Sunday, June 6, 2021

CPP/NDF-Southern Tagalog: Singilin ang GRP sa paglapastangan sa karapatan ng batang si MJ at ng mga kabataan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 2, 2021): Singilin ang GRP sa paglapastangan sa karapatan ng batang si MJ at ng mga kabataan!

PATNUBAY DE GUIA
SPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

JUNE 02, 2021



Mariing kinukundena ng NDFP-ST ang pagdukot ng AFP-PNP noong Mayo 12 sa apat (4) na taong gulang na si MJ, anak ng isang detenidong pulitikal sa Oriental Mindoro. Marapat na panagutin ang mersenaryong tropa ng 203rd Brigade sa ilalim ni Col. Augusto Villareal na nagsagawa ng marahas na pagdukot sa bata. Sa kanilang ginawa, pinatotohanang walang ligtas, maging bata, sa terorismo ng rehimeng Duterte.

Malinaw ang mga paglabag sa karapatang tao sa operasyon ng AFP-PNP noong alas-7 ng gabi ng Mayo 12 sa Rizal, Occidental Mindoro. Nilusob ng mga pasista ang tirahan ng mga tagapangalaga ni MJ na pamilyang Fernandez at sapilitang kinuha ang bata. Tinutukan ng baril ang mag-asawa at tinakot ang kanilang mga anak na panay mga menor de edad. Halos sagasaan ng sasakyan ng 203rd Brigade ang mga naghahabol na mag-asawa. Nilabag nila maging ang batas ng GRP na RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004.

Dinamay rin ang buong komunidad sa pandarahas. Pinatay ang ilaw sa mga bahay habang nag-iikot sa baryo ang mga sundalo. Walang kahihiyang nagkunwari ang mga pasistang sundalo na NPA para mahanap at mapasok ang tirahan ni MJ.

Nakasusuklam ang pangyayari lalupa’t may kaugnayan sa kontra-rebolusyonaryong kampanya ng rehimen ang pagdukot kay MJ. Si MJ ay anak ni Emilia Marquez, isang health worker na inakusahan ng rehimeng Duterte na kasapi ng NPA kahit na wala namang katibayan, at sa bisa ng gawa-gawang kaso at mga tanim na ebidensya ay ipiniit sa loob ng apat na taon. Pati ama ni MJ ay ginawang wanted ng AFP-PNP kaya’t naiwan ang bata sa pangangalaga ng mga Fernandez.

Ngayon, gusto ng AFP-PNP na gamitin si MJ para ipresyur si Marquez na sumuko o maging bahagi ng kanilang itim na propaganda laban sa CPP-NPA-NDFP. Napakarumi, napakababa at napakawalanghiya ng rehimen sa paggamit ng ganitong mga iskema laban sa mga detenidong pulitikal at mga aktibista na nais nilang bitagin.

Ipinapakita nito ang patakaran ng estado na pag-atake sa mga walang kalaban-laban, inosente at musmos tulad ni MJ. Wala ring armas ang mga Fernandez, subalit sa kanilang pagmamahal sa bata ay matapang na hinarap ang mga sundalong animo’y may kaharap na mga kriminal sa tindi ng kanilang kondukta. Malinaw ang intensyon ng 203rd Brigade na magtanim ng teror sa komunidad.

Ang kalupitan kay MJ ay hindi isang hiwalay o bagong insidente ng paglapastangan sa karapatan ng mga bata ng reaksyunaryong estado. Isa rito ang pagkidnap ni Gen. Alejandro Galido ng SOLCOM sa limang taong gulang na si Andrea, panganay na anak ni Gregorio “Ka Roger” Rosal noong 1988. Desperado si Galido na patahimikin si Ka Roger na noo’y tagapagsalita ng NPA-Southern Tagalog.

Maging ang anak ni Andrea ay naging biktima din ng kalupitan ng estado. Dinakip si Andrea nong 2014 habang nagbubuntis at pinagkaitan ng atensyong medikal nang ikulong, dahilan para mamatay ang kanyang anak isang araw matapos isilang. Sa ilalim naman ni Duterte, namatay ang sanggol na si Baby River matapos siyang ihiwalay sa kanyang ina na si Reina Nasino na iligal ding inaresto at ikinulong.

