Saturday, July 13, 2019

Tagalog News: Programang 'Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran' inilunsad sa Palawan

Posted to the Philippine Information Agency (Jul 13, 2019): Tagalog News: Programang 'Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran' inilunsad sa Palawan




Pinangunahan ni Col. Gerardo M. Zamudio, Jr., Assistant Chief of Air of Staff ng Civil Military Operation ng Philippine Air Force (PAF) ang paglulunsad ng Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran sa Palawan (UP-UP Palawan). Makikita sa larawan sina (L-R) Asec. Victor Del Rosario ng National Youth Commission, Dir. Eugene Earl, Jr. ng PCOO; John Vincent Fabello, Spokesperson ng PSCD; Col. Zamudio, Puerto Princesa City Council; Jimmy L. Carbonell, CDR; Federico Vicente M. Alcantara IV ng Wescom; LTC Joel R. Jonson at LTC Joseph Marlon Famoso ng NTF-ELCAC. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 10 (PIA) --- Inilunsad ngayon araw ang Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran sa Palawan o UP-UP Palawan sa pangunguna ni Col. Gerardo M. Zamudio, Jr. Assistant Chief of Air of Staff ng Civil Military Operation ng Philippine Air Force (PAF).

Ang programang ito ay bahagi ng UP UP Timog Luzon na ipinatutupad ng PAF bilang pagsuporta sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) partikular sa pagpapatupad ng Executive Order No. 70 na inilabas ng Malacañang kung saan ito ay whole-of-nation approach upang mawakasan ang mga armadong pakikibaka. Isinagawa ito sa Marquez Hall ng Tactical Operation Wing West sa Lungsod ng Puerto Princesa.


“Ito pong project na ito ay nais naming buksan sa Air Force para i-support po ito sa aming unified command sa pagnanais na matulungan naman yong Palawan, na makamit natin yong kapayapaan dito sa lugar na ito, because yong kapayapaan na yan, kapag tayo ay nagtulong-tulong kung gusto nating pitasin ‘yan ngayong taon, kaya nating pitasin yan,” pahayag ni Col Zamudio.

Isa pa sa layunin ng hakbang na ito ng unified command ani Zamudio na mailigtas ang mga kababayan nating namundok o sumapi sa mga makakaliwang grupo tulad ng New People’s Army (NPA) sa pamagitan ng pagtutulungan o pagbabayanihan partikular na ang pagpapa-abot ng mga impormasyon sa ating mga otoridad.

“Ang problema lang ayaw natin sa armado [mga teroristang grupo] pero ayaw natin itong sabihin in public. Ayaw natin itong ipagsigawan, ayaw natin itong ipagmalaki. Dapat, itong paninindigan na ito, dapat ‘yan ay isinisigaw natin ‘yan, pinoproclaim natin, bakit? Kinakailangang i-proclaim natin, para ma-save natin ang buhay ng mga kapatid natin, diyan sa sa kabundukan,” Dagdag pa ni Col. Zamudio.

Binanggit din ni Col. Zamudio na ang kakulangan sa impormasyon ang dahilan kung bakit sila sumasapi sa NPA at namumundok. Naniniwala aniya siya na ang mga ito ay biktima lamang ng maling paniniwala at ang armadong pakikibaka ng mga ito ay walang patutunguhan.

Pinasalamatan naman si Col. Zamudio ang media sa napakahalagang papel nang mga ito sa pagpaparating ng tamang impormasyon sa bawat Palawenyo.

Kasama ni Col. Zamudio sa paglulunsad ng UP-UP Palawan sina Asec. Victor Del Rosario ng National Youth Commission, Dir. Eugene Earl, Jr. ng Presidential Communication Operations Office (PCOO), CDR Federico Vicente M. Alcantara IV ng Western Command U7, LTC. Joseph Marlon Famoso at LTC Joel R. Jonson ng NTF-ELCAC.

Dumalo rin dito sina Dr. Ben Caralde, ang Founder ng Bantay Bayan Foundation, Ernie Alcanzare ng Yes for Peace, Puerto Princesa City Councilor Jimmy L. Carbonell at John Vincent Fabello ang tagapagsalita ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD). (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

https://pia.gov.ph/news/articles/1024433

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.