Friday, July 12, 2019

Kalinaw News: Teroristang NPA patay matapos ipain ng mga kasamahan

From Kalinaw News (Jul 11, 2019): Teroristang NPA patay matapos ipain ng mga kasamahan

Teroristang NPA patay matapos ipain ng mga kasamahan 1

Teroristang NPA patay matapos ipain ng mga kasamahan 3

PROSPERIDAD, Agusan del Sur – Isang di pa nakikilalang miyembro ng New People’s Army ang napatay sa bakbakan sa pagitan ng teroristang grupo at tropa ng pamahalaan sa Barangay Mabuhay, Prosperidad, kahapon ng umaga, Hulyo 10.

Ayon sa ulat ni Captain Michael Clemente, Civil-Military Operations (CMO) Officer ng 3rd Special Forces Battalion (3SFBn) na siyang may sakop sa nasabing lugar, narekober ang bangkay ng rebelde matapos magsagawa ng clearing operation ang mga sundalo sa mismong lugar ng sagupaan matapos ang 15 minutong palitan ng putok.

Walang nakuhang pagkakakilanlan sa bangkay kaya hindi pa matukoy kung sino at saan ito maaring ilagak kaya agad din itong ibinaba mula sa bundok at dinala sa pinakamalapit na barangay. Kasama ng bangkay, nakuha din ng mga kasundaluhan ang isang M16 rifle, isang Improvised Explosive Device (IED), isang backpack na may mga personal na gamit, isang commercial radio, cell phone at galong may lamang 4 na litrong gasolina.

Ayon pa kay Captain Clemente, ang napatay na rebelde ay ginawang pain ng mga kasamahan nya upang hindi masundan at mapigilan ang paghabol ng mga sundalo sa tumatakas na mga terorista.

“Ito ang katotohanan sa loob ng kilusan, na kung saan ang mga pinakamababang miyembro ng NPA ang siyang ginagawang pananggalang at pain ng mga Kumander nila, upang sa ganoon, makatakas at mailigtas nila ang kanilang mga sarili, habang nagsasakripisyo ng sariling buhay ang mga elemento,” ayon kay Lieutenant Colonel (LTC) Joey Baybayin, Commanding Officer ng 3SFBn.

Nangyari ang unang bakbakan kahapon sa parehong lugar bandang alas 8 ng umaga kung saan nagsagawa ng pursuit operation ang mga sundalo matapos ang sagupaan.

Makalipas ang isang araw, muling nagkasagupa ang dalawang grupo na nagresulta sa pagkamatay ng rebelde. “Nakikiramay kami sa pamilya ng napatay na rebelde. Hindi kami nagkulang sa paulit ulit na paalala sa lahat ng natitira pang miyembro ng teroristang NPA na sumuko na at mamuhay ng mapayapa. Kayo ay niloloko lamang ng inyong mga kumander at ginagamit sa personal nilang interes, hindi na para sa kapakanan ng bayan ang inyong ipinaglalaban kundi kayo na ang sumisira nito,” dagdag pa ni LTC Baybayin.

Samantala, ang nasabing operasyon ay isinagawa bilang suporta sa ninanais ng Lokal na Pamahalaan ng Prosperidad, sa pamumuno ni Mayor Frederick Mark Mellana, na paunlarin at palakasin ang turismo sa lugar kung saan matatagpuan ang Bega Falls, upang mabigyan ng sapat na kabuhayan ang komunidad at masigurado ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng turistang bumibisita sa talon.

Sa kasalukuyan, dinala na sa punerarya sa Bahbah, Prosperidad ang nasabing bangkay habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Kapulisan sa pagkakakilanlan ng bangkay at eksaminasyon ng baril at iba pang gamit. Ayon naman kay Colonel Allan Hambala, Commander ng 401st Brigade, hindi na bago ang pangyayaring ito na ang madalas napapatay at minsan pa ay naiiwang sugatan sa engkwentro ay ang mga kabataang miyembro ng kilusan, gaya ng maraming halimbawa ng aktuwal na pangyayari sa Samar, Compostela Valley at Davao, na kung saan ang mga kabataan ang nagiging kawawang biktima.



401st Infantry Brigade, 4rt Infantry Division Philippine Army
Contact: MAJ RODULFO S CORDERO JR (INF) PA
E-mail Address: s7401bde_4id@yahoo.com
Contact Nr: 0917-711-1627

[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace by the Philippine Army. It provides information on the activities of Army Units nationwide in the performance of their duty of Serving the People and Securing the Land. This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City.]

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.