Thursday, June 13, 2024

CPP/NPA-Masbate/Bicol ROC: Pulang Saludo kay JR "Ka Rio" Compuesto! Kabataang Masbatenyo, tularan ang kanyang kabayanihan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 12, 2024): Pulang Saludo kay JR "Ka Rio" Compuesto! Kabataang Masbatenyo, tularan ang kanyang kabayanihan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! (Red Salute to JR "Ka Rio" Compuesto! Young Masbatenyo, emulate his heroism! Join the New People's Army!)
 


Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

June 12, 2024

Itinatataas ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate at ng mamamayang Masbatenyo ang kanilang kamao upang bigyan ng pinakamataas na pagpupugay si JR “Ka Rio” Compuesto, kabataang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, na napatay sa isang depensibang labanan sa Barangay Tubog, bayan ng Pio V. Corpuz nito lamang Hunyo 11, 2024.

Magiting na naharap ng mga kasama ang pangungubkob ng humigit-kumulang 20 elemento ng 2nd Infantry Battalion-Phil. Army. Lima ang napatay sa hanay ng militar, sang-ayon sa mga nasaksihan ng masa na mga hinakot na katawan ng kaaway. Sa kabila nito’y hindi nakaligtas si Ka Rio sa walang habas na pamumutok ng kaaway.

Ipinanganak si Ka Rio sa baryong kanyang kinabuwalan. Sa batang edad ay namulat na si Ka Rio sa totoong sitwasyon ng mga inaapi’t pinagsasamantalahan. Sinunog ng militar ang kanilang bahay.

Iniwan ni Ka Rio ang karaniwang pagkahumaling ng isang teenager sa buhay barkada dahil nakita niyang sa armadong rebolusyon tunay na magagampanan ng kabataan ang pagiging pag-asa ng bayan. Mula noo’y nagpasya si Ka Rio na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan para ipagtanggol ang kapwa niya api.

Si Ka Rio ay pinakamamahal ng masa, laluna ng kanyang kapwa mga kabataan. Bilang kasapi ng NPA, siya ay ehemplo ng mga kabataan sa kanyang kinikilusang lugar dahil pinili niyang ilaan ang lakas at talino sa makabuluhang tungkuling paglingkuran ang masa.

Hindi malilimutan ng mga kasama ang tahimik, mahinahon at puno ng pag-asang si Ka Rio. Sa kabila ng kanyang bubot na karanasan sa armadong kilusan ay may mataas na diwa ng responsibilidad si Ka Rio. Marubdob ang kanyang pagnanais na mapagsilbihan at maorganisa ang masa sa kanyang erya kaya kinakitaan siya ng kapursigehang matutunan ang mga rebolusyonaryong prinsipyo at pamamaraan, laluna sa gawaing masa.

Katumbas ng kanyang kaseryosohang matuto ay ang kanyang nag-uumapaw na pagpapahalaga sa gawain. Siya ang tumatayong upisyal sa edukasyon sa kanyang yunit. Tinitiyak niyang nabibigyan ng kumprehensibong pag-aaral ang kanyang mga kakolektibo, usapin man sa ideolohiya, pulitika at kahit sa literasiya.

Nakikiramay ang buong rebolusyonaryong kilusan sa pamilya, mga kaanak, kaibigan at iba pang nagmamahal kay Ka Rio. Para sa kanyang mga magulang, dapat nating taas-noong ikarangal si Ka Rio bilang isang mabuting anak ng bayan. Hindi nasayang ang kanyang buhay bagkus, ang kanyang pag-aalay ng buhay para sa masang Masbatenyo ay ganap na katuparan ng ating mga pangarap para sa kanya. Namatay siyang bayani at lagi nating bubuhayin ang kanyang alaala bilang isang bayani.

Ang buhay at alaala ni Ka Rio ay inspirasyon sa maraming kabataang Masbatenyong nagnanais na mag-ambag ng kanilang lakas para sa panlipunang pagbabago. Sa armadong rebolusyon lamang magagampanan ng kabataan ang kanilang papel bilang pag-asa ng bayan. Gamitin natin ang ating pagluluksa bilang dagdag na lakas upang organisahin ang mas marami pang tulad ni Ka Rio na handa at tiyak na tutugon sa hamon ng kanilang henerasyon.

Mabuhay ang alaala ni Ka Rio! Kabataang Masbatenyo, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

https://philippinerevolution.nu/statements/pulang-saludo-kay-jr-ka-rio-compuesto-kabataang-masbatenyo-tularan-ang-kanyang-kabayanihan-sumapi-sa-bagong-hukbong-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.