterte sa EJK, pilit pinagtatakpan ng ulat ng GRP sa UNHRC

PATNUBAY DE GUIA
SPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

MARCH 02, 2021



Mariing itinatakwil ng National Democratic Front of the Philippines – Southern Tagalog (NDFP-ST) ang isinumiteng ulat ng GRP sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) hinggil sa mga extrajudicial killings (EJK) na naganap sa madugong gera kontra iligal na droga ng rehimeng Duterte. Malaking kalokohan ang ulat na ito dahil ang mismong gumawa ng “imbestigasyon” ay ang mamamatay-taong rehimen.

Naghuhugas-kamay ang gubyernong Duterte sa isinagawa nitong sariling “imbestigasyon”. Hungkag ang pag-ulat nito sa UNHRC na mayroon itong functioning accountability mechanism. Sa ulat ni Guevarra, nakasaad na hindi naglunsad ng imbestigasyon ang PNP sa mga anomalya sa Oplan Tokhang at Double Barrel Reloaded. Nakontento na ang PNP sa palusot ng mga operatiba na “nanlaban” ang mga biktima.

Hindi naglunsad ang PNP ng kumpletong imbestigasyon sa mga sumusunod:

(a) ang baril na ginamit;

(b) beripikasyon hinggil sa may-ari ng sandata;

(c) ballistic examination o pag-aaral ng lipad ng bala sa lugar na pinangyarihan ng krimen; at

(d) paraffin test o pagsusulit na isinasagawa para malaman kung may ebidensya ng pulbura ang mga salarin.

Sa ulat, isinangkalan ng rehimen ang mga karaniwan at mabababang ranggong pulis at siyang isasakdal at uusigin sa ilalim ng reaksyunaryong batas. Pinagdusa ng rehimen ang mga karaniwang pulis habang pinagtatakpan ang mga utak ng EJK — ang matataas na opisyal ng PNP at si Duterte.

Pinatunayan ng rebelasyon ni Guevarra ang kawalang hustisya sa bansa dahil nagbubulag-bulagan ang hudikatura sa mga prosesong isinagawa ng PNP sa buong apat na taon ng gera kontra iligal na droga. Nalantad lalo ang kainutilan ng sistemang hudisyal ng reaksyunaryong gubyerno para panagutin ang mga tunay na salarin ng EJK sa bansa. Hungkag na idinidiin ng Department of Justice (DOJ) ang mga karaniwang kasapi ng PNP para magsilbing pruweba na may gumaganang sistemang hudisyal sa bansa at pinapanagot ng estado ang mga salarin ng EJK.

Pinagmumukha ng Malakanyang na ang imbestigasyon ng DOJ ay pagbibigay ng katarungan at panagutan sa bayan. Ang totoo, nais lamang ni Duterte na isalba ang kanyang pangalan at ang PNP sa internasyunal na komunidad. Pinalilitaw ng Malacañang na gumagana ang sistema ng hustisya sa Pilipinas upang sagkaan ang proseso ng isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa nakasampang kaso kay Duterte na krimen laban sa sangkatauhan.

Hindi nito nilulutas ang krisis sa karapatang tao sa bansa. Isa rin itong pakana para ilihis ang mamamayan sa tunay na usapin na laganap ang impyunidad at gawing karaniwan ang mga EJK sa bansa.

Samantala, lalong iniinsulto ni Duterte ang mga kaanak ng mga biktima na patuloy na nananawagan para sa hustisya. Higit na ginagatungan lang ni Duterte ang galit ng mga pamilya ng mga biktima, mga simpatisador at kritiko ng rehimen sa kanyang madugong gera kontra iligal na droga. Hindi nila kinakagat ang palabas ng rehimen na pagpapanagot sa mga salarin ng EJK. Patuloy silang nananawagan ng hustisya sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay. Katunayan, dumaraming kaso ang isinasampa sa internasyunal na korte para usigin si Duterte.

Si Duterte ang pangunahing may pananagutan sa malawakang pamamaslang sa ngalan ng gera kontra iligal na droga. Makailang beses siyang nanulsol, nanghikayat at nagpatupad ng malawakang pamamaslang sa mamamayang Pilipino. Higit na dapat na magpursige ang sambayanan para ilantad at papanagutin si Duterte sa malulupit na gera nito sa bayan. Dapat isakdal si Duterte at ang kanyang mga kasabwat sa PNP kagaya ng dating hepe nitong si Ronald “Bato” dela Rosa at pagbayarin sa mga krimen nito sa mamamayan.

Sinusuportahan ng NDFP-ST ang pakikibaka ng mga kapamilya ng mga biktima ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel Reloaded para sa hustisya. Hinihikayat rin ng NDFP-ST ang UNHRC na maglunsad ng hiwalay at nagsasariling imbestigasyon sa krisis sa karapatang tao sa bansa. Hindi bibitawan ng mamamayan ang kanilang pakikibaka para sa katarungan at tiyak na mananaig ang katotohanan.#

https://cpp.ph/statements/pananagutan-ni-duterte-sa-ejk-pilit-pinagtatakpan-ng-ulat-ng-grp-sa-unhrc/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.