Tuesday, July 1, 2014

CPP/NDF-KM: Ikasa ang malawak at masidhing paglaban sa 830% pagtaas ng matrikula sa PUP; Ibasura ang neoliberal na patakaran ng Rehimeng US-Aquino sa edukasyon

NDF/KM propaganda statement posted to the CPP Website (Jul 1): Ikasa ang malawak at masidhing paglaban sa 830% pagtaas ng matrikula sa PUP; Ibasura ang neoliberal na patakaran ng Rehimeng US-Aquino sa edukasyon

Logo.km
Ma. Laya Guerrero
Spokesperson
KM National Executive Committee
 
Naglalagablab sa galit ang mga Iskolar ng Bayan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas matapos matuklasan ang panukala ng pamunuan ng pamantasan na itaas ang matrikula sa P100 kada yunit mula P12 kada yunit. Hindi pa kasama ang miscellaneous fees na aabot sa P3, 000 at iba pang bayarin tuwing enrollment na aabot sa P555. Sumatotal, huhuthot ng halos P5, 655 ang PUP sa bawat estudyante na may kabuuang 21 yunit kada semestre.

Katumbas ito ng pagtataboy ng PUP sa mga anak ng maralitang magsasaka at manggagawa na halos igapang na ang pag-aaral ng kani-kanilang anak, sa panahon na hindi maampat ang pagtaas ng presyo ng batayang bilihin tulad na lamang ng pagkain, habang nakapako sa di-nakabubuhay ang sahod.
Sa isang sulat na pirmado mismo ng presidente ng pamantasan, iginigiit nito sa BOR ang standardization (o pagkakapare-pareho) ng halaga ng matrikula sa mga sumusunod na programa:
  1. Baccalaureate Program: P3, 000 kada semestre;
  2. Associate Program: P1, 500 kada semestre
  3. 3-Year Diploma Program: P250/yunit (hindi pa kasali ang miscellaneous fees)
Kasama rin sa mungkahing maaprubahan ng Board of Regents- ang pinakamataas na kapulungang nagpapasya sa mga polisiya ng pamantasan- ang 830% pagtaas ng matrikula sa mga sumusunod na kampus: Cabigo (Nueva Ecija), Calauan (Laguna), General Luna (Quezon), Pulilan (Bulacan), San Juan City, San Pedro (Laguna), Sta. Maria (Bulacan), at Sta. Rosa (Laguna). Mula sa P12/yunit ang mga estudyante sa mga kampus na ito, kapag naaprubahan, ay magbabayad na ng P100/yunit simula sa susunod na akademikong taon.

Sa kasalukuyan may 4 na mga kampus sa ilalim ng PUP na naniningil nang labis sa P12 kada yunit. Sa Binan, Laguna halimbawa, umaabot ang matrikula sa katakut-takot na halaga ng P5, 000 kada semestre. Sa Bansund, Mindoro Oriental naman, aabot sa P2, 500 kada semestre ang matrikula. Habang ang Parañaque at Sabayan, Mindoro Occidental kampus naman ay naningil ng P1,500 kada estudyante, kada semestre.

Nais di-umano ng pamunuan ng PUP nag awing pare-pareho ang sinisingil na matrikula sa lahat ng pamantasan. May bentahe sa ilang kampus, ngunit mas mapanalasa sa mas marami. Malinaw na ang pakanang standardization na ito ay pagtataas ng matrikula.

Ang mungkahing pagtataas ng matrikula ay kaakibat ng iba pang bayarin tulad na lamang ng SIS fee, PE Uniform fee, at bungkos ng miscellaneous fees na layong paghuthutan ang mga estudyante.

Ang pagkakanlong ni Aquino sa isang kumersyalisadong tipo ng edukasyon ay nagbibigay-katwiran sa di mapatid na lubid ng mga bayarin sa mga pamantasan.

Agad na umalingawngaw ang panawagan para sa protesta sa loob ng PUP at maging sa social networking sites. Ilang mga estudyante ang nagpahayag na handa silang lumaban para panatilihing P12/yunit ang matrikula sa pamantasan.

Agad naman na-depensiba ang pamunuan ng PUP, at naglabas ng pahayag na hindi itataas ang matrikula, sa katunayan, ay ibaba ito sa nasabing mga kampus na labis ang singil sa P12/yunit.

Ngunit hindi ito sapat para maapula ang galit ng mga estudyante. Tuloy ang protesta ng mga Iskolar ng Bayan! Pangunahin para tiyakin na hindi masisilat sa kabataan ang abot-kayang edukasyon na ilang-ulit na nilaban sa mga makasaysayang protesta, ngunit, lalo’t higit para sa malawak na hanay ng kabataang Pilipino na patuloy na nakikibaka laban sa kumersyalisadong tipo ng edukasyon.

Pinanday ang mga Iskolar ng Bayan ng PUP ng mga aral ng kilusang demokratiko simula pa dekada ’70. Sila rin mismo ay nakapagpamalas ng mapagpasyang pagsagupa sa balaking itaas ng 2000% ang matrikula noong 2010. Dumulo ang galit at disgusto ng mga estudyante sa pagsusunog ng mga sira-sirang silya at iba pang bulok na pasilidad ng pamantasan, dahil sawang-sawa na sila sa kapabayaan ng gobyerno sa kabataan. Kinasuhan ang mga lokal na lider estudyante noon, pero hindi ito naging hadlang para lalong sumidhi ang mga protesta hanggang sa ganap na pagtatagumpay nito.

Malinaw na dahil sa matalas na aplikasyon ng linyang masa, nabuklod ang mga estudyante sa iisang panawagan, at iisang disenyo ng paglaban. Kasabay nito, ang libo-libong bilang ng estudyante na napapabatiran ng matalas na pagsusuri laban sa pamamayagpag ng neoliberal na patakaran sa edukasyon. Mahusay ang pamumuno ng mga lider ayon sa ikid ng sitwasyon at maagap na nakikipagkaisa sa malawak na hanay ng estudyante. Nagdisenyo rin ng iba’t ibang mukha at anda-andanang pagpapakilos para mamulat ang marami lalo na ang napanghuhuling bahagi ng populasyon ng estudyante.

Sa pagsisindi sa serye ng protesta ngayong araw, muling hinahamon ang kabataan at Iskolar ng Bayan na matalinong pamunuan ang laban na ito. Ang mahigpit na pagtangan sa linyang masa at estilo ng paggawa na nakaugat sa masa ay pundamental sa inaasam na pananagumpay.

Ang pagsabak sa laban at ganap na pananagumpay ay isang hakbang pasulong sa magiging ambag ng kilusang kabataan at estudyante sa nagpapatuloy at sumisidhing paglaban, paglalantad at pagtatakwil kay Aquino. Malaking ambag ito sa pagsisindi ng dumadagundong na mga kilos-protesta sa lansangan sa batayan ng kataksilan ni Aquino sa kabataan at bayan, sa pananatili nito bilang tapat na tuta ng Imperyalistang Estados Unidos.

 http://www.philippinerevolution.net/statements/20140701_ikasa-ang-malawak-at-masidhing-paglaban-sa-830-pagtaas-ng-matrikula-sa-pup-ibasura-ang-neoliberal-na-patakaran-ng-rehimeng-us-aquino-sa-edukasyon

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.