KOMITENG REHIYON
TIMOG KATAGALUGAN
COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES
AUGUST 13, 2020
Nagpupugay at iginagawad ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan (KRTK-PKP-MLM) ang pinakamataas na pagdakila kay Kasamang Mario Caraig, isang ulirang komunista, magiting na rebolusyonaryo at martir ng rebolusyon. Inialay nya ang mahigit 36 taon ng kanyang buhay sa pagtataguyod ng interes ng mamamayang api’t pinagsasamantalahan at simulain ng pambansang demokrasya.
Mas kilala si Kasamang Mario Caraig sa tawag na Ka Jethro, Lemuel, Zilong at Igpaw sa mga kasama at masa ng TK. Brutal siyang pinaslang ng mga pasistang militar kahit isa nang hors de combat o wala na sa katayuang lumaban pagkaraang masugatan sa isang labanan noong Agosto 4 at habang nilalapatan ng lunas—isang kaso ng extra judicial killing (EJK) ng pinagsamang pwersa ng 1st IBPA at PNP-Laguna noong madaling araw ng Agosto 8 sa San Antonio, Kalayaan, Laguna.
Magiting at mabuting anak ng lalawigan ng Batangas si Ka Jethro. Ipinanganak siya noong Setyembre 24, 1962 sa bayan ng Nasugbu. Mula pagkapanganak, sa probinsya ng Batangas na siya lumaki, nagkaisip at nag-aral. Dito na din siya namulat sa pangangailangang baguhin ang lipunan sa ilalim ng diktadurang Marcos at kalauna’y niyakap ang rebolusyon, pumaloob sa kilusang lihim at lumahok sa anti-diktadurang pakikibaka. Hindi bababa sa 27 taon ng kanyang 36 na taong rekord sa rebolusyonaryong pagkilos ay iginugol nya sa pagpupundar ng rebolusyonaryong kilusan sa Batangas. Naging kasapi siya ng Partido noong Marso 1987. Dito na din siya nagbuo ng rebolusyonaryong pamilya.
Namulat at naorganisa si Ka Jethro noong 1984 sa panahon ng kasagsagan ng paglaban ng sambayanang Pilipino upang pabagsakin ang noo’y kinamumuhiang diktadurang US-Marcos. Bilang isang relihiyosong protestante, pinangunahan niya ang pag-oorganisa sa kabataang kristiyano at mga pagkilos laban sa diktadura ng panahong iyon. Dahil sa kanyang kasigasigan, naging panlalawigang tagapangulo siya nito sa Batangas at isa sa naging pangunahing opisyal sa antas ng rehiyon. Kalaunan, tumayo siya bilang isa sa lider masa sa hayag na demokratikong kilusang masa sa probinsya. Noong 1985, naging pangkalahatang kalihim siya ng isang progresibong alyansa sa lalawigan ng Batangas. Pinangunahan nila ang mga pagkilos ng mamamayan sa probinsya hanggang sa bumagsak ang diktadurang Marcos.
Ang paglalim ng kanyang paglahok sa anti-diktadura at anti-pasistang kilusan ay ibayong nagbukas sa kanya ng pinto na hindi makakamit ang tunay na panlipunang pagbabago kung hindi sa pamamagitan ng armadong rebolusyon. Nasaksihan nya na ang pagpapalit sa diktadura ng mula sa karibal na paksyon ng naghaharing uri ay hindi makabuluhang bumabago sa api at siil na kalagayan ng masang anakpawis. Nagpapatuloy lamang ang mapagsamantala at mapang-aping sistema sa ilalim ng nagpapalitang paksyon ng naghaharing uri.
Sa buong 36 taon ng kanyang rebolusyonaryong paglilingkod, hindi kinakitaan ng anumang panghihina o pagtigil sa pagkilos si Ka Jethro. Naging bahagi siya sa mga kamalian at paglihis noong huling mga taon ng dekada ’80 ngunit matapat niyang kinilala ang mga pagkakamali at marubdub niyang isinakatuparan ang pagwawasto sa ilalim ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992 hanggang sa mga sumunod na taon.
Mula nang matalaga sa pagkilos sa larangang gerilya sa Batangas noong 1995, ginugol ni Ka Jethro ang mahigit sa 24 taon ng kanyang buong panahong rekord sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa probinsya at mga karatig na lugar.
Isa sa pangunahing namumunong kadre si Ka Jethro sa organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan sa lalawigan ng Batangas. Mula sa pagiging Kalihim at opisyal pampulitika ng isang yunit sa gawaing masa, umangat siya sa katungkulan hanggang maging kalihim ng komiteng larangan, naging pangalawang kalihim ng komiteng probinsya at pagkaraan, naging kalihim nito noong 2017. Siya ang naging tagapagsalita ng Eduardo Dagli Command at nakilala sa pangalang Apolinario Matienza.
Sa kanyang kawalang pagod at mga pagsisikap, kasama ang kapwa niya kadre’t kasapi ng Partido, kumander at mandirigma ng BHB, katuwang ang mamamayang Batangueño, lumawak at lumalim ang rebolusyonaryong baseng masa sa Batangas nang walang kaparis sa kasaysayan nito. Sa kanyang pamumuno, nailunsad at naipagtagumpay ang pakikibaka para sa lupa, kabuhayan, panirikan at karapatan ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawang bukid at iba pang aping uri. Magiting niyang pinamunuan ang pakikibaka ng mga mamamayan laban sa pinakamalalaki at pinakamakapangyarihang burgesya-kumprador at panginoong maylupa tulad ng mga pamilyang Sy, Ayala, Roxas, Ang at Campos. Ang mga ito ang numero unong kaaway ng mga magsasaka’t mangingisda sa lalawigan na pwersahang nagpapalayas, nangangamkam ng kanilang mga lupain at kumikitil sa kanilang kabuhayan.