Wala ring pakundangan ang AFP-PNP sa paglapastangan sa kapakanan ng mga batang anak ng mga lider ng mga organisasyong masa na tinatakan nilang “terorista”. Nitong Marso lamang, natrauma ang 10-taong gulang na anak ng mag-asawang Chai at Ariel Evangelista na mga biktima ng Bloody Sunday nang masaksihan niyang paslangin ang mga magulang sa loob ng kanilang bahay sa Batangas. Ganito rin ang nangyari sa magkakapatid na Albarillo na saksi sa pagpatay sa kanilang ama at ina sa Oriental Mindoro noong Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Arroyo.

Lahat ng ito’y pruweba na hindi tumatalima ang GRP sa pinirmahang 1990 Convention on the Rights of the Child ng United Nations. Taliwas din ito sa kasunduan ng NDFP at GRP na pangangalaga sa karapatang tao ng lahat kabilang ang mga bata sa ilalim ng CARHRIHL. Sa kabilang banda, kinikilala at ginagalang ng NDFP ang 1990 Convention on the Rights of the Child ng United Nations. Higit pa rito, sa sariling Declaration and Program of Action for the Rights, Protection and Welfare of Children ng NDFP na inilabas noong 2012, nakasaad ang pinakamataas na pagpapahalaga ng rebolusyonaryong kilusan sa kapakanan at kagalingan ng mga bata.

Kailangang ilantad ang kalupitan at kawalang respeto ng GRP sa karapatan ng mga bata sa harap ng pagkukunwa nitong pinangangalagaan ang mga kabataan. Kailangang punitin ang mga kasinungalingan nito at pagbabaliktad sa katotohanan—sa kaso ni MJ, ang pagpapalabas ng AFP-PNP na sila ang nagbalik sa bata sa kanyang ina gayong sila nga ang naglayo sa dalawa nang ikulong nila si Marquez.

Dapat ding singilin ang GRP sa pagpapabaya sa mga kabataan at pagsira sa kanilang kinabukasan. Inutil ito sa paglutas sa lumalalang kagutuman na tiyak na nagpapahirap sa mga bata. Pati mga community pantry na takbuhan ng mga nagugutom na maralita ay ginigipit. Niyuyurakan din ang kagustuhan at karapatan ng mga batang makapag-aral sa pagtanggi nitong muling buksan ang mga paaralan. Dagdag pahirap ang ipinalit nitong blended learning sa face to face classes na humantong pa nga sa ilang kaso ng nagpakamatay na mga estudyanteng hindi makaangkop sa bagong moda ng pag-aaral. Wala rin itong pagsasaalang-alang sa mga batang nagbabakwit dahil sa walang tigil na pambobomba, panganganyon at panghahalihaw ng AFP-PNP sa ngalan ng kontra-rebolusyonaryong gera.

Kung mananatiling ganito ang takbo ng lipunan, hindi maiiwasang maaga pa lang ay mamulat na ang mga kabataan sa pangangailangan ng armadong rebolusyon. Hindi rin sila masisisi kung matutong lumaban at kamuhian ang AFP-PNP bunsod ng mga atrosidad. Si Andrea Rosal, na bata pa nang maranasan ang kalupitan ng militar, ay nag-armas at sumapi sa NPA. Dito, nag-ambag siya sa pagtatatag ng isang lipunang tunay na kakalinga sa mga bata at maghahanda ng maaliwalas na hinaharap para sa kanila.

Sa harap ng kapalaluan ng GRP, makakaasa ang mamamayan na itataguyod ng rebolusyonaryong kilusan ang karapatan ng mga bata. Nangangako rin ang NDFP-ST na walang pagod nitong ipagtatanggol ang karapatan ng mga bata laban sa pang-aabuso ng GRP. Iimbestigahan nito at ilalantad ang mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata. Gagawin nito ang buong makakaya upang panagutin ang mga salarin kabilang ang mga pasistang sundalo at mga heneral na sangkot sa pagdukot kay MJ.###

https://cpp.ph/statements/singilin-ang-grp-sa-paglapastangan-sa-karapatan-ng-batang-si-mj-at-ng-mga-kabataan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.