Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 2, 2021): Itigil ang terrorist-tagging sa mga peace consultant ng NDFP! Ibasura ang ATL!
PATNUBAY DE GUIASPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
JUNE 02, 2021
Mariing kinokondena ng NDFP-ST ang terrorist listing ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa 19 na diumano’y kasapi ng CPP, kabilang ang mga peace consultant ng NDFP. Hindi ito makatarungan at dapat itakwil ng mamamayan dahil humahadlang ito sa panunumbalik ng usapang pangkapayapaan sa bansa. Isinasapanganib din nito ang buhay ng mga peace consultant at iba pang personahe ng NDFP.
Garapalan ang pagiging kontra-kapayapaan ni Duterte. Imbing pakana ang terrorist-tagging sa mga peace consultant ng NDFP upang sagkaan ang mga pagsisikap ng mamamayan na lutasin sa pamamaraang pulitikal ang ugat ng limang dekadang armadong tunggalian sa bansa. Bago ito, arbitraryong iniutos ni Duterte sa GRP peace panel na itigil na ang usapang pangkapayapaan. Itinalaga niya pa ang militaristang heneral na si Carlito Galvez sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP). Hinayaan din niyang isabotahe ito ng mga kontra-kapayapaang sina Lorenzana, Esperon at Año at ipinagpatuloy ang mga operasyong militar at pulis ng AFP-PNP sa gitna ng umiiral na tigil-putukan sa pagitan ng GRP at CPP-NPA-NDFP. Nagpapatuloy pa ang pagpaslang at pang-aaresto sa mga consultant ng NDFP sa kabila ng proteksyong iginagawad sa kanila ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG).
Ang terrorist listing sa mga peace consultant ng NDFP ay umaayon sa kumpas ng imperyalismong US. Hindi nanaisin ng imperyalismong US, kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri na matuloy ang usapang pangkapayapaan at humantong sa pampulitikang pagkakasundo na papabor sa pambansa at demokratikong interes ng mamamayan. Ilang beses na nitong sinabotahe ang usapan sa katauhan ng tatlong ahente nito na sina Lorenzana, Esperon at Año. Nais nilang panatilihin ang paghahari ng US sa bansa at mga lokal na oligarko, pangalagaan ang kanilang makauring interes at ipagpatuloy ang kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Walang batayan ang teroristang paratang ng ATC. Nilalayon lamang nitong pasamain ang imahe ng rebolusyonaryong kilusan sa mamamayan. Ang CPP-NPA-NDFP ay isang lehitimong pwersang belligerent, isang rebolusyonaryong organisasyong nagsusulong ng dakila at makatarungang pakikibaka para sa panlipunang pagbabago. Mahigpit din nitong itinataguyod ang mga umiiral na International Humanitarian Law (IHL) at iba pang internasyunal na makataong batas sa digma. Kinikilala at mahigpit na tumatalima ang CPP-NPA-NDFP sa 1977 Protocol I at II ng 1949 Geneva Convention at iba pang internasyunal na tuntuning nagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan at hindi kalahok sa digmaan at ang makataong pagtrato sa mga nakikidigmang pwersa ng estado na nabibihag at nasusugatan sa labanan.
Taliwas sa paratang ng rehimen, ang mga NDFP consultant ay mga peace advocate o nagsusulong ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga substantibong adyenda at programa na komprehensibong tumutugon sa sosyo-ekonomiko at pulitikal na adhikain ng sambayanang Pilipino upang wakasan ang ugat ng armadong labanan sa bansa. Sa usapang pangkapayapaan, naipagtagumpay ng NDFP ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHIHL) para pangalagaan ang karapatang tao ng mga kalahok at apektado ng digmaang sibil sa Pilipinas. Kinilala at pinagtibay ito ng dalawang panig. Bago mahinto ang usapang pangkapayapaan, iginigiit ng NDFP ang pagpirma sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) na tutugon sa mga pang-ekonomiko at panlipunang pangangailangan ng mamamayan. Sa ganoon, dalisay ang hangarin ng CPP-NPA-NDFP na kamtin ang tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan para sa mamamayan.
Ang totoong terorista ay yaong gumagawa ng malawakan, sistematiko at karumal-dumal na mga krimen sa sangkatauhan tulad ng rehimeng US-Duterte. Katunayan, isinabatas nito Anti-Terror Law (ATL) upang balutan ng ligalidad ang terorismo ng estado at takasan ang pananagutan sa mga brutalidad at krimen nito laban sa mamamayan. Instrumento din ang ATL laban sa mga itinuturing ng rehimen na “kalaban ng estado” kagaya ng mga NDFP peace consultant, mga aktibista’t progresibo, kritiko at ligal na oposisyon.
Sa kasalukuyan, kinakaharap ng mamamayan ang laganap na impyunidad at kawalan ng respeto sa proseso, panuntunan at alituntunin alinsunod sa prinsipyo ng rule of law na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng GRP at internasyunal na makataong batas. Inaatasan at iniengganyo pa ni Duterte na pumatay ang AFP-PNP, ang pribadong death squad nito. Mahigit sa 30,000 ang biktima ng extrajudicial killings (EJK) kabilang ang mga pinaghihinalaang adik at tulak ng droga, mga lider-masa, aktibista at mga kritiko ng rehimen. Hindi rin mabilang ang iba pang mga paglabag ng rehimen sa karapatang tao gaya ng iligal na pang-aaresto, pagdukot, pagpapahirap, pananakot, panghaharas at intimidasyon, panggagahasa, sapilitang pagbabakwet, economic and food blockade at iba pa. Marami ring kaso ng pagpaslang sa mga hors de combat sa hanay ng rebolusyonaryo at nakikidigmang pwersa, malinaw na paglabag sa IHL at iba pang mga batas at tuntunin sa pakikidigma.
Hindi mapipigilan ng terrorist-tagging at iba pang mga panggigipit ng rehimen ang NDFP na tupdin ang tungkulin nitong buklurin ang sambayanan laban sa teroristang estado. Patuloy na lalaban ang mamamayan para sa kanilang mga demokratikong karapatan. Suklam na suklam na ang mamamayan sa hibang na anti-komunistang panunugis ng rehimen. Kinokondena nila ang malawakang red-tagging at terrorist-tagging sa kanilang hanay. Lumalakas ang panawagang ibasura ang ATL at tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC.
Nananawagan ang NDFP-ST sa mga mapagmahal sa kapayapaan na labanan at kondenahin ang terrorist-listing sa mga peace consultants at iba pang kasapi ng CPP-NPA-NDFP. Iginigiit din ng NDFP-ST na dapat tanggalin ng US, New Zealand, Australia, UK at European Union ang CPP-NPA-NDFP sa listahan nito ng mga teroristang organisasyon.
Lalong lumilinaw ang pagiging makatarungan ng paglulunsad ng rebolusyon ng mamamayan. Ang tunay na kapayapaan ay makakamit lamang sa pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon. Kailangang paigtingin ng mamamayan ang kanilang pakikibaka para ipagwagi ang digmang bayan. Sa pagbagsak ng teroristang rehimen, itatayo ang tunay na gubyerno ng mamamayan na magtatanggol sa interes ng bayan at magtataguyod sa kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.###
https://cpp.ph/statements/itigil-ang-terrorist-tagging-sa-mga-peace-consultant-ng-ndfp-ibasura-ang-atl/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.