Sa saklaw ng panahong ito, lumawak at lumakas din ang hukbong bayan at armadong pakikibakang inilulunsad ng NPA sa probinsya ng Batangas. Naisagawa ang mga taktikal na opensiba at iba pang aksyong militar na bumigwas sa kaaway ng mamamayan at nagbigay ng katarungan sa mga biktima ng inhustisya’t pang-aapi ng naghaharing uri. Pinakatampok sa mga ito ang matagumpay na reyd-pamamarusa sa armadong goons at ari-arian ni Henry Sy sa Papaya, Nasugbu noong Enero 29, 2017.
Kaya naman, walang pagsidlan ang galit ng mga naghaharing-uri kay Ka Jethro, sa PKP at New People’s Army na nagsilbing pinuno’t sandigan ng aping mamamayan sa kanilang buhay at pakikibaka. Ilandaang libong ektarya ang sinaklaw ng mga antipyudal na pakikibaka, libu-libong ektarya ang naipagtagumpay at libu-libong mamamayan ang nagtamasa ng mga tagumpay na ito. Upang hadlangan ang mga tagumpay ng kilusang magsasaka, ginamit ang buong makinarya ng panunupil ng reaksyunaryong estado para supilin at wasakin ang rebolusyonaryong paglaban sa lalawigan.
Sa kanyang ipinakitang katatagan, husay at determinasyon, nahalal siya bilang kagawad ng Komiteng Rehiyon sa TK (KRTK) noong 2012 at regular na kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng KRTK noong 2018.
Kilala bilang mabait at magiliw sa mga kasama at masa si Ka Jethro. Madali siyang makapalagayang loob at lapitan hindi lamang ng kanyang kakolektibo kundi kahit ng mga karaniwang kasapi at mandirigma na kanyang pinamumunuan.
Kilala din siya bilang mahusay na propagandista’t ahitador. Marubdub at punong-puno ng ahitasyon kung siya’y magsalita at magpaliwanag sa mga kasama at masa. Palagi niyang inililinaw ang kawastuhan at kahalagahan ng rebolusyon.
Mababa ang loob at mapagpakumbaba si Ka Jethro. Maluwag siyang tumanggap ng mga kapunahan at nagsisikap na maiwasto ang mga kahinaan at kakulangan upang maging karapat-dapat na pinuno at modelong komunista.
Tapat sa Partido, sa rebolusyon at sa interes ng masa si Ka Jethro. Palagi niyang inuuna ang interes ng Partido kaysa sa kanyang pansariling interes. Bukal sa loob na tinatanggap ni Ka Jethro ang mga atas, gawain o disposisyon. Hindi niya alintana ang sakit na hypertension, diabetes at pagiging operado sa slipped disk. Para sa kanya, nakahanda siyang tupdin anuman ang atas ng Partido at saanman siya itatalagang lugar at gawain. Ito ang kanyang panuntunan laluna nang italaga bilang kalihim ng Komiteng Probinsya ng Batangas. Alam niya ang bigat at panganib na dala ng kanyang tungkulin at responsibilidad, ngunit walang pag-aatubili niya itong tinanganan dahil alam niya ang kahalagahan nito sa buong rebolusyonaryong kilusan.
Sukdulan ang galit ng sambayanan at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong TK sa karumal-dumal na pagpaslang kay Ka Jethro ng mga kaaway. Ninanais ng mga kaaway na ganap ng patahimikin si Ka Jethro at maghasik ng sindak sa mamamayan. Hinding-hindi kailanman masisindak ang rebolusyonaryong mamamayan at ang sambayanang Pilipino sa pasismo at terorismo ng rehimeng US-Duterte.
Ang buhay at pakikibaka ni Ka Jethro at iba pang mga kasamang martir ay magsisilbing apoy na magpapaalab sa naghihimagsik na damdamin ng sambayanan upang isulong ang digmang bayan at ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Hindi kailanman magmamaliw ang diwa at alaala ni Ka Jethro. Sa brutal na pagpaslang sa kanya ng kaaway at sa kanyang huling hininga, mananatili siyang buhay sa puso ng mamamayan. Nakaukit sa bawat sulok ng lalawigan ang kanyang kadakilaan, sakripisyo, kawalang pag-iimbot at busilak na paglilingkod sa masa .
Aalalahanin at dadakilain ng sambayanang Pilipino ang buhay at pakikibaka ni Ka Jethro. Sa kabilang banda, lulunurin ng nag-aalimpuyong galit ng sambayanan ang rehimeng US-Duterte, ang kanyang mga kroni at mersenaryo’t pasistang AFP at PNP. Darating ang panahon ng pagtutuos at paniningil. Makakamit ng sambayanan at ni Ka Jethro ang rebolusyonaryong katarungan.
Mabuhay ang alaala ni Ka Jethro!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Digmang Bayan, Sagot sa Terorismo ng Estado!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
https://cpp.ph/statement/ka-jethro-magiting-na-anak-ng-batangas-bayani-at-martir-ng-sambayanan-at-rebolusyong-pilipino/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.