Wednesday, September 8, 2021

CPP/Ang Bayan: Mga mang­ga­ga­wang pang­ka­lu­su­gan: Mga ba­ya­ning bi­na­ba­rat, pi­nag­ka­kai­tan ng be­ne­pi­syo

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 7, 2021): Mga mang­ga­ga­wang pang­ka­lu­su­gan: Mga ba­ya­ning bi­na­ba­rat, pi­nag­ka­kai­tan ng be­ne­pi­syo



Dumating at lumampas na lamang noong Agosto 31 ang 10-araw na palugit na hiningi ng Department of Health (DOH) pero hindi pa rin natatanggap ng maraming manggagawang pangkalusugan ang mga benepisyong nararapat sa kanila. Ang mga benepisyong ito ang dahilan kung bakit lumabas ang mga nars at iba pang manggagawang pangkalusugan sa di bababa sa 10 ospital sa Metro Manila noong Agosto 30 at Setyembre 1. Nagprotesta rin sila sa harap ng upisina ng DOH sa Manila para igiit ang kagyat na pagbibitiw sa pwesto ng kalihim nitong si Francisco Duque III. May kapareho ring aksyong protesta sa Baguio City, Pampanga, Iloilo City, Bacolod City, Samar, Leyte at Isabela.

Labis ang galit ng mga manggagawang pangkalusugan sa sunud-sunod na pagkabunyag sa di paglalabas ng pondo sa isang banda, at pangungulimbat ng pera ng bayan sa kabilang banda. Ang mga ito ay tatak na ng palpak na tugon ng rehimeng Duterte sa pandemya. Kabilang sa ipinagkakait sa kanila ang special risk allowance (SRA) na nakasaad sa batas. Dulot ng mga pagkilos, napilitan ang Department of Budget and Management na maglabas ng ₱311 milyon at ₱888 milyon noong nakaraang linggo para sa SRA mula Disyembre 2020 hanggang Hunyo ng 120,000 manggagawang pangkalusugan na direktang nangangalaga ng mga pasyenteng may Covid-19.

Giit ng mga unyon ng nars at iba pa, dapat bigyan ng SRA ang lahat ng mga sangkot sa pag-aalaga ng mga pasyente, may Covid-19 man o wala, kabilang ang mga di medikal na istap tulad ng mga drayber ng ambulansya at orderly. Kinakaharap nila ang peligro ng bayrus saanman sila, anuman ang kanilang papel, sa lugar ng kanilang trabaho.

Liban sa SRA, iginigiit din ng mga manggagawa na ipamahagi na ang hazard pay at alawans para sa transportasyon, pagkain at akomodasyon. Sa Jose Reyes Memorial Medical Center, 70% ng nakatakdang badyet (₱39.2 milyon) para sa alawans sa akomodasyon at transportasyon mula Setyembre hanggang Disyembre 2020 ang hindi pa natatanggap ng mga manggagawa.

Marami na sa mga manggagawang pangkalusugan ang nasawi, nagkasakit at napilitang mag-resayn o magretiro. Apektado nito ang dati nang manipis nilang hanay at mahinang sistemang pangkalusugan laluna sa harap ng mabilis na pagdami ng mga kaso ng impeksyon dulot ng baryant na Delta.

Kamakailan ay lumampas na ang kaso ng impeksyon ng Covid-19 sa bansa tungong 2 milyon. Maraming mga ospital ang nagdeklarang puno na at hindi na tumatanggap ng mga pasyente. Sa mahigit 33,000 nasawi, 103 ay mga manggagawang pangkalusugan.

Ayon sa Alliance of Health Workers, bago pa man ang mga pagkilos ay sinikap na nilang makipagdayalogo sa DOH pero hindi sila pinakinggan ng ahensya. Pagdadahilan umano noon ni Duque, ₱1 bilyon lamang ang inilaan para sa kanilang benepisyo gayong ₱59 bilyon ang kailangan para rito. Mas malala, walang pondong inilaan para sa mga manggagawang pangkalusugan sa badyet para sa 2022.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2021/09/07/mga-manggagawang-pangkalusugan-mga-bayaning-binabarat-pinagkakaitan-ng-benepisyo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.