NPA-Laguna propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 7): Walang engkwentrong naganap sa pagitan ng tropa ng NPA-Laguna at PNP! Pekeng balita ang ipinalaganap ng PNP-CALABARZON at SOLCOM-AFP!
Magdalena Kalayaan, Spokesperson
NPA-Laguna
7 May 2018
Press Release
Mariing kinokondena ng Cezar Batralo Command (CBC-NPA-LAGUNA) ang ipinamamalita ng PNP-CALABARZON at SOLCOM-AFP na may naganap na engkwentro sa pagitan ng pwersa ng NPA-Laguna at PNP-4A. Ito ay pawang kasinungalingan at pekeng balita na ipinapalaganap ng PNP-AFP para siraan ang pangalan ng NPA-Laguna.. Walang ni katiting na katotohanan ang pahayag nina Calabarzon police director Chief Supt. Guillermo Eleazar at Army 1st Lieutenant Felise Vida Solano, public information officer Southern Luzon Command (Solcom-AFP) na ang kanilang napatay at nahuli sa Barangay Dambo, Pakil, Laguna noong Mayo 2, 2018 bandang 4:30 ng hapon ay mga kasapi ng NPA-Laguna.
Ang totoo, wala ni isa man sa napaslang at nahuli ay kasapi ng NPA-Laguna. Ang grupo ni Ismael Criste ay hind NPA kundi grupo ng mga sindikatong kriminal na kontrolado ng PNP-AFP. Ginagamit nila ang pangalan ng NPA para kumita at madungisan ang magandang pangalan ng NPA-Laguna. Hindi mangangahas ang grupo ni Ismael Criste na hayagang magdala ng baril sa panahong may COMELEC gun ban kung hindi sila protektado ng AFP-PNP. Alam ito mismo ng PNP at AFP. Ang pinakita ng PNP sa media na mga papel na may letterhead ng NPA ay mga pekeng letterhead na ginawa mismo ng 2nd ID-PA para gamitin sa paninindikato ng mga grupong ginagamit ng AFP-PNP. Maari nilang tanungin si Maj. General Rhoderick Parayno, pinuno ng 2nd ID-PA-AFP at ang dating hepe ng PNP-CALABARZON kung kanino napupunta ang mga nakukulimbat ng grupo ni Ismael Criste at kung sino ang handler nito sa AFP.
Ang totoong nangyari ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang grupo nina Ismael Criste at ang mga nangharang na tropa ng PNP-LAGUNA na nagresulta sa barilan na ikinamatay ni Criste. Sa tiyak ay palihim na nagsisisihan ang PNP-CALABARZON at SOLCOM-AFP sa nangyaring engkwentro dahil mga tauhan nila ang grupo ni Ismael Criste at ginagamit nila para siraan ang NPA. Para mapagtakpan ang katotohanan, pilit nilang idinidikit sa NPA ang grupo ni Criste upang alisin ang duda ng publiko sa nangyaring enkwentro sa pagitan nila. Sinamantala na rin ito para magpapasikat at magpapabango ng pangalan ang bagong talagang Hepe ng PNP-CALABARZON na si Gen. Eleazar at ang bagong Hepe SOLCOM-AFP na si Lt. General Danilo Pamonag sa kanilang pinapakalat na balita kaugnay sa nasabing engkwentro sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng sindikatong kriminal na pinatatakbo ng mga sindikato sa loob ng AFP-PNP mismo.
Sina Gen. Eleazar at Gen. Pamonag ay parehong sanay na tagalubid ng fake news bago pa sila natalaga sa Timog Katagalugan. Si Gen. Eleazar ay sanay magpakalat ng pekeng balita noong Hepe pa siya ng PNP-Quezon City sa kanilang kontra-mahirap na kampanya laban sa droga sa ilalim ng kanilang OPLAN TOKHANG habang si Gen. Pamonag ay beterano ng pagpapakalat ng pekeng balita kaugnay sa pagwasak ng AFP-PNP sa lungsod ng Marawi sa Mindanao. Sa ngayon ay nagkokoro sila para magpakalat ng pekeng balita laban sa NPA-Laguna.
Nagkakamali sina Gen. Eleazar at Gen. Pamonag kung inaakala nila na mapapaniwala at maloloko nila ang taumbayan sa pamamagitan ng fake news. Alam ng mamamayan ng Laguna at mga katabing lalawigan na kailanman ay hindi gawain ng NPA ang paninindikato. Alam nila na mahigpit ang paghawak sa disiplina ng mga pwersa ng NPA para paglingkuran at itaguyod ang interes ng sambayanan. Dapat mariing ilantad at kondenahin ang pekeng balita na pinapalaganap ng PNP-AFP laban sa NPA.
Nanawagan din kami sa mga mamamahayag sa media na sikaping alamin ang tunay na pangyayari sa likod ng mga pahayag sa media ng AFP-PNP upang mapalitaw ang katotohanan at mapanatiling ang ibinabalita sa publiko ay totoo at pawang katotohanan lamang at itakwil ang pekeng balitang ipinapalaganap ng mga alipores ng Rehimeng US-Duterte.
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.