Tuesday, September 15, 2020

Kalinaw News: IPLS para sa mga katutubong Agta ng San Mariano, Isabela, inilunsad

Posted to Kalinaw News (Sep 15, 2020): IPLS para sa mga katutubong Agta ng San Mariano, Isabela, inilunsad
Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela – Sinimulan na ang tatlong araw na Indigenous People Leadership Summit (IPLS) na may temang “Ating mga Katutubo: Kultura ay ating Linangin at Pagyamanin” na pinangunahan ng 95th Infantry (SALAKNIB) Battalion, 5th Infantry (STAR) Division, katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan sa siyudad ng Ilagan, Isabela noong ika-13 Setyembre 2020.

Layunin ng naturang aktibidad na linangin ang mga kakayahan ng mga katutubong agta para sa kanilang pangkabuhayan at bigyan sila ng kaalaman ukol sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan sa ilalim ng Executive Order #70 o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon kay Dir Demetrio Anduyan Jr., Provincial Director ng Technical Skills Development Authority (TESDA) Isabela, ang naturang leadership summit ay isang napakahalagang pagsasanay upang mapabuti ang pamumuno sa kanya kanyang nasasakupan. Aniya, maraming mga gumugulo sa kaisipan ng mga katutubong agta dahil sa mga mapaglinlang na mga pamamamaraan ng NPA. Kanyang ipinagdiinan na ang tunay na gobyerno ang nagbibigay ng mga oportunidad sa mga nagbabalik loob sa pamahalaan upang magbagong buhay. “Bitawan na ang mga armas at hawakan na ang mga kagamitan ng TESDA dahil ito ang makapagbibigay sa inyo ng kabuhayan,” ang naging pahayag ni Anduyan.

Siniguro naman ni Col Boligo Aggabao, Ret. PA, Municipal Administrator ng Local Government Unit ng San Mariano, Isabela, ang tulong at suporta ng kanilang lokal na pamahalaan sa mga katutubong agta at mananatiling bukas ang kanilang opisina para sa kanila.

Dahil dito, lubos naman ang naging pasasalamat ni Ginang Marites Andana, Federation President ng Agta Community sa bayan ng San Mariano dahil sa ginagawang pagsisikap ng 95IB upang matulungan sila sa kanilang pagbabagong buhay. “Sila ang nagpaparamdam sa amin ng pagmamalasakit upang makamit ang mga pagbabagong ninanais naming mangyari sa aming buhay. Kaya asahan din ng mga kasundaluhan natin ang aming suporta upang labanan ang panlilinlang na ginagawa ng mga NPA sa mga katulad naming Agta.”

Hinikayat naman ni Lt Col Gladiuz Calilan, Battalion Commander ng 95IB ang mga katutubong agta na huwag matakot at mahiyang lumapit sa kanila dahil pantay-pantay lamang ang estado ng bawat isa, sundalo man o kabilang sa IP Community.

Sa naging pahayag naman ni Col Danilo D Benavidez, Brigade Commander ng 502nd Infantry Brigade, sinabi niyang sa pamamagitan ng leadership summit, maaari ng maging tulay ang mga naturang kalahok sa pagsulong ng kapayapaan sa kanilang mga lugar dahil na rin sa kanilang ipinagkaloob na tiwala sa hanay ng kasundaluhan. “Kailangan nating magtulungan upang makamit ang kapayapaan sa ating lugar. At mula sa ating mga lugar, maaari nating maipakalat sa buong probinsya ng Isabela ang inaasam nating kapayapaan sa piling ng tunay na pamahalaan na nangangalaga ng karapatan ng bawat isa sa atin anuman ang ating katayuan o katungkulan sa buhay.”

Sa mensahe naman ni BGen Laurence E Mina, Commander, 5ID, hindi tatalikuran ng gobyerno ang kahit sinumang lumalapit at humihingi ng tulong. Aniya, nakahanda ang hanay ng kasundaluhan katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan upang magbigay ng serbisyo sa mamamayan. “Ang Indigenous People Leadership Summit ay magandang programa upang bigyan halaga ang kultura at tradisyon ng mga katutubo at ang malaking bahaging ginagampanan nila sa lipunan. Ito ay pagkilala hindi lang sa mga katutubo, kundi sa pangkalahatang lahing Pilipino.”

Nasa tatlumpu’t isang mga katutubong agta ang kalahok sa naturang aktibidad na pawang mga dating rebeldeng nagsipag balik loob sa pamahalaan.







[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/ipls-para-sa-mga-katutubong-agta-ng-san-mariano-isabela-inilunsad/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.