Wednesday, June 5, 2024

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Magsasakang nag-aasikaso ng kalabaw, pinaslang ng 79th IB

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) PRWC Website (Jun 5, 2024): Magsasakang nag-aasikaso ng kalabaw, pinaslang ng 79th IB (Farmer tending buffalo, killed by 79th IB)
 





June 05, 2024

Apat na tama ng bala ang pumatay sa magsasakang si Jigger Barotolo noong Mayo 30 ng hapon sa Sityo Sangay, Barangay Hilub-ang, Calatrava, Negros Occidental. Binaril siya ng mga ahente ng 79th IB na nagpanggap na mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command). Sa isang pahayag, inilinaw ng BHB-Northern Negros na wala itong kinalaman sa insidente.

Si Barotolo ay ipinatawag ng mga ahente ng 79th IB mula sa pagpapastol ng kanyang kalabaw. Ilang minuto pagkatapos, nakarinig ng sunud-sunod na mga putok ang mga kababaryo.

Bago pa ang insidente, ilang ulit nang ipinatawag sa kampo, ipinailalim sa interogasyon at ginipit ng mga pwersa ng estado si Barotolo. Isinagawa ang panggigipit habang nakapailalim ang Barangay Hilub-ang sa Retooled Community Support Program (RCSP) mula 2019-2022 ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa mga residente, napansin nila sa barangay ang mga aset ng 79th IB na nakasakay sa motorsiklo nang naganap ang pagpatay kay Barotolo. Nakapakat at nag-ooperasyon din ang isang yunit ng 79th IB sa katabing barangay na Macasilao sa panahong iyon.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/magsasasakang-nag-aasikaso-ng-kalabaw-pinaslang-ng-79th-ib/

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Bagong pakat na platung pang-artileri ng AFP sa Northern Samar, maghahatid ng dagdag na perwisyo

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) PRWC Website (Jun 5, 2024): Bagong pakat na platung pang-artileri ng AFP sa Northern Samar, maghahatid ng dagdag na perwisyo (New AFP artillery platoon in Northern Samar, will deliver additional supplies)
 





June 05, 2024

Ipinadala ng Armed Forces of the Philippinse (AFP) sa Northern Samar noong Mayo 31 ang isang platung pang-artileri mula sa 3rd Field Artillery Battery. Tulad sa nakaraan, walang ibang hatid sa masang magsasaka at karaniwang mamamayan ng Northern Samar ang yunit na ito kundi karagdagang perwisyo at pag-ibayo ng terorismong militar.

Ang platun ay dating nakatalaga sa Capiz sa ilalim ng 3rd ID. Mayroon itong dalawang howitzer tubes na may siyam na tauhan. Ayon sa AFP, magiging katuwang ang yunit ng Joint Task Force Storm at 8ID para tuluyang gapiin ang rebolusyonaryong kilusan sa Eastern Visayas. Ipapailalim ang platun sa 803rd IBde.

Sa seremonya ng pagtanggap sa platun, ipinahayag ng hepe ng 8th ID na si Col. Cesar Molina na kumpyansa siyang labis na makatutulong ang yunit sa pagsustine sa mga “tagumpay” ng tropa ng gubyerno laban sa mga “lokal na komunista.”

Sa totoo, pangunahing target ng militarisasyon ng 8th ID sa Northern Samar ang mga sibilyang komunidad at mga magsasaka. Sa huling ulat mula sa prubinsya, paparami ang bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa harap ng walang-tigil na mga operasyong kombat ng 20th IB dito.

Sa bayan ng Las Navas, nagpaputok ng baril ang mga lasing na sundalo sa Barangay San Francisco noong Abril 9. Sa Barangay San Miguel, nagpaputok ang mga sundalo ng mortar nang bandang alas-11 ng gabi noong Marso 12 malapit sa mga kabahayan.

Sa Catubig, tinutukan ng baril at minolestiya ng isang elemento ng CAFGU, at isa pang sundalo, ang isang 15-taong-gulang na batang babae na pauwi mula sa isang sayawan sa Barangay Hinagonoyan noong Abril 12.

Samantala, patuloy na pinagbabawalan ng 20th IB ang mga magsasaka sa lahat ng barangay na sakop ng mga operasyong kombat nito na magdala ng bigas o anumang iba pang pagkain sa kanilang mga sakahan. Kinokontrol din ng mga sundalo ang galaw ng mga magsasaka at nagpapataw ng curfew.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/bagong-pakat-na-platung-pang-artileri-ng-afp-sa-northern-samar-maghahatid-ng-dagdag-na-perwisyo/