Communist Party of the Philippines
April 24, 2023
Click to download the video.
_____
Nobyembre 7, 2016 | Isang mapulang araw sa lahat ng mga delegado at observer sa ating ginaganap ngayon na makasaysayang Kongreso ng Partido.
Una sa lahat, aking binabati at pinasasalamatan ang (Komiteng Tagapagpaganap) at (Kawanihan sa Pulitika) sa ubos-kayang pagtutok, pamumuno at pag-oorganisa para matupad ang matagal na nating inaasam na Kongreso ng Partido.
Ang pagpupursige nating maidaos ngayon ang kongreso ay malinaw na palatandaan ng ating deteminasyong buuin ang isang malakas na partido na konsolidado sa ideolohiya, pulitika at organisasyon upang matapang at mapangahas na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan sa mas maatas na antas at hanggang sa ganap na tagumpay.
Ang kasaysayan ng ating Partido ay matingkad na kinatatangian ng rebolusyonaryong pagpupursige at kapangahasan. Nakapagpursige tayo sa mahabang panahon at buo ang ating pananalig na patuloy na makapagpupursige hanggang sa malayong hinaharap dahil lubos na sumasalig tayo sa pinagsasamantalahan at inaaping masang manggagawa, magsasaka, lumad at iba pang demokratikong uri at sektor upang isulong ang kanilang pinakamalalim na adhikaing ibagsak ang naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at sumulong sa sosyalismo pagkatapos.
Kailangan natin ng rebolusyonaryong pagpupursige at kapangahasan sa kasalukuyang daigdig kung saan obhetibong tumatalim ang mga batayang kontradiksyong panlipunan at kung gayon ay lumalakas ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pakikibaka, pero ang mga suhetibong pwersa ng proletaryong rebolusyon ay patuloy pang muling nagtitipon at nagpapanibagong-lakas mula sa pananalasa ng modernong rebisyunismo at oportunismo.
Sa ganitong kalagayan, ang napakalalaking mga balakid at hamon ay nakakasira sa loob ng marami, kinakailangan kapwa ang pagpupursige at kapangahasan para sumulong sa landas ng rebolusyon at manatiling tapat sa salita at gawa sa ating mga saligang prinsipyong Marxista-Leninista-Maoista at sa rebolusyonaryong adhikain ng proletaryado at sambayanan.
Kailangan din natin ang dalawang rebolusyonaryong katangiang ito upang isulong ang ating matagalang digmang bayan sa papataas nang papataas na antas at determinadong pangibabawan ang ating mga kahinaan at pagkukulang. Tanging sa pamamagitan ng matatag na pagsulong, maaari tayong maging tapat sa ating rebolusyonaryong prinsipyo at adhikain.
Dapat sagpangin ang napakainam na mga kundisyon para sa pagrerebolusyon na nililikha ng krisis ng kapitalismo sa buong daigdig at ng lokal na reaksyunaryong naghaharing sistema. Dapat matapang na labanan at gapiin ang pakana ng imperyalismong US at lokal na reaksyon na durugin ang rebolusyon.
Kailangan gumawa tayo ng malalaking hakbang sa pagbibigay katuparan sa adhikain ng bayan para sa kalayaang pambansa at panlipunan.
Ang ating tuluy-tuloy na matagalang digmang bayan ay malapit nang pumasok sa ikalimang dekada. Ipinagmamalaki natin ito bilang patunay sa tibay ng ating rebolusyonaryong pananalig, lalim ng ating ugat sa malawak na masa ng inaaping sambayanan at kakayahang labanan ang mga todong pag-atake ng papet at pasistang estado.
Pero naghaharap din ito ng mahigpit na usapin kaugnay ng pagpapanatili palagi ng sariwang alab at sigla ng ating Partido. Para magawa ito nangangailangan syempre ng walang lubay na pangangalaga at pagpapaunlad sa ideolohiya, sa pulitika at sa organisasyon. Pero partikular na kailangan din ang maramihang pagsasanay at pag-aangat ng mga kabataang kadre at pinuno sa lahat ng antas hanggang sa sentral na pamunuan. Dapat sadyang buksan nang maluwag, ngayon at sa hinaharap, ang pinto para makaangat ang mga nakababatang kadre at lider at makahawak sila ng mas mabigat na reponsibilidad.
Tungkulin ng kongresong ito para pagkaisahin ang Partido para sa mabibigat na tungkulin at malalaking pakikibaka ng hinaharap. Kailangang lagi natin ang pinakamatibay na napagkakaisa ng buong Partido. Laging krusyal na rekisito sa anumang malaking laban o gawain ang pagkakaisa ng Partido. Dapat pukawin ang lahat ng kadre at kasapi ng Partido para mulat na mangalaga at magsulong sa pagkakaisa ng Partido. Dapat maging mapagmatyag tayong lahat laban sa anumang kaisipan, kilos o gawi na makapagpapahina at makakasira sa pagkakaisa ng Partido.
Sa kongresong ito inaasahan nating mapagtitibay ang bagong konstitusyon, programa at mahahalal ang bagong Komite Sentral at iba pang mga sentral na organo ng ating Partido. Pagtitibayin din ang mga pangunahing kongklusyon at aral mula sa pangkabuuang paglalagom ng mga karanasan. Inaasahan nating agad-agad na mabubuo ang kumpleto at mas pinalawig na dokumento ng pangkabuuang paglalagom upang magsilbing gabay sa kilusang pagwawasto upang mapangibabawan ang mga kahinaan at kakulangan at masigasig at lahatang-panig ang mapalakas ang Partido at maisulong ang armadong rebolusyon.
Ang buong Partido at lahat ng nakikibakang masang api ay tiyak na magbubunyi sa mga istorikong tagumpay na ito na magbibigay sa kanila ng ibayong tiwala at armas para sa hinahangad na malalaking mga pakikibaka.
Hinahangad ko ang lubos na tagumpay ng ating Kongreso. Hinahangad kong ito ay maging isang kongreso ng pagkakaisa at kongreso ng mapangahas na pagsulong.
Mabuhay ang Kongreso ng Partido!
Mabuhay ang magiting, wasto at dakilang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang sambayanan!
Magkaisa at ibayo pang palakasin ang Partido!
Isulong ang matagalang digmang bayan sa mas mataas na antas at hanggang sa ganap na tagumpay!
https://philippinerevolution.nu/statements/talumpati-ni-kasamang-benito-tiamzon-sa-pagbubukas-ng-ikalawang-kongreso-ng-partido/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.