Wednesday, December 9, 2020

Tagalog News: 64 na mga dating miyembro ng BIFF nagtapos sa NC II courses ng TESDA

From the Philippine Information Agency (Dec 7, 2020): Tagalog News: 64 na mga dating miyembro ng BIFF nagtapos sa NC II courses ng TESDA (By PIA Cotabato City)

LUNGSOD NG COTABATO, Dis. 7 (PIA)--Abot sa 64 na mga dating mga Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) combatant ang nagtapos kamakailan sa 30 araw na skills development training.

Ang pagsasanay ay naglalayong mapahusay ang dating combatants bilang paghahanda sa kanilang transition pabalik sa buhay sibilyan at maging mas produktibong mamamayan ng Bangsamoro.

Pinangunahan ng Ministry of Interior and Local Government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MILG-BARMM) ang nasabing pagsasanay sa pamamagitan ng proyekto nito na Tulong ng Gobyernong Nagmamalasakit (TuGoN) sa ilalim ng mga programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Ito rin ay sa pakikipagtulungan ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE-BARMM), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP).


Sa kanyang naging pahayag, sinabi ni BARMM Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim na sa tulong ng mga programa ng TESDA, mas malilinang pa ang kakayahan ng mga benepisyaryo at magkakaroon sila ng mas maraming pagkakataong makapaghanapbuhay.

Ang mga nagsitapos ay nakatanggap ng TESDA National Certificate (NC II) sa pagkumpleto ng masonry, carpentry, at plumbing sa Farasan Institute of Technology, Inc., isang paaralan na kaakibat ng TESDA.

Mamamahagi din ang MILG-BARMM ng livelihood package sa mga nagsanay bilang kanilang starter kit. Ito ay upang kanilang magamit sa mga kasanayan na kanilang nakuha sa pagsasanay. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).

https://pia.gov.ph/news/articles/1061169

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.