Sunday, April 23, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Konsultant ng NDFP sa Negros, sadyang pinatay

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Apr 23, 2022): Konsultant ng NDFP sa Negros, sadyang pinatay (NDFP consultant in Negros, deliberately killed)




April 23, 2023

Buong kasinungalingang ibinalita ng 3rd ID noong Abril 22 ang diumano’y pagkapaslang ng kanilang tropa kay Rogelio Posadas sa “serye ng mga labanan” sa madaling araw ng Abril 20 sa pagitan ng 94th IB at “20-kataong tropa” ng Bagong Hukbong Bayan sa mga barangay ng Isabela, Negros Occidental. Konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Negros si Posadas.

Isang malaking palabas ang salaysay na ito. Ayon sa mga residente ng mga barangay Camang-camang at Santol, walang naganap na mga engkwentro sa kanilang lugar. Bagkus, nasaksihan nila ang walang patumanggang pagpapaputok ng mga sundalo sa kung saan-saan, kabilang sa mga tubuhan at sementadong mga daan. May mga ulat pang lasing ang mga sundalong nagpapaputok na animo’y mga ekstra sa isang maaksyong pelikula. Wala ring engkwentro sa Sityo Cabite sa Barangay Santol kung saan lumapag pa ang isang helikopter. Nakunan ng mga residente ng bidyo at litrato ang ilan sa mga pangyayari dito.

Mula pa Abril 10 okupado ng militar ang nabanggit na mga barangay. Nakatayo ang mga tsekpoynt sa mga daan at sa gitna ng kabahayan kung saan gabi-gabing nagkakaraoke at naglalasing ang mga sundalo. Noong nakaraang linggo, naiulat ang isang insidente ng walang patumanggang pagpapaulan ng bala sa Barangay Pallacon kung saan tinamaan ang isang kalabaw. Dahil sa pagdumog ng mga sundalo, isinuspinde ng isang araw ang klase sa ilang paaralan dito noong Abril 12.

Noong Abril 21, iniulat ng National Democratic Front (NDF)-Negros Island na posibleng dinukot ng mga ahente ng estado si Posadas habang papalabas sa kinordong mga barangay noong gabi ng Abril 19. Bumyahe si Posadas, kasama si Ka Mikmik sakay sa dalawang motorskilo mula sa Isabela nang alas-6 ng gabi. Hindi nakaabot sa patutunguhan si Posadas at kanyang kasama. Hindi rin nakauwi sa kanilang mga bahay ang dalawang drayber ng inarkilang motorsiklo.

Sa pahayag ni Ka Bayani Obrero, tagapagsalita ng NDF-Negros, sinabi na nitong may dahilan para paniwalaang dinukot ng militar si Posadas at ang kanyang tatlong kasama habang nasa daan. Sa araw na iyun, nanawagan siya sa militar na ilitaw si Posadas at talo pa at igalang ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng internasyunal na makataong batas.

Giit noon ni Obrero na dapat kilalanin ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas sina Posadas at ni Ka Mikmik bilang mga bihag ng digma sang-ayon sa mga kasunduang pinirmahan nito at ng NDFP na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan, gayundin ang karapatan ng mga drayber bilang mga sibilyan. Marami nang pagkakataong pinalalabas na napaslang sa mga pekeng engkwentro ang mga nadadakip na rebolusyonaryo para pagtakpan ang sadyang pagpaslang ng mga wala sa katayuang lumaban.
Mga sibilyang drayber

Kabi-kabila ang panawagan ng grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement South Negros at mga kaanak ng dalawang drayber na inarkila nina Posadas na ilitaw ang mga ito. Kinilala ang dalawa bilang sina Renel Delos Santos, 21, at Denald Mialen, 18, kapwa residente ng Barangay Talaptap, La Castellana, Negros Occidental. Si Delos Santos ay mayroong asawa at isang anak na 10 buwan pa lamang.

Labis ang pag-aalala ng kanilang mga magulang sa dalawang drayber dahil ilang araw na ay hindi pa rin natutunton ang mga ito. Dumulog na ang mga kaanak ng dalawa sa mga lokal na midya para ipabatid ang pagkawala ng dalawa. Nag-ulat na rin sila sa mga pulis.

Paliwanag pa ng pamilya ni Delos Santos, pumayag silang maghatid sa nag-arkila dahil sa “pangangailangang pinansyal para makasustento sa pamilya kahit pa malayo ang kanilang pupuntahan.”

Libu-libo na ang nagkomento at nagpabatid ng pag-aalala sa pagkawala ng dalawa sa mga social media post ng kanilang mga kaanak.

Alinsunod sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng GRP at NDFP, nakasaad sa Ika-4 na Bahagi, Artikulo 4, Numero 4 niti: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin.”

https://philippinerevolution.nu/angbayan/konsultant-ng-ndfp-sa-negros-sadyang-pinatay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.