Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 7, 2021): Pondo sa kontra-insurhensya, winawaldas
Isa sa madaling mabatid sa inilabas na ulat ng Commission on Audit (COA) ang kriminal na pagprayoridad ng rehimeng Duterte sa sektor ng depensa at gera kontra-insurhensya sa gitna ng matinding krisis pangkalusugan. Liban sa napakalaking pondong hindi pa natutuos ng militar at pulis, sunud-sunod na ibinunyag ng COA ang iligal na pagkopo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng milyun-milyong pondo mula sa ibang sibilyan na ahensya.
Noong ikalawang linggo ng Hulyo, nalantad ang anomalya sa bilyun-bilyong pondong inilaan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) nang kastiguhin ng COA ang bigong paggamit ng mga ito sa ₱9.4 bilyong pondo para sa mga kontrata at proyekto. Nilantad ng COA na mayroong 41 proyekto ang AFP at PNP na nagkakahalaga ng ₱6.8 bilyon ang hindi natapos sa takdang panahon, habang siyam na proyektong militar na nagkakahalaga ng ₱940.5 milyon ang sinuspinde. Umabot sa ₱1.7 bilyon ang hawak ng PNP Special Action Force para sa mga kontratang hindi naipatupad. Hindi naipaliwanag ng AFP at PNP kung nasaan na ang mga pondo.
Kasunod nito, kinwestyon ng COA ang maanomalyang pagpapasa ng ₱162.9-milyong pondo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Interior and Local Government (DILG) para sa implementasyon ng mga programa ng NTF-ELCAC. Inilantad ng COA na umabot sa ₱160 milyon pondong pang-iskolar ang ipinasa ng TESDA sa mga panrehiyong upisina nito para sa pagpapatupad ng mga programa ng NTF-ELCAC noong 2020. Mahigit sangkapat ng naturang pondo (₱41.95 milyon) ay napunta sa Davao Region na balwarte ng mga Duterte. Dagdag dito ang ₱2.9 milyon ng DILG sa panrehiyong upisina nito sa Mindanao para rin sa aktibidad ng NTF-ELCAC nang walang kaukulang dokumentasyon.
Kinwestyon din ng COA ang maanomalya at maluhong paggamit ng National Commission on the Idigenous Peoples (NCIP)-Caraga sa mahigit ₱1-milyong pondo nito para sa isang “workshop” ng NTF-ELCAC sa Agusan del Norte noong Nobyembre 2020. Ginanap ang pagtitipon sa isang beach resort sa Agusan del Norte sa panahong wala pang bakuna at ipinagbabawal ang malakihang pagtitipon. Notoryus ang NCIP sa maluhong pagwawaldas ng pondo para sa mamahaling mga hotel at restawran. Noong nakaraang taon, nakwestyon na rin ang komisyon sa pagwawaldas ng pondo sa mamahaling hotel at restawran.
Iginiit ng COA na hindi maaaring gamitin ng mga ahensya ang Executive Order 70 na lumikha sa NTF-ELCAC para basta-basta na lamang maglipat ng pondo nang walang basbas ng Kongreso.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2021/09/07/pondo-sa-kontra-insurhensya-winawaldas/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.