Thursday, May 5, 2016

NDF: Manggagawang Pilipino, magkaisa at makibaka laban sa imperyalismo at pahirap nitong mga patakarang neoliberal!

Posted to the National Democratic Front of the Philippines Website (May 1): Manggagawang Pilipino, magkaisa at makibaka laban sa imperyalismo at pahirap nitong mga patakarang neoliberal!

Pamunuan ang sambayanan sa mga pakikibakang masa at armadong rebolusyon!
Mensahe ng PKP sa Mayo 1, 2016

Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mga manggagawang Pilipino sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa. Ngayong Mayo Uno, patatagin natin ang ating determinasyon sa pagsuong sa malalaking laban ng ating uri at ng buong sambayanan.

Buong tapang nating harapin ang mga pakikibaka para wakasan ang mga pahirap at mapaniil na patakarang neoliberal na bumubundat sa imperyalismo at sa kasabwat nitong naghaharing mga uri at nagpapalubha sa pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawang Pilipino.

Sagadsarin ang mga hakbangin nitong anti-manggagawa: kontraktwalisasyon at pleksibleng mga iskema ng pag-eempleyo, pagbaklas sa minimum na sahod, todo-todong pagbabarat sa sahod at pagbabaklas sa mga pamantayan sa kaligtasan sa pagawaan.

Niyurakan ng mga patakarang neoliberal ang mga saligang karapatang-manggagawa. Ganap nitong binaklas ang karapatan sa regular na empleyo. Ginagamit ang bantang pagsisisante upang supilin ang karapatan sa pag-uunyon, kolektibong pakikipagtawaran at pagwewelga.

Walang patid sa araw-araw ang pagdurusa ng mga manggagawa. Matinding kahirapan at gutom ang bunga ng napakababang pasahod, pumapaimbulog na presyo, kawalan ng empleyo at maya’t mayang pagtatapos ng kontrata sa trabaho (“endo”). Milyun-milyon ang napupwersang maghanapbuhay sa ibayong dagat.

Sa kawalan ng disenteng tirahan, milyun-milyong masang anakpawis ang nagsisiksikan sa mga barungbarong. Walang maayos na patubig, sanitasyon at kuryente. Laganap ang sakit at epidemya. Naghahari ang mga sindikato sa droga at prostitusyon na pinatatakbo ng mga upisyal ng pulis at militar at kapwa nilang mga kriminal na burukratang kapitalista.

Sa ilalim ng neoliberal na patakarang “paghihigpit ng sinturon,” isinasapribado ang pampublikong kalusugan at edukasyon. Kaakibat nito ang pantapal na 4Ps para silawin ang masang anakpawis at gawin silang manhid sa kasamaang hatid ng pagkontrol ng malalaking kapitalista sa mga ospital at paaralan. Kinaltasan ang badyet sa pampublikong serbisyo at dinagdagan ang pondo para sa garantisadong tubo ng mga kapitalistang kasosyo ng gubyerno sa maaanomalyang kontrata sa PPP.

Tulad ng mga manggagawa, nagdurusa sa hirap at gutom ang masang anakpawis sa kanayunan. Laganap ang kawalan ng lupa. Walang tunay na reporma sa lupa. Itinulak ng mga patakarang neoliberal ang komersyal na bentahan sa lupa at ang produksyong pang-eksport. Kaliwa’t kanan ang pang-aagaw ng lupa ng mga asendero at malalaking plantasyon at pagpapalayas sa maliliit na magsasaka at pambansang minorya. Nagdurusa ang masang magsasaka sa usura at microfinance, mababang pasahod sa mga manggagawang-bukid, mababang presyo ng kanilang produkto at kawalan ng pagkakakitaan.

Napakalubha ng hirap at gutom laluna sa mga lugar na dumaranas ng kalamidad ng tagtuyot o salot ng peste. Walang libre at sapat na irigasyon at atrasado ang sistema ng produksyon sa agrikultura. Bingi ang reaksyunaryong gubyerno sa hinagpis ng masang magsasaka at pagtangis ng mga batang gutom sa kanayunan.

Upang panatilihin itong kaayusang neoliberal, ipinapataw ng imperyalismong US ang kapangyarihan nito sa Pilipinas, katuwang ang papet na rehimen. Pinatatag nito angpwersang militar sa pamamagitan ng pagtatayo ng bagong mga baseng militar, pagtatanod ng mga barkong pandigma sa karagatan ng Pilipinas at pagpapalipad ng mga jetfighter sa himpapawid ng bansa.

Sa harap ng krisis at pagpapahirap ng imperyalismo, walang ibang masusulingan ang masang manggagawa at sambayanang Pilipino kundi ang makibaka upang maipagtanggol ang kanilang kagalingan at hangarin para lumaya sa pambansa at panlipunang pang-aapi.

Marapat lamang na humalaw ng aral at inspirasyon sa mayaman na kasaysayan ng pakikibaka ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino. Ngayong Mayo Uno, panghawakan natin ang sumusunod nating mahihigpit na tungkulin:

Buklurin ang malawak na hanay ng mga manggagawa! Bawiin ang organisadong lakas ng mga manggagawa na winasak ng mga atakeng neoliberal. Mapangahas na buuin at palawakin ang mga unyon at iba’t ibang mga samahang manggagawa.

Isulong sa buong bansa ang pakikibaka para sa pambansang minimum na sahod at pagtataas sa arawang sahod ng mga manggagawa at kawani! Makibaka para wakasan ang kontraktwalisasyon at iba’t ibang pleksibleng iskema sa pag-eempleyo. Puspusang isulong ang mga pakikibaka sa antas ng pabrika at interpabrika, o sa mga linya ng industriya. Iluwal ang kilusang protesta, kilusang welga at malawak na kilusang masa sa mga komunidad.

Pamunuan ang sambayanang Pilipino sa kanilang mga pakikibaka laban sa kahirapan, kagutuman at pambubusabos! Tumayo sa taliba ng pakikibaka laban sa liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon, denasyunalisasyon at mga hakbanging nagpapahirap at nang-aapi sa bayan. Pagbayarin ang rehimeng Aquino sa pagpapataw ng mga patakarang neoliberal. Labanan ang hahaliling reaksyunaryong rehimen na magpapatuloy sa mga patakarang ito.

Mahigpit na makiisa sa pakikibaka ng masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at ikawing iyon sa paglaban sa mga patakarang neoliberal at sa imperyalistang pang-aapi at pandarambong.

Tuluy-tuloy na palakasin ang suporta ng mga manggagawa para sa armadong pakikibaka. Itaas ang rebolusyonaryong kamulatan ng masang manggagawa at ikintal sa kanilang kaisipan na tanging sa pagsusulong ng armadong rebolusyon mawawakasan ang naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at matatamo ang hangaring pambansa at panlipunang paglaya.

Magtungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Kailangan ng BHB ng daan-daang mga manggagawa, pati na mga kabataang-estudyante mula sa kalunsuran, para maging mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB. Taglay ng mga manggagawa ang tapang, determinasyon, disiplina, kasanayan, kakayahan at siyentipikong kaalaman at pananaw na kailangang-kailangan ng BHB para sa lalong pagsusulong ng digmang bayan.

Manggagawang Pilipino, magkaisa at makibaka laban sa imperyalismo at pahirap nitong mga patakarang neoliberal!

 Pamunuan ang sambayanan sa mga pakikibakang masa at armadong rebolusyon!

http://www.ndfp.org/manggagawang-pilipino-magkaisa-makibaka-laban-sa-imperyalismo-pahirap-nitong-mga-patakarang-neoliberal/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.