Tuesday, April 28, 2015

CPP/NDF/NPA: Engkwentro sa pagitan ng NPA at AFP: Isa patay, isa sugatan sa hanay ng AFP

NDF/NPA statement posted to the CPP Website (Apr 27): Engkwentro sa pagitan ng NPA at AFP: Isa patay, isa sugatan sa hanay ng AFP

Logo.ndfp
NDFP National Democratic Front of the Philippines
 
Ni ARMINE DE GUIA
Tapagsalita, Apolonio Mendoza Command
NPA Quezon
 
Nagkaengkwentro ang mga pwersa ng 1st Infantry Battalion, Philippine Army-Armed Forces of the Philippines at ang mga kasapi ng Apolonio Mendoza Command (AMC, New People’s Army – Quezon Province) sa Sitio Baybay, Barangay Cagsiay II, Mauban, Quezon, kahapon ng umaga, ika-26 ng Abril 2015. Isang platun ng mga sundalong kabilang sa 1st IB-PA ang nakasagupa ng isang seksyon ng Bagong Hukbong Bayan na kasapi ng AMC-NPA-Quezon bandang alas 9:40 hanggang alas 9:50 ng umaga na nagresulta sa dalawang kaswalti (isang patay at isang malubhang nasugatan) sa hanay ng 1st IB-PA-AFP, habang walang anumang kaswalti sa hanay ng NPA-Quezon.

Bago naganap ang engkwentro ay tuloy-tuloy na naglulunsad ng operasyong military ang mga pwersa ng 1st IB-PA na pumipinsala sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka at ordinaryong mamamayan sa mga bayang saklaw ng Unang Distrito ng Quezon kabilang ang Mauban, Infanta, Real, Heneral Nakar at Atimonan.

Ang engkwentrong ito ay nagpapatunay sa kahandaan at kakayanan ng NPA Quezon na aktibong itaguyod ang interes ng mamamayan at ang kapasyahang lumaban sa mga pwersa ng Rehimeng US-BS Aquino na pinangungunahan ng AFP at Philippine National Police, na nagpapatupad ng mapanupil na OPLAN BAYANIHAN para supilin ang karapatan ng mga mamamayan.

Pagpapatunay din ito na bigo ang AFP sa layunin nitong madurog ang pwersa ng NPA sa lalawigan ng Quezon at sa mga katabing lalawigan. Sa halip na madurog ay namamantini at lumalawak ang impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan sa buong lalawigan. Anumang pagmamayabang ng Southern Luzon Command (SOLCOM-AFP) sa pangunguna ni Gen. Ricardo Visaya na patuloy nilang napapahina ang NPA ay napapasubalian ng mga nagiging resulta ng labanan sa pagitan ng AFP at NPA kung saan ay madalas na talunan ang AFP.

Labis na ikinagalak ng mga mamamayan ng Quezon ang naging resulta ng labanan habang patuloy nilang kinamumuhian ang pwersa ng AFP na patuloy na pumipinsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan tulad ng amo nilang nabubulok at dapat nang patalsikin na si Benigno Simeon Aquino. Dahil tunay na naglilingkod sa samabayan ang BHB ay patuloy itong makakaani ng mas maraming tagumpay, habang ang mersenaryong tropa ng AFP-PNP ay patuloy na magkakamit ng kabiguan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20150427_engkwentro-sa-pagitan-ng-npa-at-afp-isa-patay-isa-sugatan-sa-hanay-ng-afp

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.