Wednesday, December 11, 2019

CPP/Ang Bayan: KM sa ika-55 taon: Pagbunyi at pagtugon sa hamon

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 7, 2019): KM sa ika-55 taon: Pagbunyi at pagtugon sa hamon



Sa gitna ng pakikibaka laban sa matinding pasismo, kahirapan at kawalang kalayaan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, ipinagbunyi ng Kabataang Makabayan (KM) ang ika-55 taon ng pagkakatatag nito noong Nobyembre 30. Ginunita rin sa araw na iyon ang ika-156 taon ng kapanganakan ni Andres Bonifacio.

Naglabas ng pahayag ang KM na nananawagan sa kasapian nito na paigtingin ang pakikibaka laban sa pahirap, pasista at papet na rehimeng Duterte, at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay.

Binigyang-diin ng KM ang pagsanib sa pakikibaka ng masang manggagawa at magsasaka at pagsulong ng kanilang demokratikong mga kahingian. Kabilang dito ang paglaban sa Batas sa Liberalisasyon ng Bigas, kontraktwalisasyon, deregulasyon ng sahod, programang K-12 at iba pa.

Maliban dito, inihanay din ang mahahalagang tungkulin. Nangunguna rito ang pagbigo sa de facto na batas militar ni Rodrigo Duterte. Dapat ring magpakahusay ang mga rebolusyonaryong kabataan sa teorya ng MLM at magpunyaging isapraktika ito sa pagsusulong ng rebolusyon. Kailangan din ang tuluy-tuloy at agresibong pagrekluta sa mga pamantasan, komunidad, pagawaan, sakahan at iba pa. Dapat na pangunahan ng KM ang programadong pagsanib ng mga aktibista at kadre sa kanayunan para sa rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka.

Sa diwa ng paglilingkod sa sambayanan, buo ang kapasyahan ng KM na sumuong sa rebolusyon at pangibabawan ang mga sakripisyo, tunggalian at alinlangan, alang-alang sa kinabukasan ng bayan.

Nagpahayag din ng pakikiisa ang iba’t ibang tsapter ng KM at kumand ng BHB. Tinuligsa ng KM-NCR ang lagim ng Oplan Kapanatagan at ang pagpapakasasa ng mga burukrata at upisyal ng reaksyunaryong gubyerno. Noong Nobyembre 29, naglunsad ng isang raling iglap sa Recto Avenue, Maynila ang mga kasapi ng KM-NCR.

Raling-iglap din ang ikinasa ng KM-Southern Tagalog bilang pakikiisa sa anibersaryo. Isinagawa ang aksyon noong Disyembre 6 sa UP Los Baños.

Isang bukas na liham naman para sa mga magulang ang inilabas ng KM-Bikol. Binigyang-pugay ng KM ang pagtataguyod ng mga magulang upang humubog ng mga kabataang walang-imbot na nagmamahal sa bayan. Kinilala naman ng KM-Sorsogon ang natatanging papel ng kabataan sa pagtatambol ng mga isyung pambayan.

Sa Negros, nakiisa rin ang kumand ng BHB sa isla at nanawagan sa kabataan na ipagpatuloy ang rebolusyong sinimulan ni Bonifacio. Naglabas din ng pahayag ng pakikiisa ang BHB-North Negros.

Sa panig naman ng NDF-Eastern Visayas, hinamon nito ang kabataan na magkaisa laban kay Duterte, magsabalikat ng mga rebolusyonaryong gawain at lumahok sa paghubog ng kasaysayan.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2019/12/07/km-sa-ika-55-taon-pagbunyi-at-pagtugon-sa-hamon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.