Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 7): 6 na sibilyan, pinatay ng AFP sa Masbate at ComVal
Limang magsasaka, kabilang ang dalawang bata, ang pinatay ng mga nag-ooperasyong sundalo ng 9th ID sa dalawang insidente sa prubinsya ng Masbate noong Abril 15 at 20. Samantala, isang aktibistang Lumad ang muling pinaslang ng mga reaksyunaryong sundalo sa Compostela Valley.
Noong Abril 20, walang habas na pinagbabaril ng mga sundalo ng 3rd Scout Ranger Company sa pamumuno ni Lt. Karlito John Cabillo ang mga kabahayan sa Sityo Lubigan, Brgy. Panan-awan, Cawayan matapos silang magtamo ng mga kaswalti nang maka-engkwentro ang isang yunit ng BHB sa karatig na lugar. Namatay sa naturang pamamaril ang 71 taong gulang na si Lita Villamor Pepito, at dalawa niyang apo na sina Reden Luna, 9 , at Rechillen Luna, 11. Malubhang nasugatan naman ang asawa ni Lolita na si Paulino, 72 taong gulang.
Ayon kay Paulino at sa mga nakasaksi, buhay pa sana ang kanyang asawa matapos tamaan, ngunit nilapitan ito ng mga sundalo at tuluyang pinatay. Iligal ding inaresto ang ilang residente at gabi na nang pinalaya.
Noon namang Abril 15, brutal na pinaslang ng 2nd IB ang magkapatid na sina Titing at Bongbong Tagalog, kapwa magsasakang nakatira sa San Carlos, Milagros, Masbate. Pinatay sa bugbog si Titing habang tadtad naman ng bala si Bongbong.
Ayon pa sa mga residente, nagdudulot ng takot sa kanila ang walang habas na pagpapaputok ng mga sundalo. Karamihan sa mga residente ay umalis na sa lugar dahil sa takot. Noong Abril 16, bandang alas-10 ng umaga, isang sibilyan ang sinita ng mga sundalo, at pinatakbo papalayo habang pinapuputukan.
Iniulat naman ng mga residente sa katabing baryo ng Tigbao ang pagnanakaw ng mga sundalo ng 2nd IB ng mga alagang kambing at manok.
Sa Compostela Valley, pinatay ang aktibista at lider-Lumad na si Federico Pandi Plaza noong Mayo 3, alas-4 ng hapon sa Brgy. Poblacion, Maragusan. Si Plaza ay aktibo sa mga kampanyang agraryo bilang kasapi ng Hugpong sa Mag-uuma sa Walog Com-postela (HUMAWAC).
Bilang lider-Lumad, naging aktibo siya sa matagumpay na pagpa-palayas ng PDOP sa kanilang lugar.
Ayon sa Karapatan-Southern Mindanao Region, si Plaza ang ika-21 biktima ng mga pamamaslang sa mga aktibista sa rehiyon. Itinuturong salarin ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines na tumatarget sa mga lider-magsasaka na aktibo sa mga pakikibakang masa.
Samantala, naglabas ng mga pagbabanta sina Davao City Mayor Sara Duterte at Vice Mayor Paolo Duterte laban sa mamamahayag ng Radyo ni Juan na si Dodong Solis.
Personal na mga atake ang tugon ng magkapatid na Duterte sa mga komentaryo ni Solis hinggil sa tunggaliang agraryo sa pagitan ng mga magsasaka at ng Lapanday Foods Corp. at ng aksyong militar ng BHB laban sa pamilyang Lorenzo.
Nagpahayag ng pagkabahala dito ang National Union of Journalists of the Philippines. Ayon sa grupo, nakakaalarma ang mga atake at pagbabanta ng mga Duterte lalupa’t may rekord si Sara ng pananakit at pagpapahiya sa publiko.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/2017may07-6-na-sibilyan-pinatay-ng-afp-sa-masbate-at-comval/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.