Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 7, 2021): Mga Palaweño, pinagkakaitan ng ayuda
Dumaranas ng hirap at gutom ang mamamayang Palaweño dahil sa sunud-sunod na lockdown sa prubinsya. Dagdag dito ang pasikut-sikot, mabagal at hindi patas na sistema ng pamamahagi ng Special Amelioration Program (SAP) at iba pang ayuda mula sa mga ahensya ng reaksyunaryong gubyerno. Liban sa mga reklamo, tadtad din ng mga alegasyon ng korapsyon at paboritismo ang pamamahagi.
Sa Brooke’s Point, maraming pamilya ang walang natanggap na kahit anong materyal o pinansyal na ayuda. Dahilan ng mga upisyal ng barangay, wala sila sa listahan ng benepisyaryo o di kaya’y nakatanggap na ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Inirereklamo rin ng mga residente na mga kamag-anak at tagasuporta lamang ng kapitan ang nakatanggap ng kumpletong ayudang pampinansya.
Sa Rizal, litaw ang diskriminasyon sa katutubong Palaw’an. Nakatanggap lamang sila ng limang salop ng bigas gayong kalahating kaban at ₱1,500 ang ipinamamahagi sa mga di katutubo. Ipinatawag pa ng mga sundalo ang mga residente ng isang sityo ng mga katutubo sa barangay hall at tinakot na papatayin ang hindi sumunod sa patawag dahil mga kasapi umano sila ng BHB. Pagdating sa barangay hall, pinagkatuwaan ang mga katutubo at sapilitang pinaglaro ng pabilisan sa pagputok ng lobo gamit ang pag-upo. Nakatanggap ng premyong isang pirasong instant noodles ang nanalo.
Sa Quezon, ilan lamang ang nakatanggap ng buong ₱8,000 na ayuda. Ang iba ay nakatanggap lamang ng ₱1,500-₱2,500. Ipinagkait ang ₱5,000 ayuda sa Barangay Isugod. Inobliga naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga residente na magtrabaho sa barangay kapalit ng ayuda. Pinapirma sila sa mga papeles at pinangakuang makatatanggap ng ₱3,200 matapos ang trabaho. Noong Mayo 18, pinaglinis sila ng kalsada at pinagbuhat ng mga drum pero Agosto na ay wala pa rin silang natatanggap.
Sa Roxas, nangako ang DOLE ng ₱5,000 ayuda noong Pebrero pero hanggang ngayon ay wala pa ring natatanggap ang mga residente. Sa tatlong magkakatabing barangay, hanggang pagpapapirma lamang ng mga papeles ang ginawa ng ahensya.
Ganito rin ang naganap noong 2020 kung kailan dalawang salop ng bigas, kape, asukal at dalawang pirasong sabon lamang ang nakarating sa mga residente.
*Koresponsal mula sa Southern Tagalog
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2021/09/07/mga-palaweno-pinagkakaitan-ng-ayuda/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.